From Kalinaw News (Feb 21, 2021): Medical Officer ng rebeldeng CPP-NPA, nagbalik-loob sa pamahalaan; mga pampasabog isinuko
CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Boluntaryong sumuko at nagbaba ng mga pampasabog ang isang medical officer ng Regional Sentro De Gravidad (RSDG), Komiteng Rehiyon-Cagayan Valley (KRCV) ng teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army sa hanay ng 86th Infantry Battalion noong ika-20 ng Pebrero taong kasalukuyan sa Barangay Jose Ancheta, Maddela, Quirino.
Kinilala ang nagbalik-loob sa pamahalaan na si alyas Nika, Squad Medic ng Squad Dos ng rebeldeng RSDG na kumikilos sa mga bayan ng Echague at Jones sa lalawigan ng Isabela. Ayon kay alyas Nika, isang nagngangalang alyas Brando ang nagpasampa sa kanya sa rebeldeng CPP-NPA noong Oktubre taong 2017. Ngunit matapos ang anim na buwan mula nang siya ay marekrut, agad din siyang naglie-low dahil sa mga naranasang hirap sa loob ng kanyang inanibang rebeldeng grupo. Pagbabahagi niya na hindi nabibigyan ng karampatang atensyong medikal ang dati niyang mga kasamahan na napupuruhan sa mga engkwentro laban sa tropa ng pamahalaan.
Dagdag pa niya, bagamat naaawa siya sa mahirap na kalagayan ng kanyang mga kasamahan sa tuwing napapalaban sa kasundaluhan man o kapulisan, pinili ni alyas Nika na distansiyahan ang terroristang CPP-NPA dahil hindi na rin niya kaya pang sikmurain ang mas higit pang pagpapahirap na ginagawa ng mga kadre ng teroristang CPP-NPA sa kanilang mga simpleng mandirigma. Kaya naman, malaki ang kanyang pasasalamat sa mga ginawang hakbang ng mga kasundaluhan ng 86IB upang tuluyan na niyang maputol ang kanyang ugnayan sa mga rebeldeng CPP-NPA.
Sa kanyang pagbabalik-loob sa pamahalaan, bitbit ni Alyas Nika ang apat na Improvised Explosive Devices (IEDs).
Ikinagalak ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army ang ginawang pagbabalik loob ni alyas Nika. Isa na naman itong malaking dagok sa rebeldeng grupong CPP NPA. Ang mga isinukong pampasabog ay malaking bagay naman upang makaiwas sa kapahamakan ang mga alagad ng pamahalaan pati na rin ang mga inosenteng sibilyan. “Muli nating hinihikayat ang mga nalalabi pang mga rebeldeng nalinlang sa maling ideyolohiya ng CPP-NPA. Nakahanda ang pamahalaan upang kayo’y alalayan sa inyong pagbabagong buhay. Nakahanda rin ang kasundaluhan at kapulisan upang kayoy protektahan laban sa mga pang-aabuso at pananakot ng mga rebeldeng CPP-NPA.”
[Kalinaw News is the official online source of information on the pursuit for peace in the Philippines This website is a property of the Civil-Military Operations Regiment, Philippine Army located at Lawton Avenue, Fort Bonifacio, Taguig City. Contact us: kalinawnews@cmoregiment.com]
https://www.kalinawnews.com/medical-officer-ng-rebeldeng-cpp-npa-nagbalik-loob-sa-pamahalaan-mga-pampasabog-isinuko/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.