Wednesday, March 17, 2021

Kalinaw News: Kampo ng teroristang CPP-NPA nakubkob; bangkay ng rebeldeng CPP-NPA at isang baril nadiskubre

Posted to Kalinaw News (Mar 16, 2021): Kampo ng teroristang CPP-NPA nakubkob; bangkay ng rebeldeng CPP-NPA at isang baril nadiskubre



CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela– Nakubkob ang kampo ng mga teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) na kung saan natagpuan ang bangkay ng rebeldeng CPP-NPA na iniwan ng kanyang mga kasamahan at isang baril matapos ang nangyaring engkwentro sa pagitan ng nasabing grupo at tropa ng 50th Infantry Battalion sa Sitio Babacong, Barangay Gawa-an, Balbalan, Kalinga ngayong ika-15 ng Marso taong kasalukuyan.

Nagpapatrolya ang mga kasundaluhan ng 50IB sa nasabing lugar upang tiyakin ang kaligtasan ng mga residente nang paputukan sila ng humigit kumulang 20 na mga miyembro ng rebeldeng grupo na pinamumunuan ng isang alyas Mio ng Platoon Guevara, Komiteng Larangan Baggas ng Ilocos-Cordillera Regional Committee (ICRC). Makalipas ang ilang minuto, nagkawatak-watak ang mga rebeldeng CPP-NPA na nakasagupa ng kasundaluhan at iniwan ang bangkay ng kanilang kasamahan. Patuloy naman ang pagsuyod ng kasundaluhan sa mga posibleng daanan ng mga nagtakbuhang rebeldeng CPP-NPA.

Kinilala ang nasawing rebelde na si Rudy Daguitan alyas Pinpin na may posisyong Political Officer/Political Instructor ng KLG Baggas, ICRC. Namatay siya at iniwan ang kanyang bangkay matapos ang engkwentro na naganap sa pagitan ng rebeldeng grupo at ng 50IB.

Ikinagalak ni Col Santiago I Enginco INF (GSC), Commander ng 503rd Infantry Bde ang naging resulta ng pagpapatrolya ng 50IB. Aniya, isang malaking dagok sa rebeldeng grupo ang pagkamatay ni alyas Pinpin. “Malaking kawalan sa KLG Baggas ang pagkamatay ni alyas Pinpin. Mapipilay ang pag-iindoktrina at pagtuturo ng ideolohiyang komunismo sa kanilang mga kasapi at sa mga sumusuportang masa.”

Nagbigay naman ng babala si MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army sa mga rebeldeng CPP-NPA sa ginawang pag-abanduna sa bangkay ng kanilang kasapi. “Magsilbi sanang aral ang sinapit ni Rudy Daguitan alyas Pinpin sa mga nalalabi pang kasapi ng teroristang CPP-NPA. Ito ay isa na namang patunay na hindi pinapahalagahan ang mga miyembro ng rebeldeng grupo. Inaanyayahan namin ang natitira pang mga kasapi ng rebeldeng grupo na magbalik loob sa pamahalaan at magsimulang muli bago pa mahuli ang lahat.”

Ang buong hanay ng 5ID ay nagpaabot ng pakikiramay sa pamilya ng nasawing miyembro ng rebeldeng CPP-NPA.

[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]

https://www.kalinawnews.com/kampo-ng-teroristang-cpp-npa-nakubkob-bangkay-ng-rebeldeng-cpp-npa-at-isang-baril-nadiskubre/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.