Saturday, December 7, 2019

CPP/NDF-ST: Hinggil sa pagpaslang kina Kasamang Ermin Bellen

NDF-Southern Tagalog propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 7, 2019): Hinggil sa pagpaslang kina Kasamang Ermin Bellen

PATNUBAY DE GUIA
NDF-SOUTHERN TAGALOG
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

DECEMBER 07, 2019

Mariing kinukondena ng National Democratic Front of the Philippines- Southern Tagalog (NDFP-ST) ang karumal-dumal at walang awang pagpaslang ng mga pasistang tropa ng AFP at PNP kina Kasamang Ermin Baskiñas Bellen na pinangalanan ng kaaway bilang Armando Lazarte at sa kanyang dalawang kasamahang sina Jose Villahermosa at Lucio Simburoto. Ang pangyayari ay naganap ala una ng madaling araw ng Disyembre 5, 2019 sa isang bahay sa Sierra Subdivision, barangay Cupang sa Antipolo City.

Pataksil na pinagbabaril hanggang sa mapatay sina Kasamang Ermin at dalawang kasama sa dis-oras ng gabi sa kanilang pagkakatulog. Isa itong “extra judicial killing” (ejk) na tipikal na paraan ng mga mersenaryong tropa ng pasistang rehimeng US-Duterte para patahimikin ang kanyang mga kalaban at kritiko lalo na mula sa hanay ng mga rebolusyonaryo, progresibo at oposisyon.

Upang palabasin na nanlaban ang mga kasama, tinamnan ng mga baril at granada ang mga pinaslang na kasama. Pinalabas pa sa media ng mga pasistang tropang AFP at PNP na sinikap pa diumano nilang dalhin sa ospital ang dalawang sugatang kasama subalit binawian din ng buhay bago pa makarating ng ospital. Ang katotohanan, isang masaker ang naganap at walang naging labanan taliwas sa binaluktot na bersyon ng mga pasistang AFP-PNP.

Ang ganitong mga pahayag sa publiko na nanlaban, may nakuhang mga baril at pasabog at dinala sa ospital na mga sugatan ay yari’t ganap nang mga niresiklong ulat at paliwanag na paulit-ulit lamang na inilalabas sa publiko para palabasing lehitimo ang kanilang mga operasyon tulad sa mga nangyari sa mahigit limang libong biktima ng extra judicial killings sa kampanya laban sa iligal na droga ng pasistang rehimeng US-Duterte. Dapat na kundenahin ng taumbayan ang patuloy na pagsasagawa ng mga karumal-dumal na krimen at paglabag sa karapatang pantao ng mga mersenaryo at pasistang AFP at PNP ni Duterte.

Ang mga pinaslang na kasama ay hindi armado at walang kapasidad na lumaban. Subalit wala talagang intensyon ang mga pasistang tropa ni Duterte na hulihin nang buhay ang mga kasama. Hindi pa man nangyayari ang pinalalabas nilang shoot-out, kasa-kasama na ng mga operatiba ng AFP at PNP ang Seen of the Crimes Operatives (SOCO) sa aktwal na operasyon. Ang papel ng SOCO ay mag-imbestiga sa lugar kung saan nangyari ang krimen upang mangalap ng ebidensya. Samakatuwid, ang presensya nito sa aktwal na operasyon ay nagpapakitang planado at talagang wala silang balak buhayin ang mga kasama at bigyan ng pagkakataon na ipagtanggol ang sarili sa harap ng korte batay sa mga ibinibintang sa kanilang mga kaso. Ang pagsama ng SOCO sa aktwal na operasyon ay hindi upang mangalap ng ebidensya kundi ang magtanim ng ebidensya, linisin ang crime scene o anumang ebidensya na maaaring maglalagay sa mga operatiba sa balag ng alanganin at higit sa lahat ang pagtakpan ang ginawang krimen ng mga talamak na kriminal na AFP at PNP upang palabasing lehitimo ang kanilang operasyon.

Ang mga ganitong kriminal na gawain ng AFP at PNP laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan sa rehiyong Timog Katagalugan ay hindi namin palalagpasin. Walang pinipiling panahon ang paggagawad ng rebolusyonaryong hustisya sa sinumang may utang na dugo at nakagawa ng krimen laban sa rebolusyonaryong kilusan at mamamayan. Tiyak na mananagot ang mga may kagagawan sa karumal dumal na krimen sa pagpaslang kina Kasamang Ermin Bellen at 2 pa niyang kasamahan. Sa ginawa nilang pagpaslang sa tatlong kasama, lalo lamang pinag-aalab ni Duterte ang rebolusyonaryong adhikain at determinasyon ng rebolusyonaryong kilusan para wakasan ang kanyang paghahari at ang bulok na sistemang malakolonyal at malapyudal na lipunang Pilipino na kanyang itinataguyod at ipinagtatanggol.

Naglukuksa, nanghihinayang ngunit nakakuyom ang mga kamao ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon sa maaagang pagpanaw ng mga butihin at dakilang kasama. Ngunit kasabay ng pagluluksa at panghihinayang ay ang pagbaling sa rebolusyonaryong katapangan at determinasyon ng bawat kadre at kasapi ng Partido, ng mga opisyal at mandirigma ng NPA at ng rebolusyonaryong mamamayan sa rehiyon na isulong sa isang bago at mas mataas na antas ang digmang bayan sa Timog Katagalugan. Batid nila na ang pinakamataas na pagdakila at pagbibigay ng parangal sa mga martir ng rebolusyon ay ang pangakong patuloy na magpunyagi sa pagkakamit ng mga tagumpay sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan.

Ang pagkawala ng tatlong mahal na mga kasama ay pansamantalang kabiguan lamang sapagkat tiyak na sa madaling panahon ay mababawi ng rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon ang anumang pansamantalang setback o pagkaantala ng pagsulong ng mga gawain sa probinsya ng Rizal. Nananatiling matatag at malakas ang CPP-NPA-NDFP sa rehiyon at kaya nitong agarang mapunuan ang naiwang mga tungkulin at gawain ng tatlong mga dakilang martir at bayani ng rebolusyon. Patuloy na aanihin ng rebolusyon ang bunga ng mga punlang kanilang inihasik sa matabang lupa ng sambayanan at sabay-sabay na aahon hanggang sa makamit tunay na kalayaan, demokrasya at kasaganaan.
Taas kamaong pagpupugay sa tatlong martir ng rebolusyon!

Mabuhay ang iniwang ala-ala nina Kasamang Ermin Bellen, Jose Villahermosa at Lucio Simburoto!

Papanagutin ang pasistang rehimeng US-Duterte sa kanyang mga karumal-dumal na krimen sa bayan!

https://cpp.ph/statement/hinggil-sa-pagpaslang-kina-kasamang-ermin-bellen/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.