Saturday, December 7, 2019

CPP/RCTU-ST: Hinggil sa pagpaslang kina Kasamang Ermin Bellen: Pagpugayan ang 3 martir ng Antipolo!

Southern Tagalog Regional Committee propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 7, 2019): Hinggil sa pagpaslang kina Kasamang Ermin Bellen: Pagpugayan ang 3 martir ng Antipolo!

RCTU-ST
REVOLUTIONARY COUNCIL OF TRADE UNION
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
DECEMBER 07, 2019

Rebolusyonaryong pagpupugay ang hatid ng nagkakaisang uring proletaryado sa ilalim ng RCTU-NDF-ST sa makabuluhang buhay na inialay nila Kasamang Ermin Bellen (pinangalanan ng kaaway bilang si Armando Lazarte), Lucio Simburoto, at Jose Villahermosa para sa dakilang mithiin ng demokratikong rebolusyon ng bayan.

Ipinapaabot din ang pakikiramay sa pamilya at kamag-anak ng tatlong martir ng sambayanan. Taliwas sa ipinalalabas ng mga pasista at mersenaryo sa reaksyunaryong gobyerno, hindi masasayang ang kanilang mga sakripisyo, paghihirap at ang kanilang inialay na buhay.

Kontra sa pinalalabas ng AFP Southern Luzon Command (SOLCOM), pataksil na pinaslang ang tatlo habang natutulog, bandang ala una ng madaling araw ng Disyembre 5, 2019 sa isang bahay sa Brgy. Cupang, Antipolo City. Sa madaling salita, isang karumal-dumal na pamamaslang na matagal nang sinasanay ng mga mersenaryong tropa ng AFP at PNP sa probinsya ng Rizal.

Halatang nangapa sa dilim ang AFP at PNP na nag-operasyon sa bahay nang hindi matiyak ng tunay na ngalan ng mga pinatay, kahit nang ipinamalita nila sa midya; at upang maging malinis at pumasok diumano sa ligalidad ng operasyon, sinabi na lamang na nagkaroon ng maikling engkwentro.

Ngunit bakit walang ni isang napinsala sa hanay ng AFP at PNP, habang halos napakalinis ng pagbaril naman kina Ka Ermin? Sa harap ng ipinagmamayabang ng mga pasista na matagumpay na operasyon, maraming mga butas at halatang mga kasinungalingan sa kanilang bersyon ng istorya.

Hindi malayong tulad ng mga pagpatay sa ilalim ng kampanyang kontra-droga ni Duterte; tinamnan na lamang ng baril at granada sina Ka Ermin nang mapatay na. Sa katunayan, pumosisyon na ang Scene of the Crime Operatives (SOCO) kasama ang mga operatiba ng AFP at PNP bago pa man ang operasyon upang kunwang magsagawa ng imbestigasyon at tiyakin ang ligalidad ng nangyaring “tangkang paghuli” at ang sumunod na “engkwentro”.

Bahagi ito ng pangkabuuang hangarin ng pasistang rehimeng US-Duterte sa pagsemento ng kanyang diktador na paghahari sa bansa, anuman ang maging kaparaanan: pormal man o hindi, nasa batas o wala, halata man o patago. Tulad ng ginawa nila kay Rey Malaborbor noong Nobyembre sa probinsya ng Laguna, pinaulanan ng mga duwag na pasista ng mga punglo ang katawan nila Ka Ermin, sa tiyak na palpak nitong hangaring wasakin ang rebolusyonaryong kilusan.

Rebolusyonaryong hustisya ang tugon ng rebolusyonaryong mamamayan sa karumal-dumal na pamamaslang na ito. Labag ang naging kunwang operasyon sa internasyunal na makataong batas sa digmaan at sa karapatang pantao, at magpapatunay lamang na hindi kailanman maitatago o maisasakatwiran ng AFP at ng PNP ang pinakamalala nitong mga paglabag sa karapatan.

Sa pagpaslang sa tatlong martir ng Antipolo, dumarami lamang ang dahilan at umiigting ang pangangailangan ng armadong pakikibaka upang biguin ang pasistang paghahari ni Duterte at ibagsak ang kanyang nabubulok na rehimen.
Matagal nang napatunayan ng CPP-NPA-NDFP sa buong bansa at sa rehiyon na hindi kailanman mapipigilan ang pagbangon ng digmang bayan sa pagpaslang o paghuli ng mga kasama. Tiyak, marami nang natuto at matututo sa mga aral at ambag nila Ka Ermin sa rebolusyonaryong pakikibaka ng mamamayan.

Mabuhay sina Kasamang Ermin Bellen, Jose Villahermosa at Lucio Simburoto! #

https://cpp.ph/statement/hinggil-sa-pagpaslang-kina-kasamang-ermin-bellen-pagpugayan-ang-3-martir-ng-antipolo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.