Friday, May 8, 2020

CPP/Ang Bayan: Mas maraming pandemya, idudulot ng pagkasira sa kalikasan

Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 7, 2020): Mas maraming pandemya, idudulot ng pagkasira sa kalikasan


Nalalantad ang mamamayan sa mas mataas na panganib ng mga sakit na katulad ng Covid-19 dahil sa malawakang pagmimina at iba pang patakarang pangkalikasan ng gubyerno. Ito ang pahayag ng Panalipdan! Mindanao nang ginunita ng organisasyon noong Abril 22 ang ika-50 taon ng Earth Day.

Ayon sa grupo, sinira ng walang-kaparis na pagkakalbo ng kagubatan ang natural na mga pananggalang sa mga sakuna at sakit, partikular yaong mga sakit na zoonotic (naililipat mula sa hayop tungo sa tao) tulad ng Covid-19.

Maliban sa malawakang pagmimina, ibinilang din ng grupo ang mga plantasyong monocrop, proyektong enerhiya, malakihang produksyong agrikultura at paghahayupan at iba pang pagpapalit-gamit ng lupa.

Hindi humupa sa Pilipinas ang pandaigdigang problema ng pagkakalbo at pagkasaid ng natural na mga rekurso. Mahigit 60% na ng kagubatan sa bansa ang nawala sa nagdaang dantaon. Imbes na pigilan ang pagkakalbo, mas malalawak na lupain pa ang ibinukas sa mas maraming kontrata sa mina, dam, at pagpapalit-gamit ng lupa tungong plantasyong monocrop.

Sa ilalim ng rehimeng Duterte, isang milyong ektaryang kagubatan at lupang agrikultural sa Mindanao ang inilaan na para sa mga plantasyong oil palm. Nanganganib ding masira ng mga proyektong dam sa ilalim ng Build, Build, Build nito ang mga sakahan, kagubatan, daluyan at pinagmumulan ng tubig.

[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippines and is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]

https://cpp.ph/2020/05/07/mas-maraming-pandemya-idudulot-ng-pagkasira-sa-kalikasan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.