Saturday, December 28, 2019

CPP/CNL-NDF: Taong simbahan, itanghal ang makauring pamumuno ng Partido! Mag-ambag sa pagkakaisa ng sambayanan upang ibagsak ang papet, pasista at berdugong rehimeng US-Duterte! Kamtin ang mas mataas na antas ng demokratikong rebolusyong bayan!

Christians for National Liberation (CNL) propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 28, 2019): Taong simbahan, itanghal ang makauring pamumuno ng Partido! Mag-ambag sa pagkakaisa ng sambayanan upang ibagsak ang papet, pasista at berdugong rehimeng US-Duterte! Kamtin ang mas mataas na antas ng demokratikong rebolusyong bayan!

CHRISTIANS FOR NATIONAL LIBERATION
DECEMBER 28, 2019

“Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!” Ito ang nagbubunying sigaw ng bawat kasapi ng CNL sa buong bansa, maging sa ibayong dagat, sa pagdiriwang ngayon ng ika-51 taong anibersaryo ng muling pagkakatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas. Taas-kamao nating pinagpupugayan ang Partido sa loob ng 51 taong pamumuno nito sa pagbagtas ng sambayanang Pilipino sa landas ng pambansa-demokratikong rebolusyon tungo sa sosyalismo, tulad ni Moises na namuno sa Exodo ng mga Israelita mula sa kanilang pagkakaalipin sa Ehipto tungo sa kalayaan. Muli nating sariwain ang 51 taong paggabay ng Partido sa buong kilusan, at muling manumpa ng pagkilala at katapatan sa pamumuno ng Partido sa rebolusyong Pilipino na bagong-tipo demokratikong rebolusyong bayan. Ialay rin natin ang ating mga panalangin at pagpupugay sa mga kasamang walang pag-iimbot na nag-aalay ng buhay sa rebolusyong Pilipino, kabilang ang mga rebolusyonaryong taong-simbahan, sa kanayunan man bilang mga Pulang Mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan, o sa kalunsuran bilang mga organisador ng CNL.

Sa kada taong lumilipas ay patuloy na sumasahol ang krisis ng mala-kolonyal at malapyudal na sistemang panilipunan na pinaghaharian ng naghaharing uri, na siyang kinakatawan ng rehimeng US-Duterte. Nanantili ang malawak na kahirapan, kagutuman, kawalan ng disente at makataong pamumuhay at hustisyang panlipunan. Sa kanayunan, laganap ang malawakang pangangamkam ng lupa sa iskema ng Land Use Conversion na nagdulot ng malawakang kanselasyon ng mga CLOA at EPs ng mga magsasaka at militarisasyon at sapilitang pagpapalikas sa mga katutubo at pambansang minorya upang bigyang daan ang mga proyekto tulad ng pagmimina, pagtatayo ng mga dam, subdibisyon, multinasyunal at transnasyunal na mga plantasyon tulad ng saging at palm oil, at iba pang mga proyektong lubhang nakakapinsala sa kabuhayan at pamumuhay ng mga magsasaka at pambansang minorya. Lubhang nakakabahala na dahil sa malawakang monopolisasyon sa lupa ay nagdulot ng mahigit 10 milyong magsasaka ang nawalan ng kabuhayan dahil rito noong taong 2018, at nadagdagan pa ito ng mahigit 300,000 magsasaka na nawalan ng kabuhayan nong unang kwarto ng 2019. Sa kabila ng pangakong libreng irigasyon at suporta sa agrikltura, kapansin-pansin ang patuloy na pagbulusok ng badyet sa ayuda sa sektor ng agrikultura, tulad noong 2018 kung saan ay 8.1% lamang sa GDP ang naging bahagi ng agrikultura. Ilan sa mga matitining na kaso ay ang pagpapalayas ng mga katutubong Aeta sa Capas, Tarlac, upang bigyang-daan ang pagtatayo ng Clark Green City, at ang nakaambang proyekto ng pagpapatayo ng dam sa Infanta, Quezon, na makakapinsala hindi lamang sa mga katutubong Dumagat kundi maging sa mga mamamayan ng Quezon at Rizal. Dapat ring bigyang-pansin ang malaking bahagdan ng shares ng Chinese investements sa mga proyektong ito. Dumagdag pa ang pagpappatupad ng mga batas hinggil sa liberalisasyon ng agrikultura, primarya ang Rice Liberalization Law, na nagbunsod ng pagbagsak ng presyo ng mga lokal na produktong agrikultural, habang patuloy na tumataas ang presyo ng mga agricultural inputs na dumadagdag sa krus na pasan ng mga magsasaka. Sa kalunsuran naman, sanhi ng pagpapaigting ng tagibang na Build, Build, Build Policy, nagpapatuloy ang malupit at marahas na demolisyon at sapilitang ebiksyon ng mga komunidad ng mga maralitang lungsod. Kasabay nito, nagpapatuloy ang pandarahas sa mga maralitang lungsod na patuloy na tumitindig at dumedepensa sa kanilang mga batayang karapatan, tulad ng ginagawang pandarahas sa mga lider maralita at mga masa sa Pandi, Bulacan na nag-occupy ng mga tiwangwang na unit. Ilang mga report na ang nakakaabot hinggil sa mga ahente ng mlitar at pulis ang naniniktik, nag-uudyok, nagbabanta ng death threats, nananakit ng mga masang tagasuporta, at maging nanununog ng bahay at nagnanakaw ng mga kagamitan. Sa hanay ng naman ng paggawa, nananatili ang pananalasa ng di-makatarungang sistema ng kontraktwalisasyon sa paggawa sa kabila ng napakong pangako ni Duterte na ibabasura ang iskemang ito, na nakakaapekto sa mahigit 90% ng mga manggagawa sa bansa habang nananatiling napakababa ng sahod sa bisa ng iskemang Regional Wage Board System. Ang kawalan ng trabaho sa bansa, kaakibat ang Labor Export Policy, ang siyang nagdulot ng malawakang pag-alis ng mga manggaagwang Pilipino patungong ibayong dagat. Ayon mismo sa tala ng OWWA at mahigit 5,000 manggagawang Pilipino ang umaalis ng bansa araw-araw upang maghanap ng trabaho sa ibayong dagat. Sa kabila ng krisis sa paggawa ay dinagdagan pa ito ng walang-habas na pagtaas ng mga bilihin na sanhi ng TRAIN Law. Maging ang mga serbisyong panlipunan, tulad ng edukasyon at kalusugan, ay nagdusa ng mabibigat na kaltas sa pambansang badyet, habang laganap pa rin ang korapsyon ng naghaharing pangkatinsa gobyerno. Ang mga krisis na ito ang sumasalamin sa tagibang na karakter ng malakolonyal at malapyudal na katangian ng Pilipinas na pinananatili ng mga naghaharing-uri, mga malalaking panginoong maylupa at burgesya kumprador na nirerepresenta ng papet at pasistang rehimeng US-Duterte.

