Saturday, December 7, 2019

CPP/NDF-Bicol: Hinggil sa Pagdalaw ni Duterte sa Kabikulan

NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 7, 2019): Hinggil sa Pagdalaw ni Duterte sa Kabikulan

MARIA ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES

DECEMBER 07, 2019



Ang pagdalaw ni Duterte sa Kabikulan matapos ang pananalanta ng Bagyong Tisoy ay hungkag, ipokrito at hindi maghahatid ng anumang makabuluhang tulong sa mamamayan. Hindi maitatanggi ng pangkating Duterte na ang labis na epekto ng mga kalamidad tulad ng bagyo at lindol ay bunga na ng higit apat na dekadang pagpapatupad ng neoliberal na mga patakarang lumulustay at wumawasak sa kalikasan. Ilang libong sako ng relief goods man ang kanilang ipamudmod at anumang pangakong sisikapin nilang mapahusay ang pagtugon sa mga kalamidad, papasanin pa rin ng masa nang paulit-ulit ang epekto ng mga sakuna hanggat nananatili ang isang sistemang nagtatanggol sa mga mapanghuthot na proyektong wumawaldas sa likas na yaman at kalikasan ng bansa.

Sa loob ng lampas tatlong taon sa termino, walang ibang inatupag si Duterte kung hindi ang masigasig na pagpapatuloy ng mga batas na pabor sa dayuhang kapitalista at malalaking korporasyon. Ipinagmamalaki niya ang programang pang-imprastrukturang Build, Build, Build bilang banderang proyekto ng kanyang rehimen. Ngunit wala ni isa sa 75 proyektong nakalinyada sa ilalim ng naturang programa ang mayroong makabuluhang ambag sa pagpapatatag ng ekonomya. Bagkus, kalakhan sa mga proyektong ito ay sasagasa sa mga komunidad at kagubatan at sisira sa malalawak na lupain ng bansa.

Sa ilalim din ni Duterte higit na lumawak ang lupaing ipinaloob sa land conversion at binuksan para sa malawakang pagmimina, proyektong ekoturismo at iba pang negosyo. Sa Kabikulan, lampas 150 kontrata sa pagmimina ang nakatala noong taong 2015. Mula Camarines Norte hanggang Masbate, tinatahi ang rehiyon ng malalaking operasyon ng pagmimina na mabilis na sumisira sa likas na yaman ng Bikol.

Doble-dobleng pasakit pa ang pinapasan ng masa laluna sa mga eryang militarisado. Liban sa danyos na tinamo mula sa bagyong sumalanta, nariyan pa ang higit pa ngang malaking danyos na dulot ng matatagal na operasyong militar sa mga komunidad sa kanayunan.

Para sa masang Bikolano at sa buong bansa, higit pa sa dagliang tulong, ang pagbabalikwas mula sa kasalukuyang sistemang pinalalakad sang-ayon sa interes ng iilan nang walang pagsasaalang-alang sa epekto nito sa sanlibo’t sanlaksang mamamayan ang tunay at kongkretong hakbang upang mapigilan ang malawak na pagkasirang dulot ng mga kalamidad. Naninindigan ang NDF-Bikol, kasama ang masang Bikolano, sa paniningil sa rehimeng US-Duterte sa pagpapatupad niya ng mga neoliberal na patakarang pabor sa lokal na naghaharing-uri at sa imperyalistang kapangyarihan. Hindi lamang relief goods ang ipinapanawagan ng masa kung hindi makabuluhan at pangmatagalang solusyon sa mga sakuna at kalamidad.

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.