Wednesday, May 1, 2019

CPP/NPA-Batangas: Patung-patong na Kasinungalingan, Panabing ng AFP sa bigong pag-atake sa NPA sa Batangas

NPA-Batangas propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 1, 2019): Patung-patong na Kasinungalingan, Panabing ng AFP sa bigong pag-atake sa NPA sa Batangas

NEW PEOPLE'S ARMY
NPA - BATANGAS (EDUARDO DAGLI COMMAND)
MAY 01, 2019

Desperadong naghabi ng patung-patong na kasinungalingan ang Armed Forces of the Philippines sa pangunguna ng 2nd Infantry Division ng Southern Luzon Command upang pagtakpan ang panibagong kahihiyan at kabiguan sa inilunsad nitong operasyon laban sa NPA-Batangas na humantong sa humigit-kumulang 20 minutong labanan sa Sitio Maquitib, Brgy. Quipot, San Juan, Batangas noong Abril 29, bandang alas-6:30 ng umaga.

Magiting na nilabanan ng mga Pulang Mandirigma ng Eduardo Dagli Command NPA – Batangas ang pasistang tropa ng 1st IB PA kung saan hindi bababa sa 3 sundalo ang napatay at 2 sugatan mula sa kaaway. Sa kabila ng palihim na operasyong isinagawa ng mga tropa ng 1st IBPA, mahusay na naipatupad ng NPA ang aktibong depensa at muling nagdulot ng matinding pinsala sa pasistang kaaway.

Planadong inilunsad ng AFP ang nasabing atake laban sa yunit ng NPA na naglulunsad ng gawaing masa sa lugar upang pagsilbihan sa sadyang layunin nito na isabotahe ang lehitimong pagkilos ng masang manggagawa sa darating na Mayo Uno sa pamamagitan ng pagpapalabas ng kasinungalingan na may pinaplanong pag-atake ang NPA sa Labor Day. Walang dahilan ang NPA upang maglunsad ng anumang atake sa panahon ng Labor Day sapagkat iginagalang nito ang makabuluhang araw na ito para sa mga manggagawa at bilang rebolusyonaryong hukbo ng uring magsasaka at manggagawa, itinataguyod ng NPA ang pambansa demokratikong mithiin ng masang manggagawa tungo sa pambansang industriyalisasyon at pagwakas sa kapitalistang pagsasamantala sa paggawa sa pamamagitan ng pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba.

Bago pa man ang naganap na labanan sa pagitan ng NPA at pasistang tropa ng militar, ilang araw nang magkakasunod na nagpapalabas ng mga black propaganda at malisyosong pahayag laban sa mga manggagawa at lehitimong organisasyon ng mamamayan ang AFP. Layunin nitong isabotahe ang militanteng pagkilos na isasagawa ng masang manggagawa at mamamayan sa lalawigan laban sa nagpapatuloy na pagkabusabos sa mga pagawaan at pagkakait ng rehimeng US-Duterte sa lehitimong kahilingan ng manggagawa para sa nakabubuhay na sahod at makataong kondisyon sa paggawa. Sa pamamagitan ng pagkakawing ng mga hayag na pagkilos ng mga mamamayan sa CPP-NPA-NDF, lalo lamang tumitining ang de-facto Martial Law na pinaiiral ng rehimeng US-Duterte sa buong bansa at ang posibilidad na lantaran na itong magdeklara ng Batas Militar upang kontrolin ang kanyang mga kritiko at tuloy-tuloy na magpatupad ng mga anti-mamamayang programa pabor sa interes ng mga naghaharing uri.

Lalong walang katotohanan ang ipinagmamalaki ng AFP na diumano’y isang female fighter o babaeng NPA na naaresto nila sa proseso ng naganap na labanan kahapon.Ligtas na nakaatras ang mga Pulang Mandirigma matapos hindi na makahabol pa ang mga tropa ng AFP sa panahon ng aktwal na labanan bunsod ng tinamo ng mga itong pinsala. Ang diumano’y hot pursuit operations na inilulunsad nito kasabay ng pagdagsa ng mga pasistang tropa sa baryo ay walang ibang layunin kundi ang maghasik ng teror sa mga komunidad ng magsasaka sa bayan ng San Juan at buong lalawigan. Kung totoo mang may nahuli ang AFP, maaaring isa itong sibilyan na naging biktima ng pasistang pagbaling ng berdugong militar sa mga mamamayan matapos ang tinamong kabiguan o di kaya’y simpleng gawa-gawang kuwento lamang sa desperado nitong pagtatangka na yanigin o demoralisahin ang mga rebolusyonaryong mamamayan sa lalawigan.

Makauling ulit nang bigo at abut-abot na kahihiyan at kaswalti ang inabot ng 1st IBPA sa hibang na ilusyon nitong madurog ang NPA sa Batangas. Taglay ng mga mandirigma ng NPA ang mataas na kahandaang lumaban at humarap sa sakripisyo, kahirapan at kamatayan at hindi kailanman magtatagumpay ang AFP na durugin ito lalo pa at nakaugat na ito sa puso at diwa ng masa ng sambayanan na malaon nang naghahangad ng ganap na paglaya mula sa pagkaapi at pagkabusabos sa ilalim ng malakolonyal at malapyudal na lipunang pinaghaharian ngayon ng diktador at pasistang rehimeng US-Duterte.

