Thursday, March 11, 2021

CPP/NPA-Cagayan Valley ROC: Nagdurusa ang mamamayan ng Cagayan Valley sa mga patakarang pang-ekonomya ng rehimeng Duterte

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 11, 2021): Nagdurusa ang mamamayan ng Cagayan Valley sa mga patakarang pang-ekonomya ng rehimeng Duterte

GUILLERMO ALCALA
SPOKESPERSON
CAGAYAN VALLEY REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (FORTUNATO CAMUS COMMAND)
NEW PEOPLE'S ARMY

MARCH 11, 2021



FEBRUARY 28 | “Dagdag na pahirap at panloloko lamang!” Ito ang reaksyon ng mga magsasaka at iba pang sektor sa agrikultura sa Cagayan Valley sa mga pinakahuling anunsyo at buladas ng rehimeng Duterte kaugnay ng mga hakbanging pang-ekonomya nito.

Hindi na nga sila makagulapay mula sa dati nang kalagayan ng krisis at sa epekto ng pandemyang COVID-19 at matinding kalamidad noong Nobyembre, eto na naman ang mga pinakahuling hakbang ng rehimen na lalong maglulugmok sa kanila sa kahirapan.

Una, kaugnay ng inianunsyo ng Department of Agriculture (DA) na muling pagpapababa ng taripa sa mga ini-import na bigas mula sa ibang bansa. Kailangan daw gawin ito para maengganyo pa ang mga dayuhang mangangalakal ng bigas na magpasok nito sa bansa at sa gayo’y mapunuan ang kakulangan ng Pilipinas sa bigas.

Maugong na inangalan ito ng mga magsasakang nagtatanim ng palay sa rehiyon, na dati nang tumutol sa pagkakapasa ng Rice Tarrification Law. Dahil ang epekto nito’y lalong pagbaha ng mga inangkat na bigas mula sa iba’t ibang bansa at pagbebenta ng mga ito sa Pilipinas sa mas murang presyo. Sa ganya’y malulunod at matatalo sa kumpetisyon sa pamilihan ang mga bigas na tanim ng mga magsasaka, kabilang ang mga taga-Cagayan Valley.

Ayon sa mga magsasaka, lantay na kasinungalingan ang rason ng DA na kulang ang suplay na bigas ang bansa. Paanong kulang samantalang kaunting palay lang naman ang nasira sa mga nagdaang bagyo at pagbaha noong 2020 at sa katunaya’y malaki ang suplay na bigas ang bansa.

Umalma din ang mga rice trader sa rehiyon. Ayon sa Rice Millers Association sa Cagayan Valley, ang epekto ng pagpapababa ng taripa at pagluluwag sa importasyon ng bigas ay pagkabangkrap hindi lamang ng mga nagtatanim ng palay kundi maging ng mga rice miller.

Ayon pa sa presidente ng asosasyon na si Ernesto Subia, kaya iniiwasan na ng ibang mga rice trader ang mamuhunan sa pagbili ng palay ng mga magsasaka dahil dumarami ang nalulugi o lumiliit ang kita sa kanila. Sa katunaya’y dalawampung rice mill sa Isabela ang nanganganib magsara dahil sa pagkalugi bunga ng pagbulusok ng benta sa bigas sanhi kapwa ng importasyon at epekto ng pandemyang COVID-19.

Ngayong taon, nagsimula nang mag-angkat rehimeng Duterte ng 250,000 metriko toneladang bigas, na dagdag sa inangkat na 325,000 metriko toneladang bigas noong 2020. Itinago ng mga sindikato sa bigas, na mga may koneksyon sa o sila-sila rin ang mga opisyal ng reaksyunaryong gubyerno, ang tone-toneladang bigas at iniulat na wala na diumanong mabentang bigas sa Cagayan Valley. Ito’y upang bigyang-katwiran ang panibago na namang pagpapababa ng taripa sa bigas at pagbaha sa bansa ng mga angkat na bigas.

Ikalawa, kaugnay ng ipinaghambog kamakaylan ng Department of Agrarian Reform (DAR) na ipinapatupad na daw ng rehimeng Duterte ang pagpapamahagi ng lupa. May kabuuang lawak daw itong 6,406.6 ektarya ng lupa sa iba’t ibang rehiyon kabilang ang Cagayan Valley.

Ang totoo ay hindi libreng pamamahagi ito kundi pagkakaloob lamang ng Certificate of Land Ownership Award (CLOA). Hindi pa ito para sa tapat na hangaring wakasan ang monopolyo sa lupa ng malalaking panginoong maylupa, kundi para sa buktot na layuning kontra-insurhensya. Pero siguradong babawiin din sa mga magsasaka ang “iginawad” sa kanilang mga lupa dahil hindi nila makakayanang bayaran ang amortisasyon niyon sa loob ng mahabang panahon, at maipapasakamay muli sa mga maykaya sa paraan ng “voluntary offer to sell.”

Dati nang ginagawa ito panahon pa ng rehimen ni Corazon Aquino, pero hanggang ngayo’y kakaramput na kaso lamang sa Cagayan Valley ang magsasakang nakakuha ng Titulo sa Lupa matapos magbayad ng amortisasyon sa loob ng itinakdang 15 taon ng pagbabayad. Napakaraming pangyayari na kapag nahinto lamang ang “benepisaryong” magsasaka ng ilang taunang pagbabayad sa iba’t ibang dahilan (nasira ang mga pananim dulot ng bagyo, nagastos sa pagpapaospital o pagpapaaral sa anak, atbp), kahit pa nakabayad na ito sa maraming taon ay eembarguhin pa rin ng DAR ang lupa.

Dahil sa mga ganyang naging problema, ang solusyon ng mga nagdaang rehimen (na ipinapatupad lang naman uli ni Duterte) ay hindi pa para tiyaking huwag mabawi sa mga magsasaka ang “naipamahaging” lupa sa kanila, kundi para maibalik sa kamay ng mga panginoong maylupa at iba pang maykaya ang lupang ipinailalim sa sistemang CLOA – sa pamamagitan ng patakarang Voluntary Offer to Sell (VOS). “Boluntaryo” daw pero napilitan lamang sa “pag-alok na ibenta” ng magsasaka ang lupang ito na dahil hindi niya nababayaran at eembarguhin na sa kanya ng rehimen! Mga sindikato sa DAR ang malaking nagpakinabang sa VOS sa nakaraan.

Sa gitna ng walang kaparis na krisis sa ekonomya, pandemya at matinding kalamidad, eto lamang ang mabibigay ng rehimeng Duterte sa masang magsasaka at iba pang mamamayan sa Cagayan Valley – pagsakal pa sa lokal na industriya ng bigas pabor sa mga dayuhang produkto at huwad na reporma sa lupa! Dagdag na patunay na ang rehimeng Duterte ay salungat sa interes ng masang magsasaka at iba pang mamamayan at pabor sa interes ng mga malalaking kapitalistang dayuhan, burgesya kumprador at uring panginoong maylupa.

Panay buhos ng bilyun-bilyong pondo sa imbi nitong kampanyang kontra-insurhensya upang diumanong sugpuin ang armadong paglaban ng masang magsasaka at iba pang mamamayan. Pero ang mismo nitong mga patakaran sa ekonomya at ang kabuuang sistemang ipinagtatanggol nito ang pinakamahusay na batayan ng hindi pagkagapi at patuloy na paglakas ng armadong rebolusyonaryong kilusan ng mamamayan. #

https://cpp.ph/statements/nagdurusa-ang-mamamayan-ng-cagayan-valley-sa-mga-patakarang-pang-ekonomya-ng-rehimeng-duterte/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.