Monday, April 5, 2021

CPP/NPA-Mindoro: Panagutin ang 203rd Brigade sa iligal na pagdakip sa mga sibilyan! Palayain ang magkapatid na sina Kadlos at Jeremy “Eming” Lukmay!

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 3, 2021): Panagutin ang 203rd Brigade sa iligal na pagdakip sa mga sibilyan! Palayain ang magkapatid na sina Kadlos at Jeremy “Eming” Lukmay!

MADAAY GASIC
SPOKESPERSON
NPA-MINDORO (LUCIO DE GUZMAN COMMAND)
SOUTHERN TAGALOG REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (MELITO GLOR COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY

APRIL 03, 2021



Mahigpit na kinokondena ng Lucio de Guzman Command – New People’s Army Mindoro (LdGC – NPA – Mindoro) ang iligal na pagdakip ng 203rd Brigade Philippine Army sa magkapatid na Kadlos at Jeremy ‘Eming’ Lukmay noong umaga ng Huwebes, Marso 25, 2021. Si Kadlos at Eming ay mga residente ng Sitio Kilapnit, Barangay Panaytayan, Mansalay, Oriental Mindoro. Si Kadlos Lukmay ay guro ng daycare center sa Kolitob, kasalukuyang buntis, may asawa at may isa pang anak, habang estudyante ng senior high school sa Fe del Mundo National High school ang kanyang kapatid na si Jeremy “Eming” Lukmay.

Alas otso ng umaga ng Marso 25 ay nasabat ng mga berdugong kaaway ang magkapatid sa bundok ng Mayas, habang sila ay papunta sa kanilang lupain upang magkaong. Pinasaringan ng kaaway ang magkapatid nang makitang nakabota si Eming habang may dala ring maliit na kaldero at sinabing hindi sila magkakaong kundi pupunta sa kasalan na idadaos ng Bagong Hukbong Bayan (BHB). Mula dito ay dinampot ang dalawa, kasama ang isa pang sibilyan na si Adliw. Hindi pinayagan ang tatlo na tumingin sa kanilang paligid, bagkus ay sinabihan na yumuko lang habang naglalakbay kasama ang mga pasistang sundalo.

Dinala ang tatlo malapit sa kalsada kung saan nangyari ang labanan sa pagitan ng isang yunit ng LdGC-NPA-Mindoro kinahapunan ng Marso 25. Pinadapa lang ang tatlo habang nasa proseso ng labanan. Alas otso ng gabi, ilang oras matapos ang labanan, ay pinakawalan ng mga sundalo si Adliw habang sinama pa rin ng mga ito ang magkapatid na Lukmay. Dito na huling namataan ang dalawa. Ilang araw matapos ang labanan ay kinalampag ng mga kaanak nito ang kampo ng Hagines nang mabalitaang dito raw dinala ang dalawa subalit itinanggi ng kaaway ang presensya ng magkapatid sa naturang kampo. Higit isang linggo na ang nakalilipas ngunit hindi pa rin nahahanap ang magkapatid.

Patunay ang ganitong insidente sa karahasan at kabagsikan ng pasistang reaksyunaryong tropa ng US-Duterte sa mga sibilyan higit lalo kapag nagkaroon ng sagupaan sa pagitan ng AFP at NPA. Higit lalo sa panahon kung saan nagkukumahog ang reaksyunaryong rehimen na isulong ang ‘final push’ nito sa pagdurog sa rebolusyonaryong kilusan. Ang mga inosenteng sibilyan ang pinagbabalingan ng hindi makatarungang galit ng pasistang tropa sa tuwing may labanan na ang layunin ay takutin ang mamamayan at pigilan na magkaisa upang igiit ang kanilang mga karapatan at karaingan.

Labis ang pagsusumikap ng berdugong AFP sa paghahasik ng takot sa hanay ng mamamayan matapos ang labanan noong Marso 25, 2021. Bukod sa pagdampot nito sa magkapatid na Lukmay, ilang oras matapos ang labanan ay walang patumanggang nagpakawala ng 11 bala mula sa Howitzer sa mga gulod na kalapit ng pinangyarihang labanan. Bunga nito, napakaraming bahayan, kaingin, at maging buhay ang napinsala ng insidente. Bukod pa rito, sapilitang tinipon sa elementary school ang mga Mangyan na residente ng Sityo Boluntad at Tagascan ng Barangay San Vicente at hindi pinapayagan ang mga itong lumabas para pumunta sa kanilang kaingin kung kaya’t labis na takot at gutom ang inabot ng mga katutubong Mangyan .

Ang mga pangyayaring ito dagdag na maitatala sa hindi mabilang na pagsupil ng AFP sa karapatang pantao ng mamamayan at tahasang paglabag sa panuntunan hinggil sa pakikidigma. Ipinapakita lamang nito ang mersenaryong katangian ng AFP. Hindi sila kumikilala ng batas o karapatan, sukdulang isakripisyo nila ang buhay ng mga inosenteng sibilyan para lamang magkamal ng pabuyang salapi o promosyon. Sila ang pangunahing tagapaghasik ng terror sa mamamayan!

Marapat lang na kondenahin, dumugin ng protesta, at panagutin ang pasistang AFP sa pagdakip sa mga inosenteng sibilyang si Kadlos at Eming Lokmay, gayundin sa walang habas na pambobomba sa komunidad ng mga katutubo at sa panggigipit sa karapatang pantao ng mga sibilyan!

Sa ganitong kalagayan, walang ibang sasaligan ang aping mamamayan kundi ang rebolusyonaryong kilusan! Pinapakita lamang ng mga insidenteng ito na higit lalong dapat magkaisa ang mga mamamayan upang labanan ang terorismo at kabuktutan ng rehimeng US-Duterte! Ang inutang na dugo ng mga pasistang kaaway ay tutumbasan ng rebolusyonaryong hustisya ng demokratikong rebolusyong bayan, pangunahin sa pagsusulong ng armadong pakikibaka!

Sa inhustisyang inihahasik ng reaksyunaryong rehimeng US-Duterte sa ating bayan, makatuwirang tanganan ang armas at sumapi sa Bagong Hukbong Bayan, baguhin ang hindi makataong kairalan, at itayo ang makatarungang lipunan!

Palayain si Kadlos at Eming Lokmay!
Panagutin ang pasistang AFP sa kasalanan nito sa mga Mindoreño!
Biguin ang ‘final push’ ng pasistang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa tagumpay!

https://cpp.ph/statements/panagutin-ang-203rd-brigade-sa-iligal-na-pagdakip-sa-mga-sibilyan-palayain-ang-magkapatid-na-sina-kadlos-at-jeremy-eming-lukmay/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.