Thursday, April 2, 2020

CPP/NPA-SM: Panagutin nang mahal ang patuloy na paglabag ng AFP sa sariling ceasefie — NPA-Quezon

NPA-SM propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Apr 2, 2020): Panagutin nang mahal ang patuloy na paglabag ng AFP sa sariling ceasefie — NPA-Quezon

CLEO DEL MUNDO
SPOKESPERSON
NPA-QUEZON
APOLONIO MENDOZA COMMAND
NEW PEOPLE'S ARMY
APRIL 01, 2020



Kailangang managot ang Armed Forces of the Philippines sa patuloy nilang paglabag sa sariling deklarasyon ng unilateral ceasefire na nagresulta sa labanan sa pagitan ng 59IBPA at isang yunit ng NPA, kahapon ng hapon, Marso 31, sa bayan ng Gumaca.

Taliwas sa pahayag ng hepe ng 59IBPA na si Lt. Col. Edward Canlas, hindi totoong rumesponde sila sa “reklamo ng residente”, sa halip ay inatake ng kanilang tropa ang yunit ng NPA na nakahimpil sa barangay ng Mabunga para sa idaraos na paggunita ng ika-51 anibersaryo ng NPA.

Hindi rin dapat tanggapin ang paliwanag ni Canlas na naroon sila sa lugar para mamahagi ng polyeto kaugnay sa Covid-19.

Umay-na-umay na ang taumbayan sa sirang-plakang kwento ng pasistang sundalo na “inireklamo ng mga residente ang panghihingi ng bigas ng NPA”. Dapat ay hindi na ito inilalabas ng mga responsableng peryodista at pahayagan.

Ang kanilang presensya sa pulang purok at mga interyor na bahagi ng kanayunan sa panahon ng tigil-putukan ay malinaw na probokasyon at tahasang paglabag sa kanilang ceasefire.

Kung seryoso ang AFP sa kanilang ceasefire at suspensyon ng operasyong militar, marapat na sila ay nasa kanilang mga baraks sa kampo at hindi ginagamit na palusot ang krisis sa Covid-19 para maipagpatuloy ang kanilang kontra-rebolusyunaryong digma.

Katunayan, bago pa ang labanan, nasa isang buwan nang nag-ooperasyon ang mga sundalo sa mga bayan ng Atimonan, Agdangan, Unisan, Plaridel at Gumaca. Gumagamit sila ng drone at hindi tinatantanan ang nasa 30 barangay ng mga naturang bayan. Naganap ito kahit nagdeklara na sila ng ceasefire kasabay ng pagsisimula ng lockdown at community quarantine sa lalawigan.

Kung hindi ba naman isang kaululan ang palabas ni Brigadier General Norwyn Romeo Tolentino ng 201st Infantry Brigade sa kanilang community support program operations, bakit nagreresulta ito ngayon sa marahas na imbestigasyon at pananakit sa mga residente ng magkakatabing barangay sa pinangyarihan ng labanan? Siguradong apektado ang kabuhayan ng mga magsasaka dahil sa mga napinsalang pangtrabahong hayop nila gaya ng kabayo at kalabaw.

Labis na napopoot ang buong rebolusyunaryong kilusan sa pataksil at mapanlinlang na aktong ipinakita ng kasuklam-suklam na tropa ng 59IB sa pangyayaring ito.

Hindi ito maaring palampasin ng rebolusyunaryong kilusan.#

https://cpp.ph/statement/panagutin-nang-mahal-ang-patuloy-na-paglabag-ng-afp-sa-sariling-ceasefie-npa-quezon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.