Posted to Kalinaw News (Apr 4, 2021): Teroristang CPP-NPA at NDF walang Pagpapahalaga at Pagbibigay-galang sa Sagradong Buhay ng Tao
Abril 4, 2021, Camp Jorge Downes, Ormoc City – Ang inyong kasundaluhan mula sa 93rd Infantry (Bantay Kapayapaan) Battalion ay tumugon sa impormasyong binigay ng isang sumukong NPA na nagsasabing may isa silang kasamahang inilibing sa Sitio Kapitungan, Brgy Libo, Carigara, Leyte. Ayon sa kanya, ang naturang NPA ay nasugatan noong nagkaroon ng sagupaan ang tropa ng 19th Infantry Battalion laban sa kanilang grupo noong Hulyo 18, 2015 sa Brgy Caghalo, Carigara, Leyte. Sa kadahilanang hindi siya binigyan ng agarang at karampatang lunas, siya ay namatay at minadaling inilibing lingid sa kaalaman ng kanyang mga mahal sa buhay.
Noong Abril 3, 2021, sa pakikipag-unayan sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) ng Rehiyon 8, isinagawa ang isang retrieval operation na binuo ng pinagsanib puwersa ng kapulisan ng Carigara, Leyte at 93rd Infantry Battalion upang hukayin at alamin ang pagkakakilanlan ng naturang bangkay. Sa tulong uli ng dating NPA, positibong niyang kinilala ang bangkay sa pangalang ELEAZAR SABIDALAS na mas kilala sa kilusan sa alyas na SANGAY. Si alyas SANGAY ay isang kumander ng dating Front Committee Leyte ng Eastern Visayas Revolutionary Party Committee.
Kasalukuyang hinahanap ang pamilya o kamag-anak ni alyas SANGAY upang ipabatid ang kanyang kalunos-lunos na sinapit at maihatid na rin siya sa huling hantungan. Ang naturang bangkay ay dinala sa Carigara Funeral Homes upang paghandaan ang isang maayos at marangal na libing.
Ayon sa salaysay ng dating kasamahang sumuko, ang walang pagpahalaga sa buhay ng bawat kasapi ang pangunahing dahilan kung kaya si alyas SANGAY ay tuluyang namatay. Sa halip na gamutin ang natamong sugat, siya ay sinadyang pinabayaan na siyang naging sanhi ng hindi pa napapanahong kamatayan.
Dagdag pa niya, karaniwan sa mga gawain ng teroristang CPP-NPA-NDF ay ang sadyang paglihim ng mga sinapit ng kanilang mga kasapi sa kani-kanilang pamilya. Layunin nito ay upang hindi magkaroon ng demoralisasyon sa kanilang hanay at hindi mabatid ng puwersa ng pamahalaan ang pagkakakilanlan ng bawat miyembro nilang nasawi.
Ayon kay Brigadier General Zosimo A. Oliveros, pinuno ng 802nd Infantry Brigade, “malinaw sa ating lahat na ang teroristang NPA ay walang pagpahalaga sa kanilang mga kasapi. Bale-wala sa kanila ang maaaring mararamdaman ng mga naulila, mga magulang na nawalan ng anak, mga kabataang nasira ang kinabukasan at mga pamilyang kanilang winasak. Sa kabila ng lahat, bilang mga Pilipino na may paniniiwala sa Panginoon, bigyan po natin ng halaga ang bawat buhay. Sa pagkakataong ito, nananawagan kami sa pamilya at kamag-anak, magtulungan po tayo para mabigyan ng marangal at maayos na libing ang ating kapwa Pilipino na si ELEAZAR SABIDALAS.”
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/teroristang-cpp-npa-at-ndf-walang-pagpapahalaga-at-pagbibigay-galang-sa-sagradong-buhay-ng-tao/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.