Sa gitna ng krus ng pang-ekonomiyang krisis na pinapasan ng masang Pilipino ay dumagdag pa ang di-makatao at pasistang atake ng rehimeng ito sa mamamayan. Sa kabila ng kondemnasyon na tinamo ni Duterte sa mamamayan, maging sa internasyunal na komunidad, ay patuloy oa rin ang teroristang pananalasa ng kanyang kontra-mahirap at malupit na Gera Kontra Droga sa komunidad ng mga maralita. Lubhang nakakabahala ang ulat ng Commission on Human Rights na nasa mahigit 30,000 na ang biktima ng wala-awa at malupit na extrajudicial killings, mayorya ay mga maralitang pinaghihinalaang gumagamit o nagtutulak ng ipinagbabawal na gamot na wala man lamang pagkakataong patunayan ang kanilang sarili sa harapan ng burges na korte, habang ang mga malalaking drug lords, tulad ni Peter Lim, ay malaya. Kasabay ng walang-habas na pag-atake ng gera kontra droga ay ang pasistang atake ng estado sa masang Pilipino upang di-umano’y durugin ang Partido at Hukbong Bayan sa ilalim ng programang kontra-insurhensya ng pasistang rehimeng Duterte sa bisa ng EO70 at MO 30. Itinayo ang National Task Force to End Communist Local Armed Conflict (NTF-ECLAC) at ang mga rehiyunal na kahalintulad nito (Oplan Sauron sa Negros, Oplan Katatagan sa NCR), upang bigyang katawan ang layuning ito. Subalit malinaw sa resulta ng naturang programa na hindi naman talaga ang Partido ang Hukbong Bayan ang kanilang inaatake, kundi ang mga komunidad at ligal na mga organisasyong masa na tumitindig upang ipagsanggalang ang kanilang mga komunidad at sektor laban sa pananalasa ng atakeng neoliberal na ipinatutupad ng kasalukuyang naghaharing-uri, dahil alam nilang hindi nila madudurog ang Partido at Hukbong Bayan dahil sa malawak na suporta ng masang maralita rito. Nakakagimbal ang mga balita buhat sa Negros na patuloy na nakararanas ng sunod-sunod na aerial bombings sa mga pamayanan ng mga magbubukid, tulad ng naganap sa Las Navas, raid sa mga opisina ng mga ligal na organisasyon, pagpatay sa mga lider at lokal na mga opisyal ng gobyerno, red-tagging, surveillance at harassments. Sa NCR naman, garapal ang pag-atake ng pasistang AFP at PNP sa mga ligal na organisasyon at maging sa mga kritiko ng gobyerno. Halimbawa nito ay ang mga raid na ginawa sa mga opisina noong Nobyembre na nagdulot ng pagka-aresto sa 5 mga lider aktibista. Maging mga NGO at mga personahe at institusyon ng Simbahan ay hindi nakaligtas sa red-tagging, tulad ng National Council of Churches of the Philippines at Rural Missionaries of the Philippines na binansagang front di-umano ng Partido.
Sa kabila ng umiigting na krisis ng lipunang Pilipino, nararapat pa rin tayong magbunyi at gamiting inspirasyon ang mga tagumpay na tinamo ng buong rebolusyonaryong kilusan sa pamumuno ng Partido sa loob ng 51 taon upang harapin ang mga pasistang hakbangin ng rehimeng Duterte at ibagsak ang tatlong salot ng lipunang Pilipino: ang monopolyo kapitalismo, katutubong pyudalismo at burukratang kapitalismo, at mag-ambag sa paghawan ng landas ng pagpapaigting ng demokratikong rebolusyong bayan. Sa gitna ng mga pasistang atake, pagdakip sa mga lider at maging sa mga kasapi ng ligal na kilusang masa, at iba pang unos na binagtas natin sa ilalim ng kasalukuyang rehimen ngayong taon ay ipinagmamalaki nating sinasabi ngayon na walang anumang pormasyon at yunit ng Bagong Hukbong Bayan at mga lihim na organisasyong masa ang nadurog. Bagkus ay nagiging epektibo pang hakbang ang mga atake, kapwa sa mga rebolusyonaryo at sa masa, upang mas tumindi pa ang paglahok sa armadong pakikibaka.

