Monday, December 7, 2020

CPP/Ang Bayan: Mahina ang benta pero tumataas ang mga presyo

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 7, 2020): Mahina ang benta pero tumataas ang mga presyo



Noong Hunyo, sinabi ng Bangko Sentral ng Pilipinas na mapapanatili ng bansa na mababa ang pangkalahatang tantos ng implasyon dahil mababa ang demand (o dami ng mga gustong bumili) para sa mga produkto sa ilalim ng pandemya. Taliwas dito, tatlong beses nang sumirit ang implasyon ngayong taon (Hulyo, Oktubre at Nobyembre). Sa pinakahuling datos, umabot na sa 3.3% ang tantos ng implasyon. Pinakamalaki ang itinaas ng mga presyo ng produktong pagkain.

Sa aktwal, bumaba ang antas ng gastos (o konsumo) ng mga pamilyang Pilipino sa unang pagkakataon sa nakaraang dalawang dekada. Bumaba nang 13% sa ikalawang kwarto at 7% sa pangatlong kwarto ng taon ang pangkalahatang gastos ng mga Pilipino kumpara sa parehong panahon noong 2019. Ang pagbaba ng demand ay bunga pangunahin ng pagsadsad at di pa nababawing kita mula ipinatupad ang matagalang lockdown.

Mula Marso hanggang Oktubre ngayong taon (dalawang kwarto), dumausdos ang gastos sa edukasyon at personal na mga produkto at serbisyo na pinupunan kalakhan ng impormal na ekonomya. Malalaki rin ang ibinaba ng gastos sa alak at sigarilyo, damit, gamit sa bahay, paglilibang at pagkain sa labas ng bahay (restoran at hotel). Pinakamalalaki ang bawas sa gastos sa transportasyon (dumausdos nang 62% noong ikalawang kwarto at 21% sa pangatlo). Sa gitna ng pandemya, bumagsak pa ang ginastos ng mga pamilya para sa kalusugan (-9%) sa kabila ng pangangailangan sa sanitasyon, testing at pagpapalakas ng resistensya.

Nasa abereyds na 6% ang itinaas ng gastos sa pagkain sa loob ng bahay, pareho lamang sa pagtaas sa nakaraang mga taon, sa kabila ng mga pagkaputol ng suplay, mga bugso na pagtaas ng presyo at pagbawas sa konsumo ng pagkain sa labas ng bahay (restoran at take out).

Bahagya lamang ang itinaas ng gastos sa komunikasyon (1%) sa kabila ng pagpapatupad ng mga online class at mga kaayusang work-from-home. Mas malaki pa ang itinaas ng gastos dito ng mga Pilipino sa parehong panahon noong 2018-2019 (3.3%).

Tumaas pa rin ang gastos para sa upa sa bahay at bayarin sa mga pampublikong yutilidad (kuryente, tubig at iba pa) nang 7% sa kabila ng mga pangako ng mga pribadong kumpanya na di muna sisingil.

Sa kabilang banda, bumaba ang konsumo ng Pilipinas ng inangkat na bigas nang hanggang 13.3% kumpara sa 2019, ayon sa isang ulat ng ahensyang agrikultural sa US (Global Agricultural Information Network). Ito ay kahit pinahintulutan ng gubyerno ang importasyon ng hanggang 3.73 milyong metriko-toneladang (MT) bigas mula Enero hanggang Agosto (mas malaki nang 43% kumpara sa parehong panahon noong 2019.) Nasa 1.64 milyong MT lamang ang aktwal na dumating sa bansa dulot ng paghihigpit ng mga nag-luluwas ng bigas sa panahon ng pandemya.

Bumaba rin ang konsumo ng Pilipinas ng karneng baka nang 21%. Batay sa naging padron sa nakaraang mga buwan, tinatayang bumaba rin nang 20% ang produksyon ng karneng baboy (dulot na rin ng African Swine Fever) at 15% sa produksyon ng manok. Bumaba rin ang konsumo ng gatas na 99% inaangkat ng bansa.

Ayon sa sarbey na isinagawa ng BSP noong Setyembre, kulang na kulang pa rin ang kita ng mga pamilya sa kabila ng pagbubukas sa ekonomya noong Hulyo. Said na ang mga impok ng kalakhan ng mamamayan. Ayon sa institusyon, mas bumaba pa ang bilang ng mga pamilyang may kakayahang mag-impok, mula 37.8% noong Enero-Marso, tungong 24.7% sa pangatlong kwarto ng taon.

Ayon sa mga estadistika mismo ng estado, permanente ang pagtaas ng mga presyo ng pagkain laluna matapos ipatupad ang batas na TRAIN noong 2018.

Mula 2016 hanggang 2019, tumaas ang presyo ng mga gulay tulad ng ampalaya, talong, kalabasa, kamatis, karot, sitaw at patatas.

Nagtaasan din ang presyo ng isda tulad ng bangus, galunggong (₱34) at tilapia (₱10).

Taliwas sa ipinangalandankan na pagbaba ng presyo ng bigas dulot ng Rice Importation Liberalization Law, bahagya pang tumaas ang abereyds na presyo ng bigas mula ₱41.72 kada kilo noong 2016 tungong ₱42.73 sa 2019. Nasa ₱45/kilo ito sa 2020 sa kabila ng todong importasyon mula sa Vietnam at Thailand at tuluy-tuloy na pagsadsad ng presyo ng lokal na palay hanggang ₱7-₱12 kada kilo.

https://cpp.ph/2020/12/07/mahina-ang-benta-pero-tumataas-ang-mga-presyo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.