Friday, November 29, 2019

CPP/NDF-KM Sosogon: KM-Sorsogon: Mabuhay ang ika-55 anibersaryo ng KM!

KM-Sorsogon propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Nov 29, 2019): KM-Sorsogon: Mabuhay ang ika-55 anibersaryo ng KM!



Isa ang kabataan sa pinakamaingay na pwersa ng ating lipunan at pinakamabilis magtambol ng mga isyung pambayan. Sa araw-araw nilang pagpasok sa eskwelahan, pakikisalamuha sa komunidad at pagpasok sa trabaho bilang manggagawa, samu’tsari din ang kanilang kinakaharap at nakikitang sistema at tagibang na kaayusan sa lipunan.

Sa eskwelahan, kung wala ang mga kabataang hindi lamang nag-aaral kundi mulat sa nangyayari sa kanilang kapaligiran, patuloy na makakapamayagpag ang dikta ng imperyalismo sa neoliberalismong mga patakaran. Mula sa pagtaas ng tuition fee at minaniobrang kung anu-anong klaseng mga bayarin hanggang sa panghihimasok ng mga administrasyon sa mga usaping pang-estudyante. Hindi lamang doon umiinog ang kanilang kamalayan, lantad din sila sa hinaing ng taumbayan pagdating sa pagtaas ng pangunahing bilihin, mataas na presyo ng gasolina kung kaya mataas ang pamasahe ng mga pampublikong transportasyon, kulang na kulang na budget para sa serbisyong pangkalusugan.

Dinaranas din nila ang matinding dagok ni Duterte pagdating sa kontrakwalisasyon na pumapabor sa mga burukrata kapitalistang takot na takot sa regularisayon ng mga manggagawa. Si Mayor Vico Sotto ng Pasig ay iisa lamang sa tumindig para sa kapakanan ng mga manggagawa, nitong nakaraang linggo, nakalaya ang mga nakulong na manggagawa ng Regent Foods Corporation sa tulong niya, ayon sa kanya “hindi sila kriminal, hindi nila hangad ang manakit, pinaglalaban lang nila ang karapatan nila…”

Sa mga komunidad, limitado ang galaw ng mga kabataang hindi nakapag-aral dulot ng napakamahal na edukasyon ay pinupuntirya naman ng oplan tokhang/oplan tambay. Ang sinumang mapaghinalaang may koneksyon sa droga ay pinag-iinitan at bulnerable sa mapang-abusong mga pulis na walang pagsasaalang-alang sa mga karapatang tao ng indibidwal. Napakalinaw ng resulta, ang Oplan tokhang ni Duterte ay hindi para sa malalaking drug lord, ito ay operasyon na pumupuntirya sa mahihirap, katunayan maraming kabataan na ang naging biktima ng kanilang operasyon sa droga. Mula kay Kian Loyd Delos Santos hanggang sa pinakabatang biktima nito na si Kateleen Myca Ulpina.

Sa kanayunan, hindi rin maisasantabi ang dinaranas na pasismo ng mga kabataan. Si Ryan Hubilla, tagapagtaguyod ng karapatang tao at myembro ng League of Filipino Students ay pinatay ng armadong pwersa ng rehimen at wala pang hustisya hanggang ngayon. Sa Camarines Sur, ang mga kabataan na sina Robero Ramos, Ronel Naris at Antonio Bonagua ay nagkokopra lamang nang makita ng mga sundalo ng 9th ID PA, pinahirapan at inilibing nang buhay. Mahaba na ang listahan ng mga ganitong kaso ni Duterte sa sektor ng kabataan.

Hindi hiwalay ang kabataan sa pasismo ng rehimeng US-Duterte. Hangga’t may martial law sa Mindanao, de facto martial law sa Luzon at Visayas, mananatiling may banta sa usapin ng seguridad sa buhay at kabuhayan ng kabataan kabilang ng iba pang demokratikong sektor sa ating lipunan.

Gayunpaman, hindi tigil ang sektor ng kabataan sa kanyang tungkulin sa bayan. Dahil mulat ang kamalayan sa nagbabago-bagong sitwasyong panlipunan at bukas ang isipan sa radikal na pagbabago, takot na takot dito ang sinumang rehimen na iluklok ng imperyalistang amo nito.

Mula sa kabataan, lumitaw ang Kabataang Makabayan, mula dito kung bakit may umusbong na Partido Komunista ng Pilipinas at Bagong Hukbong Bayan. At dahil lumalakas ang hanay ng rebolusyonaryong pwersa, nagkukumahog ang rehimen na tapusin ito, subalit ito’y ilusyon lamang. Hangga’t nariyan ang kabataan kasama ng iba pang sektor, hindi matatapos ang pakikibaka ng mamamayang Pilipino para sa pambansang pagpapalaya.

Kaya, kabataan, ituloy natin ang laban ni Bonifacio! Kami, mula sa KM-Sorsogon, ay nagpapaabot ng aming pagbati sa ika-55 na anibersaryo ng pagkakatatag nito!

Makatarungan ang Maghimagsik!
Kabataan, tumungo sa kanayunan, lumahok sa digmang bayan!

https://cpp.ph/2019/11/29/km-sorsogon-mabuhay-ang-ika-55-anibersaryo-ng-km/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.