Kasabay ng ating pakikiisa sa kasiyahan ng buong rebolusyonaryong kilusan at sambayanang Pilipino sa ika-51 ng muling pagtatatag ng Partido, tayong mga kasapi ng CNL ay namamanata ng higit pang pag-aambag sa pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan upang makamtan ang susunod na yugto nito, ang estratehikong pagkakapatas. Nananawagan tayo sa bawat kasapi ng CNL na mapangahas na magpalawak ng mga balangay ng ating organisasyon, magparami ng mga bagong kasapi at alyado ng CNL bilang pagpapalapad ng lihim na lambat ng suporta ng kilusang lihim. Pag-ibayuhin ang gawaing alyansa sa mga lider ng mga simbahan, laluna sa hanay ng mga Romano Katoliko, at himukin silang magpahayag at tumindig para sa pagdedepensa sa karapatan ng mga batayang masa at malawakang paglabag sa karapatang pantao, at magsilbing pagpapalawak ng pambansang nagkakaisang prente. Maging mas aktibo sa pangangalap ng suportang materyal at lohistikal bilang ambag sa armadong pakikibaka. Ngunit higit sa lahat, nananawagan tayo sa mga kasapi ng CNL, laluna sa mga bata at malakas pa, na aktibong lumahok sa pagsusulong ng digmang bayan sa pamamagitan ng pagtungo mismo sa kanayunan, maging exposure o Tour of Duty, o higit sa lahat bilang mga bagong kasapi ng Bagong Hukbong Bayan. Ito ang ating magiging mga kongkretong ambag sa agarang pagpapatalsik sa pasistang rehimeng US-Duterte sa kasalukuyan, at pagpapataas sa yugto ng demokratikong rebolusyong bayan tungo sa susunod na yugto nito, at hanggang sa makamtan ng sambayanang Pilipino ang ganap na tagumpay at pagtatayong bagong lipunang tunay na sagana, makatarungan, at payapa.

Magsilbi tayong mga tala at apoy ng pag-asa sa dilim ng karimlan, at gamitin ang ating mga pulpito at simbahan upang ipahayag sa masang Pilipino ang mabuting balita na ang pag-asa ng tunay na kalayaan at demokrasya ay makakamtan lamang ng masang Pilipino sa pananagumpay ng digmang bayan at pagtatatag ng sosyalistang lipunan.

Mabuhay ang ika-51 taong anibersaryo ng muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas!
Mabuhay ang Christians for National Liberation!
Ibagsak at patalsikin ang papet, pasista at berdugong Rehimeng US-Duterte!
Viva CPP-NPA-NDF!

https://cpp.ph/statement/taong-simbahan-itanghal-ang-makauring-pamumuno-ng-partido-mag-ambag-sa-pagkakaisa-ng-sambayanan-upang-ibagsak-ang-papet-pasista-at-berdugong-rehimeng-us-duterte-kamtin-ang-mas-mataas-na-antas-ng-d/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.