Maria Roja Banua
Spokesperson
NDF-Bicol
December 01, 2018
Nakikiisa ang NDF-Bikol sa pagkundena at paglalantad ng masang Bikolano sa higit na mapangahas at lantarang mga hakbangin ng rehimeng US-Duterte upang ibuslo ang sambayanan sa bitag ng isang pambansang Batas Militar. Nakapagngangalit ang palabas niyang ang pagwawasiwas ng kanyang kampo ng pasismo ay sa ngalan umano ng pagpigil sa ‘lawless violence’ ng rebolusyonaryong kilusan. Ang totoo, ang sambayanang Pilipino ang pangunahing target ng planong ito.
Sa paglalabas niya ng Memorandum Order No. 32, ipinapaloob niya ang bansa sa state of national emergency na sa esensya ay nagbibigay-laya sa kanyang sandatahang lakas na ibayong maghasik ng pasismo at paghaharing militar laban sa bulnerableng hanay ng sibilyang populasyon ng bansa. Ang kautusang ito, kasabay ang pagbubuo umano ng National Task Force laban sa CPP-NPA-NDFP at pagpapatuloy ng Oplan Kapayapaan, Oplan Tambay at Oplan Tokhang ay mga hakbang tungo sa manipulasyon o pagkansela ng eleksyong 2019, linulutong pagbabago ng konstitusyon para sa pederalismo at ang pormal na deklarasyon ng rehimeng US-Duterte ng pambansang Batas Militar na nagsisilbi sa kasapakat niyang paksyon ng naghaharing uri at imperyalistang interes. Isang pasistang diktadurang US-Duterte na higit na masahol kaysa sa diktadura noon ng kanyang idolong si Marcos ang malinaw na tinatahak upang makapanatili sa kapangyarihan.
Pinag-uusapan ngayon ng mga upisyales ng AFP-PNP at ng gubyernong Duterte ang pagbubuo ng mga tinatawag nitong ‘ISPARO units’ at ‘death squads’ sa hanay ng AFP at PNP. Sa bisa nito, magkakaroon ng walang sagkang kalayaan ang mga elemento ng militar at kapulisan na magsagawa ng mga operasyon laban sa mga arbitraryong target nito.
Iginigiit ng mga tagapagsalita ng AFP-PNP na walang dapat ikabahala ang publiko dahil tanging mga indibidwal na may kaugnayan sa rebolusyonaryong kilusan lamang ang target ng mga ‘death squad’. Ang tanong ng sambayanan, ano ang espesyal na kakayahan ang AFP-PNP na pag-ibahin ang isang sibilyan at isang komunista kung parehas silang hindi armado? Gayundin, paano bibigyang-matwid ng AFP-PNP ang pagtarget at pagpatay sa sinuman – may kaugnayan man sa rebolusyonaryong kilusan o wala, nang hindi dumaraan sa karampatang prosesong ligal?
Ito ang tunay na mukha ng lawless violence sa bansa. Iisa lamang ang ibig sabihin ng nakababahalang panukalang pagbubuo ng ‘death squads’ na ito – ibayong magiging malaya ang militar at kapulisan sa pag-atake sa sibilyang populasyon sa anumang pagkakataon at malayang bigyang-matwid lamang ang paglabag sa karapatang-tao bilang isang ‘espesyal na operasyong militar’. Tahasan nitong linalabag ang Protocol II ng Geneva Conventions at iba pang internasyunal na batas ng digmaan na pumuprotekta sa karapatan ng mga sibilyan mula sa kapahamakan at nagsasaad sa karapatan ng isang kombatant sa due legal process.
Kapag naipatupad, tatambalan ng higit pang masahol na mga operasyong death squad sa mga kabayanan at matataong lugar sa kalunsuran ang mararahas na operasyong militar sa kanayunan. Layunin nitong higit pang sindakin at supilin ang masa at gawing ligal ang laganap nang “EJK” o ekstrahudisyal na pamamaslang sa bansa. Ibayong malulubog sa kultura ng walang pakundangang pagpatay at kawalang pananagutan ang bansa sa ilalim ng rehimeng US-Duterte.
Ngayon pa lamang, itinataguyod na ng brutal at hindi makataong Oplan Tokhang ang pagpatay ng PNP sa daan-daang sibilyan araw-araw nang hindi man lamang dumaan sa due legal process. Paulit-ulit na naririnig ng publiko ang dahilang ‘nanlaban’ sa ganitong mga kaso ng pagpatay. Malinaw ang malawakang paglabag sa karapatang-tao. Maging sa internasyunal na komunidad, umani na ng sala-salabat na batikos ang notoryus na Oplan Tokhang na ito.
Nauulol si Duterte kung inaakala niyang masisindak ang masang api at pinagsasamantalahan sa pagwawasiwas niya ng todo-largang gera laban sa mamamayan. Walang ibang tatahakin ang plano ni Duterte na pormal nang maideklara ang Batas Militar kundi ang tuluyang pagkabigo. Sa pagmamadali at pagkagarapal niyang maitayo ang kanyang diktadura, nagpapanukala at nagpapatupad siya ng mga batas na malinaw na kontra-mamamayan at direktang umaatake sa interes ng sambayanan.
Walang tanong sa isip ng masa na ang tunay na lawless violence ay ang walang pakundangang karahasang pangunahing itinataguyod ng papet na rehimeng Duterte. Patung-patong ang kaso ng mga ekstrahudisyal na pamamaslang at ilang daang libong pamilya na ang biktima ng mapang-abusong Oplan Tokhang at Oplan Kapayapaan sa buong kapuluan. Anumang pagbabalatkayo at kaiga-igayang palamuti ng ‘pagbabago at kapayapaang’ ituran ng kanyang kampo, mulat ang sambayanang Pilipino na ang tanging pamamaraan upang maipagtanggol ang interes ng nakararami ay ang manindigan para sa makatwirang paglaban ng mamamayan at ang isulong ang demokratikong rebolusyong bayan nang may ibayong kapasyahan at katatagan.
https://www.philippinerevolution.info/statement/panukalang-death-squad-sa-afp-pnp-mukha-ng-lawless-violence-at-paghahanda-para-sa-isang-pambansang-batas-militar-ng-rehimeng-us-duterte/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.