Thursday, March 11, 2021

CPP/NDF-ST: Usigin sina Duterte, General Antonio Parlade, Jr, General Debold Sinas at ang kriminal at mamamatay-taong PNP at AFP sa nangyaring Bloody Sunday noong Marso 7!

Posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Mar 10, 2021): Usigin sina Duterte, General Antonio Parlade, Jr, General Debold Sinas at ang kriminal at mamamatay-taong PNP at AFP sa nangyaring Bloody Sunday noong Marso 7!

PATNUBAY DE GUIA
SPOKESPERSON
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

MARCH 10, 2021



Tigmak ng dugo ng mga inosenteng sibilyan ang mga kamay ni Duterte, General Antonio Parlade, Jr. at General Debold Sinas sampu ng mga mamamatay-tao sa AFP at PNP sa madugong reyd na isinagawa noong madaling araw ng Marso 7, 2021 sa Cavite, Laguna, Batangas at Rizal (Calabar). Inilunsad ng kriminal at mersenaryong militar at pulis ang sabayang reyd sa mga opisina at bahay ng mga kilalang lider-aktibista at mga sibilyang tinatakan ng militar at pulis na kalaban ng estado.

Ang madugong araw ng Linggo ay nagresulta sa pagpaslang sa siyam (9) na mga aktibista at pag-aresto sa anim (6) na iba pa sa paraang ala-Tokhang at Synchronized Enhanced Military and Police Operation (SEMPO) tulad ng ginawa sa Negros, Sorsogon, Masbate at Iloilo. Mga kilalang lider masa, unyonista, organisador at tagapagtanggol sa karapatang pantao sa rehiyong Timog Katagalugan at mga ordinaryong kasapi ng mga progresibong organisasyon ang mga biktima ng inisponsor-ng-estado na mga pagpatay at panunugis. At tulad ng gasgas nang kwento ng PNP, pinalalabas na nanlaban ang lahat ng napatay.

Malinaw pa sa sikat ng araw na sangkot at may kinalaman sa nangyaring Bloody Sunday sina General Parlade at Debold Sinas. Mismong sinabi ni Brigadier General Felipe Natividad, hepe ng PNP IV-A (CALABARZON) na mahigpit nilang katuwang sa kanilang isinagawang mga operasyon na nagresulta ng Bloody Sunday ang Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC). Ang joint operation ng PNP at AFP ay tinagurian nilang COPLAN ASVAL. Si General “Berdugo” Parlade ay myembro ng RTF-ECLAC bilang punong komander ng Southern Luzon Command (SOLCOM) ng AFP at isa sa mga tagapagsalita ng NTF-ELCAC. Inamin din ni General Natividad sa panayam ng midya na 24 search warrants ang kanilang nakuha para ipatupad ang COPLAN ASVAL dalawang araw matapos panibagong ipag-utos ni Duterte ang mga pagpatay sa mga kasapi ng NPA at inuudyukan ang PNP at AFP na huwag kilalanin at balewalain ang usapin sa pagrespeto sa karapatang pantao.

Kapwa may pananagutan sa madugong araw ng Linggo ang mga mersenaryong huwes na tagamanupaktura ng search warrant upang balutan ng “ligalidad at pagiging lehitimo” ng mga isinasagawang maramihang pag-aresto at state-sponsored killings. At tulad ng naging kalakaran ng mga pulis at militar sa mga isinasagawang paghahalughog, tinaniman ng ebidensya ng mga baril, bala, granada, mga subersibong dokumento, bandila at iba pang mga gamit diumano ng rebolusyonaryong kilusan ang mga suspek. Siyam (9) pang bahay ang pinasok at hinalughog sa ganoon ding kaparaanan sa itaas subalit wala sa kanilang mga tahanan ang 9 na mga lider at aktibista na hinainan din ng minapakturang search warrants mula sa mga mersenaryo at kriminal na huwes. Kung nagkataon na naroon sila sa kanilang mga tahanan, hindi malayo na ang marami sa kanila ay malamig nang bangkay.
Ang nangyaring Bloody Sunday ay ang rurok ng nagpapatuloy na red-tagging ng NTF-ELCAC sa mga aktibista, kritiko at oposisyon sa tiraniko at kamay-na-bakal na paghahari ng rehimeng Duterte kung saan pangunahin at masugid na pasimuno si General Parlade at tagapagpatupad naman ang mataderong si General Sinas sa mga inilulunsad na SEMPO at ala-Tokhang na pagpatay. Kailangan na silang sibakin, usigin at papanagutin sa kanilang madugong kampanya ng panunupil sa mga walang kalaban-laban at mga inosenteng sibilyan. Dahil tinatamasa nila ang basbas at proteksyon ni Duterte, ang patron ng mga utak-kriminal sa AFP at PNP, buong laya at walang-pananagutan nilang naipatutupad ang mga karumal-dumal na krimen at terorismo ng estado laban sa mamamayan.

Buong laya namang ginagamit ni Parlade ang pondo ng NTF-ELCAC sa walang patumanggang red-tagging at paninira sa mga pinararatangan nitong mga kaaway ng estado. Wala nang ginagawang pag-iiba si General Parlade sa mga armado’t kombatant at sa mga di-armado’t sibilyan.

