Tuesday, July 20, 2021

Kalinaw News: Patuloy ang dagsa ng sumusukong CTG members sa Masbate; karamihan ay mga kabataan

From the Kalinaw News Website (Jul 19, 2021): Patuloy ang dagsa ng sumusukong CTG members sa Masbate; karamihan ay mga kabataan



CAMP ELIAS ANGELES, Pili, Camarines Sur-Kabuuang labinsiyam na “children involved in armed conflict” (CIAC) ang boluntaryong sumuko sa mga otoridad sa Barangay Balete, Aroroy, Masbate nitong Sabado, Hulyo 17.

Kabilang sa mga sumuko ang isang 12-anyos, dalawang 13-anyos, anim na 14-anyos, apat na 15-anyos, dalawang 16-anyos, tatlong 17-anyos at isang 19-anyos.

Ayon sa isa sa mga sumuko, Marso 2020 nang imbitahan silang sumama sa isang excursion ngunit laking gulat aniya nila na dodoktrinahan pala sila ng mga miyembro ng CTG.

“Pagkatapos po ng isang buwan, binigyan na nila ako ng “Ang Bayan” newsletter tapos ibigay ko raw po sa mga kasama ko pero hindi ko naman po binigay sa kanila. Tinago ko po,” kwento ng 16-anyos na surrenderer.

“Sila ay nilinlang ng mga miyembro ng CTG at sapilitang nirecruit. Malinaw itong paglabag sa batas at paglapastangan sa karapatan ng mga kabataan,” ani Lt. Col. Siegfried Awichen, Battalion Commander ng 2nd Infantry Battalion (2IB).

Sa ilalim ng RA 9851 o ang Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide, and Other Crimes Against Humanity, mahigpit na ipinagbabawal ang pagrecruit ng mga menor de edad upang isali sa anumang uri ng armadong grupo.

Mariin din itong ipinagbabawal sa RA 11188 o ang Special Protection of Children in Situations of Armed Conflict Act kung saan nakasaad din na ang mga tinatawag na children involved in armed conflict (CIAC) ay ang sinumang menor de edad na sapilitang isinali sa isang armadong grupo.

Bunsod nito, tahasang kinondena ni Col. Aldwine Almase, Brigade Commander ng 903rd Infantry Brigade ang CTG sa patuloy na panlilinlang sa mga kabataan.

“Walang matinong tao o grupo ang magrerecruit ng mga kabataan para isali sa armadong tunggalian. Si Keith Absalon, gaya ng marami pang kabataan, ay walang awa nilang pinatay, ngayon naman ay isa na namang katotohanan ang lumantad sa kanilang walang pakundangang pagyurak sa kinabukasan ng mga kabataan sa Masbate. Tapos sasabihin ng CTG na kakampi sila ng mamamayan pero hindi nila pinahahalagahan ang buhay ng mga kabataang ito. Bata pa, gusto na nilang sirain ang kinabukasan at gawing miyembro ng walang katuturang teroristang grupo,” ani Col. Almase.

Samantala, tiniyak naman ng Police Regional Office 5 (PRO-5) sa pamumuno ni PBGEN JONNEL C ESTOMO ang agarang pagproseso ng patong-patong na kaso laban sa mga miyembro ng CTG na responsable sa pagrecruit ng nasabing mga menor de edad.

“Hindi tayo papayag na hindi mahuli, makulong at maparusahan ang mga communist terrorist na nanlinlang sa mga batang ito. Kailangan nilang makulong para wala ng iba pang mga kabataang mabiktima ng kanilang modus,” ani PBGen. Estomo.

Ayon naman kay MGEN HENRY A ROBINSON JR PA, Commander ng Joint Task Force (JTF) Bicolandia, ang patuloy na pagsuko ng mga miyembro ng CTG lalo na ng 19 na kabataan ay bunga ng pakikipagtulungan ng mga Masbateño sa otoridad lalo na ng mga magulang na nagmamalasakit sa kanilang mga anak.

“Hindi na bulag ang mga kabataan sa totoong kulay ng CTG. Isa pa, ang mga kabataang Bicolano ay matatalino at batid nilang may mahalaga at malaking papel silang gagampanan sa lipunan. Alam nilang ang mga kabataan ay dapat na nag-aaral at nagsisikap para sa kanilang mga pangarap at hindi namumundok para humawak ng armas at labanan ang pamahalaan. Nagpapasalamat tayo sa mga magulang ng mga kabataang ito na hindi hinayaang tuluyang malihis ng landas ang kanilang mga anak. Patuloy po tayong magtulungan para puksain ang CTG at wakasan ang insurhensya sa Bicol,” ani MGen. Robinson.

Maliban sa nasabing mga kabataan, pito pang mga miyembro rin ng CTG, kabilang ang isang regular NPA member, ang sumuko sa Barangay Concepcion sa parehong bayan.

Isinuko rin ng mga ito ang pitong mabababang kalibre ng baril.

Magugunitang mula nang paslangin ng CTG ang FEU football player na si Kieth Absalon at pinsan nitong si Nolven, walang humpay ang pagsuko ng mga miyembro at tagasuporta ng CTG sa Masbate kabilang na ang pinakamalaking bilang ng surrenderer noong Hunyo 18-28 na pumalo sa 505.

Kompyansa ang JTF Bicolandia na marami pa ang magbabalik-loob sa pamahalaan kasabay ng mas pinaigting na kampanya ng gobyerno para sa kapayapaan at kaunlaran katuwang ang Army, PNP at ang mga Bicolano.

 



[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/mga-sumusukong-ctg-members-sa-masbate-patuloy-ang-pagbuhos-26-na-panibagong-surrenderers-karamihan-menor-de-edad-jtf-bicolandia-tahasang-kinondena-ang-ctg-2/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.