Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jul 20, 2021): Pagpupugay kay Nanay Mameng, tinig ng maralitang Pilipino
COMMUNIST PARTY OF THE PHILIPPINESJULY 20, 2021
Taos-pusong nakikiramay ang Partido Komunista ng Pilipinas sa mga anak at kamag-anak, mga kasama at kaibigan ni Nanay Mameng (Carmen Deunida), tanyag na lider-maralita na nagbigay-mukha at tinig sa hinaing at mga pakikibaka ng masang anakpawis. Pumanaw kahapon si Nanay Mameng sa edad na 93. Nakikiisa kami sa milyun-milyong maralitang Pilipino sa pagbibigay-pugay sa isa sa pinakamamahal nilang pinuno.
Nakilala si Nanay Mameng sa kanyang makukulay at maaanghang na talumpati sa mga rali sa lansangan, laluna mula sa panahon ng pag-aalsa sa EDSA noong 2001 laban sa rehimeng Estrada, at sa iba’t ibang mga pakikibaka sa ilalim ng rehimeng Arroyo at Aquino, at maging hanggang sa ilalim ng rehimeng Duterte. Tuwing nakatuntong siya sa entablado at hawak ang mikropono, matamang nakikinig ang mga raliyista sa mga salitang nagbibigay sa kanila ng inspirasyon at katatagan ng loob na lumaban.
Animo’y mga balaraw na hinahagis sa mga naghaharing uri ang matatalim na salitang binibitiwan ni Nanay Mameng. Payat at maliit man ang pangangatawan, kinatatakutang higante kung ituring ng mga kurakot, ng malalaking kapitalista, panginoong maylupa, at lahat ng mga mapagsamantala at mapang-api.
Pinatunayan ni Nanay Mameng na bakal ang kanyang paninindigan para sa uring proletaryado at masang Pilipino. Hindi siya kailanman nabusalan. Ibinasura niya ang pagtatangkang suhulan siya ng ₱1 milyon at ng pangakong bibigyan ng trabaho ang kanyang mga anak at apo, para lamang tumigil siya sa pagsali at pagtatalumpati sa mga rali. Kahit sa kanyang katandaan, tuwid pa rin ang tindig para sa pambansang demokrasya.
Ang buhay ni Nanay Mameng ay kwento ng pakikibaka laban sa karalitaan at salaysay ng pakikibaka ng sambayanan. Marapat lamang na itinanghal ang kanyang talambuhay sa mga pelikula, dula at palabas sa telebisyon upang magsilbing inspirasyon sa bagong salinlahi ng mga uring api at pinagsasamantalahan na ipagpatuloy ang pakikibaka para sa pambansa at panlipunang paglaya.
Hindi kailanman magmamaliw ang tinig ni Nanay Mameng. Habampanahon itong aalingawngaw sa bawat hinaing at mga pagsigaw ng masang anakpawis.
https://cpp.ph/statements/pagpupugay-kay-nanay-mameng-tinig-ng-maralitang-pilipino/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.