Tulad ng amo niyang si Duterte, hindi na rin kinikilala at nirerespeto ni General Parlade ang karapatang pantao, sa CARHRIHL at internasyunal na makataong batas sa digma. Bilang masugid na tagapagpatupad ng madugong “gera kontra-insurhensya” ng pasistang rehimeng US-Duterte, para kay General Parlade, lahat ng mga mamamayang pumupuna, bumabatikos at nagpaparating ng kanilang hinaing at kahilingan sa gubyerno ay pinararatangang mga kaaway ng estado at kung ganun ay target ng red-tagging, demonisasyon, pagpapakulong at sa pinakamasahol, ng mga pagpaslang.

Sa ganitong kalagayan, walang ibang dapat gawin ang taumbayan kundi ang ibayong pahigpitin ang pagkakaisa, at labanan ang pasistang rehimeng US-Duterte hanggang sa ito’y maibagsak sa pamamagitan ng lakas at kapangyarihan ng mamamayang Pilipino. Walang nagaganap na kahit pansamantalang paghupa ang mga pag-atake ng rehimen laban sa taumbayan sa kabila ng mga nagdudumilat na katotohanan na paparami ang nawawalan ng hanapbuhay at nagugutom na mamamayang Pilipino dahil sa pandemya. Walang tigil at patuloy ang pagtaas ng mga pangunahing bilihin at serbisyo, paglobo ng utang at depisito sa budget at kalakalan at higit sa lahat ang di masawa-sawatang pagdami ng bilang ng mga nahahawa, nagkakasakit at namamatay sa Covid-19. Sa halip na pag-ukulan ng matamang pansin ng gubyernong Duterte ang mga hinaing at problema ng sambayanang Pilipino, nakatuon ang kanyang pansin sa pagbira at pag-atake sa mga lehitimong grupo at organisasyon na bumabatikos sa kanyang mga katiwalian at maling pamamalakad sa gubyerno.

Hindi pa huhupa ang terorismo ni Duterte at NTF-ELCAC laban sa mga lider, aktibista, organisador, enbayronmentalista at mga tagapagtaguyod sa karapatang pantao na kabilang sa ligal na kilusang demokratiko. Papatindi pa ang mga gagawing pag-atake at pamamaslang ni Duterte, kasama ng de facto civilian-military junta na nakakubli sa NTF-ELCAC. Buong akala ni Duterte na sa ginagawa niyang pananakot, pagpapakulong at pamamaslang sa mga lider at kasapi ng mga ligal at progresibong organisasyon ay kanyang mapapaatras at mapapahina ang buong hanay ng nagkakaisang prente na nabubuklod laban sa kanyang tiraniko at pasistang paghahari. Lalo lamang itinutulak ng gubyernong Duterte ang taumbayan at iba pang mga patriotiko at makabayang organisasyon, mga civil libertarians at organisasyong sibiko na sumama at lumahok sa lumalakas na kilusang anti-pasista at anti-terorismo ng estado na nagkakaisang prente sa bansa. Ang dating pasibo at walang pakialam na aktitud sa nangyayari sa bansa mula sa ilan nating mga kababayan ay nagsisimula nang mapukaw, halinhan ng poot ang takot at magprotesta sa pasismo ni Duterte.

Walang kapatawaran ang mga nagawang karumal-dumal na krimen, pagpatay at terorismo ni General Antonio Parlade, General Debold Sinas at ng amo nitong si Rodrigo Roa Duterte sa mamamayang Pilipino. Sa tamang panahon ay pananagutin ng taumbayan at ng rebolusyonaryong kilusan ang lahat ng mga may kinalaman at sangkot sa Bloody Sunday sa partikular at sa mga nagawang krimen ng pasistang rehimeng Duterte laban sa sangkatauhan, mga paglabag sa karapatang pantao, internasyunal na makataong batas at iba pang batas ng digma sa kabuuan.

Samantala, bukas ang pintuan ng mga sona’t larangang gerilya sa Timog Katagalugan para kupkupin at pagkalooban ng proteksyon ang mga lider at myembro ng ligal na kilusang demokratiko na tinatarget ng madugong gyera at terorismo ni Duterte. Maraming lugar na nakahanda sa loob ng mga sona’t larangang gerilya sa rehiyon na inyong ligtas na matitigilan mula sa pagtugis ng mga mersenaryo at pasistang tropa ng AFP at PNP. Sa kabilang banda, lalong bukas ang pintuan ng rebolusyonaryong kilusan sa pagtanggap sa mga nagnanais sumapi sa NPA at magsulong ng armadong pakikibaka. Ang paglahok sa armadong pakikibaka ng mamamayan ang tanging paraan para palakasin ang paglaban sa terorismo ng estado at biguin ang inisponsor ni Duterte na mga pagpatay at karahasan sa taumbayan. Makakamit lamang ng nakikibakang mamamayan at mga biktima ng terorismo ng estado ang katarungan sa pamamagitan ng paglahok sa armadong pakikibaka at pagsapi sa hukbong bayan.

Katarungan para sa mga biktima ng Bloody Sunday at iba pang karumal-dumal na krimen ng pasistang rehimeng US-Duterte sa sangkatauhan!
Usigin at papanagutin si Duterte, General Antonio Parlade, Jr., General Debold Sinas, NTF-ELCAC at iba pang matataas na opisyal ng PNP at AFP sa rehiyon sa nangyaring Bloody Sunday!
Sumapi sa New People’s Army at Isulong ang Demokratikong Rebolusyon ng Bayan!
https://cpp.ph/statements/usigin-sina-duterte-general-antonio-parlade-jr-general-debold-sinas-at-ang-kriminal-at-mamamatay-taong-pnp-at-afp-sa-nangyaring-bloody-sunday-noong-marso-7/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.