Saturday, December 28, 2019

CPP/NDF-Bicol: Photoshop, Pekeng Balita at Disimpormasyon: Ang Katawa-tawang Tagumpay ng 9th IDPA sa Rehiyon

NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 28, 2019): Photoshop, Pekeng Balita at Disimpormasyon: Ang Katawa-tawang Tagumpay ng 9th IDPA sa Rehiyon

MARIA ROJA BANUA
SPOKESPERSON
NDF-BICOL
NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES
DECEMBER 28, 2019

Sadyang hindi na maisasalba ng mga militar at pulis ang kanilang imahe sa panibago na namang balita ng kanilang palpak na palabas sa Kabikulan. Sa anibersaryo ng PKP nitong Disyembre 26, ipinakalat ng 2nd IBPA ang kagila-gilalas na balitang mayroon na naman umanong 306 sumurender mula sa prubinsya ng Masbate. Lakas-loob pa nilang linakipan ng litrato ang kanilang media release. Ngunit, tulad ng lahat ng kanilang mga nakaraang pagsisikap, mayroong malaking butas ang kwento. Kaagad napansin ng mga netizens ang sumusunod: a.) palpak na pagka-photoshop ng larawan at makailang ulit nang paggamit ng naturang kuha para sa mga nakaraang balita ng pagsuko b.) ang isang baril na ‘isinuko’ umano ay mula sa mga baril na ipinagkaloob ng Tsina sa AFP. Isang bagay lamang ang pinatutunayan ng desperadong hakbanging ito – ang kabiguan ng militar at pulis na pahinain man lamang ni kaunti ang rebolusyonaryong kilusan sa rehiyon at buong bansa.

Ang totoo, lubhang pinalobo ang bilang at paulit-ulit lamang na ipinaparada ng militar at pulis ang mga masang sapilitan nilang pinasusuko bilang mga NPA, milisyang bayan at kasapi ng sangay ng Partido sa lokalidad. Kakambal ng kanilang teroristang pang-aatake sa masa, ginagawa nilang balon ng korupsyon ang pondo ng hungkag na Enhanced Comprehensive Local Integration Program (ECLIP). Kapalit ng 306 pekeng sumuko, nakapagbulsa na naman ang militar at pulis ng humigit-kumulang P19,890,000 mula sa P65,000 pondo ng ECLIP para sa kada indibidwal. Walang ipinagkaiba ang kasong ito sa eskandalo ng paghuli kay Joselito Naag, isang elemento ng militar, bilang lider umano ng NPA noong Setyembre kung saan nakakubra naman sila ng hindi bababa sa P100,000.

Ang masahol pa, kabang-bayan din ang linulustay ng militar at pulis sa pagpapakalat ng mga pekeng balitang ito. Liban sa pinalaking pondo ng reaksyunaryong gubyerno para sa pasismo, binigyang-laya rin ng EO 70 ang paggamit ng militar at pulis sa pondo ng mga lokal na yunit ng gubyerno at mga ahensya upang tustusan ang kanilang gerang kontrarebolusyonaryo. Ang bikyun-bilyong pondong para sana sa mga sosyoekonomikong proyektong pakikinabangan ng masa ay winawaldas ng militar at pulis sa pagphophotoshop ng paulit-ulit na mga litrato at panlilinlang sa madla.

Nananawagan ang NDF-Bikol sa militar at pulis na matuto na mula sa karanasan. Dapat magsilbing aral sa kanilang hindi nila maaaring maliitin ang kritikal na pagsusuri at pangingilatis ng mamamayan sa mga usapin at balitang pinag-uusapan sa bansa. Anumang buhos nila ng rekurso upang kontrolin ang impormasyon at baluktutin ito pabor sa kanila, mapagmatyag na ilalantad ng sambayanan ang kanilang mga kasinungalingan. Tandaan nilang mayroong likas na talino at husay ang masa. Higit itong pinatatalas at pinatatapang ng walang humpay na pasismo at terorismo ng rehimeng US-Duterte.

Naninindigan ang NDF-Bikol na sa harap ng kaliwa’t kanang kasinungalingan ng militar at pulis, pagkontrol sa impormasyon at malawakang pagsikil sa karapatang mamahayag, ngayon higit kailanman kinakailangan ang kritikal na pagsusuri at matamang paglaban ng mamamayan. Dapat lamang isapraktika ang community journalism at buong-tatag na labanan sa anumang paraan ang saywar at pasismo ng kaaway ng mamamayan.

Sa huli, alam din mismo ng hanay ng militar at pulis, na hungkag ang kanilang mga tinatawag na tagumpay na pinalamutian lamang ng mga grandyosong salita, manipuladong larawan at pinalobong bilang. Walang anumang husay sa Photoshop at pamamaluktot sa katotohanan ang maitatangging nananatiling matatag ang rebolusyonaryong kilusan sa Kabikulan. Mapagpasya nitong haharapin ang taong 2020 na may matibay na kapasyahang gapiin ang reaksyunaryong pwersang labis na nagpapahirap sa masa.

https://cpp.ph/statement/photoshop-pekeng-balita-at-disimpormasyon-ang-katawa-tawang-tagumpay-ng-9th-idpa-sa-rehiyon/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.