GAMU, Isabela, July 19 (PIA) – Sa patuloy na pagpapa-igting ng mga kasundaluhan at kapulisan kasama ang lokal na pamahalaan sa pagpapatupad ng EO-70 o Task Force to End Local Communist Armed Conflict (ELCAC) ay nagresulta sa pagtalikod at boluntaryong pagbalik-loob ng dalawang regular na miyembro ng Communist-NPA-Terrorist (CNT) at dalawang miyembro ng Milisyang Bayan (MB) sa San Mariano, Isabela noong ika-17 ng Hulyo.
Ang mga sumukong dating rebelde ay kabilang sa mga nalalabing kasapi ng Central Front Committee (CFC), Kilusang Rehiyon-Cagayan Valley (KR-CV).
Sa pinagsanib na pwersa ng 95th Infantry (Salaknib) Battallion sa ilalim ng 502nd Infantry (Liberator) Brigade, 5ID, PA kasama ang kapulisan ng San Mariano, Isabela ay kanilang natulungan na makapagbalik-loob sina alyas “Romeo” at alyas “Felix” mga NPA, kasama sina alyas “Hector” at alyas “Stihl” na miyembro naman ng People’s Militia ng Bayan kung saan ay magkakasabay silang nalinlang ng kinikilalang si “Ka Eloy” noong 2015.
Ipinabatid naman ni BGen Laurence E Mina PA, acting commander ng 5th Infantry (Star) Division ang kanyang pagbati sa mga nagsipagbalik-loob sa kanilang naging tamang desisyon na yakapin ang tunay na kapayapaan.
Ipinaabot din niya na ang mga benepisyo mula sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP na programa ng ating pamahalaan para sa bawat rebeldeng magsisipagbalik-loob ay agad na ipoproseso upang magsilbing paunang tulong sa mga naging biktima ng panlilinlang sa maling ideolohiya at bilang panimula ng panibagong buhay kasama ang kanilang mga pamilya.
Matatandaang noong ika-09 ng Hulyo taong kasalukuyang ay may iginawad na may kabuoang Php935,000.00 mula sa naturang programa para sa mga dating rebelde na piniling bumalik sa mapayapa at normal na pamumuhay.
“Ang pamunuan ng 5th Infantry (STAR) Division kasama ang lokal na pamahalaan ay patuloy na nananawagan sa mga natitira pang mga rebelde na nasa kabundukan ng Cagayan Valley at Cordillera, kasama ang mga miyembro ng Milisyang Bayan at mga sumusuporta sa maling ideolohiya ng CPP-NPA-NDF, na magbalik-loob na sa ating pamahalaan. Hinihikayat namin kayong mamuhay sa diwa ng tunay na kapayapaan kasama ng inyong pamilya at mga mahal sa buhay” pahayag ni BGen Mina. (MDCT/ MAJ NORIEL D TAYABAN (INF) PA/Chief, DPAO/PIA-2)
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.