Ultimo ang mga armas na diumano’y nakuha nila sa mga labanan ay gawa-gawa lamang din ng AFP upang pagtakpan ang kanilang kabiguan at pagsilbihan sa magkakasunod nilang inilabas na propaganda hinggil sa diumano’y pagsuko ng mga NPA dala ang kanilang mga armas para bigyang hangin ang ampaw nilang pakulo na kakayanin nang madurog ang rebolusyonaryong kilusan sa loob lamang ng 2 taon. Kung may napapasuko man ang AFP, ito ay walang iba kundi ang mga matatagal nang bumabang NPA na ang iba ay sadyang nagpagamit na sa kaaway o di kaya ay mga karaniwang sibilyan na sapilitang pinapirma sa mga sertipiko ng pagsuko gamit ang matinding pandarahas at pananakot. Kung tutuusin, lubos nang katawa-tawa ang AFP sa kaa-anunsyo ng deadline at maya’t maya rin namang pagpapalit nito dahil sa reyalidad ay sadyang walang patutunguhan at hindi kailanman magtatagumpay ang anumang militaristiko at mapanlinlang na paraan ng sinumang rehimen ng naghaharing uri at pasistang AFP sa pagwakas sa insurhensya hangga’t hindi nito sinserong nilulutas ang kahirapan at pagsasamantala bilang ultimong ugat ng armadong tunggalian.

Hindi na bago ang pagtatakip ng AFP at ng 1st IBPA sa kanilang mga kabiguan sa labanan; tulad ng ginawa nitong news black-out sa naganap na labanan sa Brgy. Tubahan sa bayan ng Rosario, Batangas noong Oktubre 2018 kung saan 10 sundalo ng 1st IBPA ang napatay at sa pinsalang tinamo nito mula sa taktikal na opensibang inilunsad ng Eduardo Dagli Command NPA-Batangas sa kampo ng 59th Infantry Batallion Philippine Army sa San Marcelino, Taysan noong Marso 13, 2019 kung saan 2 kaaway ang napatay na pinalabas nilang mga sundalo din lamang umano ang nagkabarilan. Pilit na ikinukubli ng AFP ang katotohanan na sa kabila ng pinaigting na mga operasyong militar at pagpakat ng 1st IBPA bilang diumano’y pinakamahusay na jungle fighter unit ng AFP sa ilalim ng Southern Luzon Command ay bigo pa rin itong mapahina ang NPA sa lalawigan dahil sa tuloy tuloy at mainit na pagtangkilik at pagtataguyod ng masa ng sambayanan.

Nagkakamali ang mga naghaharing uri, mga ganid na debeloper at mga kasabwat nilang lokal na burukrata na labis labis na nagpapahirap sa mga mamamayan ng bayan ng San Juan kung inaakala ng mga itong sa pamamagitan ng pagkupkop at pagpopondo sa mga operasyong militar sa pangunguna ng 1st IBPA ay ganap nang madudurog ang NPA at maaalis ang banta sa kanilang mapangwasak at mapanalasang proyekto. Ang magiting at matapang na pagbigo ng NPA sa pasistang kaaway na binabayaran ng mga pribadong debeloper upang magtanggol sa kanilang mapangwasak na mga negosyo ang magsisilbing babala sa lahat ng mga negosyante at lokal na burukratang nagpapaligsahan ngayon sa eleksyon sa lahat ng ginagawa nilang pagyurak at pambubusabos sa karapatan ng mamamayan sa lalawigan. Patuloy na magpupunyagi ang NPA upang ipagtanggol ang interes ng masang api at parusahan ang mga mapanalasang proyekto ng mga ganid na debeloper sa lalawigan tulad ng nagaganap na mga proyektong debelopment at pribatisasyon ng baybaying dagat at malawakang pangangamkam ng lupa sa mga kabundukan sa bayan ng San Juan at iba pang bahagi ng lalawigan.

Hangga’t may masang api at pinagsasamantalahan, hindi kailanman magtatagumpay ang kaaway na bunutin sa malalim na pagkaugat nito ang rebolusyonaryong adhikain at pakikibaka ng sambayanan laban sa tatlong salot ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo na labis na nagpapahirap sa masa ng sambayanan. Hindi kailanman malulutas ng reaksyunaryong eleksyon o anumang pakana ng kaaway at estado tulad ng Oplan Kapayapaan, National Task Force at whole-of-nation approach ang saligang suliraning ito at tanging sa pagbabagsak lamang ng tatlong salot makakamit ang tunay na mapayapa at masaganang pamumuhay para sa sambayanan sa ibayong pagsusulong ng demokratikong rebolusyong bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan hanggang sa tagumpay! #

Mabuhay ang ika-50 taon ng Partido Komunista ng Pilipinas at New People’s Army!

Isulong ang Matagalang Digmang Bayan!

Imperyalismo, Pyudalismo at Burukrata Kapitalismo, Ibagsak!

Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

https://www.philippinerevolution.info/statement/patung-patong-na-kasinungalingan-panabing-ng-afp-sa-bigong-pag-atake-sa-npa-sa-batangas/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.