Thursday, October 8, 2020

Tagalog News: 120 CAFGU sa Mindoro, nagtapos sa pagsasanay kontra-terorismo

From the Philippine Information Agency (Oct 8, 2020): Tagalog News: 120 CAFGU sa Mindoro, nagtapos sa pagsasanay kontra-terorismo (By Dennis Nebrejo)


Ang 120 bagong miyembro ng CAFGU na nagtapos sa kanilang pagsasanay sa loob ng 45 araw na isinagawa sa 203rd Infantry (Bantay Kapayapaan) Brigade na siyang makakasama ng mga sundalo at pulis laban sa mga teroristang grupo at pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa buong isla ng Mindoro. (kuha ng 203rd IB)

BANSUD, Oriental Mindoro, Okt. 8 (PIA) – Pormal nang nagtapos kamakailan sa pagsasanay ang 120 Civilian Armed Forces Government Unit (CAFGU) trainees kabilang ang 12 katutubong Mangyan sa punong himpilan ng 203rd Infantry (Bantay Kapayapaan) Brigade sa bayang ito. Sila ang makakatuwang ng mga sundalo bilang panlaban sa terorismo at tagapangalaga ng kapayapaan sa buong isla ng Mindoro.

Dumaan sa 45 araw na Basic Military Training ang mga trainees, kung saan nakapaloob ang pagsasanay sa pagpapalakas ng katawan, paggamit ng mga armas, kaalaman tungkol sa pagpapahalaga ng karapatang pantao at pagsasailalim sa pagsusuring pisikal at medikal na isinagawa ng 2nd Army Station Hospital upang masiguro ang pisikal at mental na kahandaan.

Samantala, nagpaabot ng pasasalamat si 203rd Infantry (Bantay Kapayapaan) Brigade Cmdr. Col. Jose Augusto Villareal ng Phil. Army sa mga opisyal at sundalo na naglaan ng kanilang oras upang maisagawa ang pagsasanay.

Ipinaabot din ng opisyal ang mensahe sa mga nagtapos, “Malaki ang inyong maitutulong sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa bawat komunidad. Kayo ang magiging katuwang naming mga sundalo, pulis at lokal na pamahalaan sa ating isla.”

Ang CAFGU ang pangunahing ‘responder’ sa oras ng sakuna, kalamidad at maging bahagi sa mga checkpoint habang ipinatutupad ang community quarantine sa bawat barangay. (DPCN/PIA-OrMin)

https://pia.gov.ph/news/articles/1055350

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.