Maria Roja Banua
Spokesperson
NDF-Bicol
National Democratic Front of the Philippines
November 30, 2018
Nakikiisa ang NDF-Bikol sa paggunita ng sambayanan sa Araw ni Bonifacio. Si Gat Andres Bonifacio ang ama ng Rebolusyong Pilipino ng 1896 na buong lakas at tatag na lumaban sa pananakop ng mga kolonyalistang Espanyol. Sa panahon ng imperyalistang panunupil at mga papet na reaksyunaryong gubyerno, hinihingi ng panahon ang ibayong pagkakaisa ng mamamayan at ang pagsasabuhay ng makabayang diwang ipagtanggol ang soberanya ng bansa at ang kapakanan ng sambayanang Pilipino.
Sa kasalukuyan, pinag-aagawan ang bansa ng dalawang imperyalistang kapangyarihang US at Tsina. Samantala, nananatili lamang inutil ang rehimeng US-Duterte sa usapin ng pagtataguyod ng kasarinlan ng bansa at sa pagtanggi niyang magpatupad ng makatwiran at makabayang patakaran sa internasyunal na relasyon. Tuta si Duterte sa dalawang ekonomyang kapangyarihang nagpapasasa sa bansa, nag-aagawan ng teritoryo sa pamilihan at sa estratehikong pusisyong militar.
Sa isang banda, lantarang ipinamimigay ni Duterte sa Tsina ang karapatan ng bansa sa West Philippine Sea (WPS). Hindi niya ipinatupad ang nauna nang desisyon ng internasyunal na hukumang Arbitral Tribunal noong 2016 na nagbigay ng hatol na ang Spratly islands, Scarborough Shoals at iba pang bahagi ng WPS ay marapat na ituring na exclusive economic zone at extended continental shelf ng Pilipinas at nakaayon sa karapatan ng Pilipinas na nakasaad sa UN Convention on the Law of the Seas. Sa halip, pumirma si Duterte sa 26 na Memorandum of Understanding na kinabibilangan ng pagpasok ng bansa, kasama ang Tsina, sa ‘magkasanib na eksplorasyon’ sa karagatang ng Pilipinas, kahit taliwas ito sa proteksyong isinasaad ng Konstitusyon para sa mga gayong eksklusibong karapatan ng estado.
Sa kabilang banda naman, walang patumangga ring tumatalima ang rehimeng US-Duterte sa lahat ng neoliberal na tulak at programa ng panunupil na itinataguyod ng imperyalistang US. Ang pagpapatupad ng pahirap sa masang batas na Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN), na bahagi ng Comprehensive Tax Reform Package (CTRP) ay kapalit ng US$739 milyong Partnership for Growth na pinasok ng Pilipinas at ng US noong 2011. Sa pamamagitan nito, ibayong makahuhuthot ng labis na tubo ang mga dayuhang mamumuhunan mula sa US sa pamamagitan ng pagpapasa ng buwis sa mamimili at pagkakaroon ng mga tax incentives, tax holidays at iba pang insentibong sa esensya ay babawas sa gastos ng produksyon ayon sa interes ng mga may-ari nito.
Maging ang kumprehensibong plano ng rehimeng US-Duterte upang supilin ang paglaban ng mamamayan ay nakabalangkas sa kontra-insurhensyang doktrina ng US. Pinahihintulutan ni Duterte ang pagyurak ng tropang US sa soberanya at integridad ng bansa kapalit ng suporta nito sa pagtatayo niya ng isang militaristang diktadura. Sa bisa ng Memorandum Order 32, ipinailalim ni Duterte ang bansa sa ‘state of national emergency’ sa batayan umano ng tumitinding banta ng ‘lawless violence’ ng CPP-NPA-NDFP. Ginagamit ito ngayon ng US na dahilan upang buuhin ang Operation Pacific Eagle-Philippnes (OPEP) ng US. Ito ang pinakabagong ‘anti-teroristang operasyon’ ng imperyalistang US upang mailusot nito ang ibayong panghihimasok ng dayuhang militar sa bansa.
Kahit ipinagbabawal ng mismong reaksunaryong Konstitusyon, mayroong 200-300 dayuhang tagapayo ang AFP mula sa US.Sila ay permanenteng nakadeploy sa bansa, nagbibigay ng mga pagsasanay at nagdidirehe ng ilang operasyon ng AFP. Sunud-sunod din ang pagbibigay ng US ng ayudang militar sa AFP na ginagamit sa mga operasyong militar sa ilalim ng Oplan Kapayapaan.
Malinaw na walang pampulitikang kapasyahan ang papet na gubyerno ng bansa. Wala itong kakayahang ipagtanggol ang soberanya ng bansa laban sa banta ng sukdulang panghihimasok at pananakop. Bagkus, ang rehimeng US-Duterte pa mismo ang nangunguna sa panunupil sa mamamayan at lantarang paglabag sa sarili nitong mga batas at Konstitusyon.
Walang ibang masusulingan ang masang Pilipino kung hindi ang ipagpatuloy at isulong ang bagong tipo ng Rebolusyong Pilipino na sinimulan noon ng Katipunan sa ilalim ng pamumuno ni Bonifacio. Ang mga anak ng bayan ng kasalukuyang panahon ang mangangahas na makibaka upang labanan ang pagbayo ng mga neoliberal na patakaran, biguin ang todo-gera ng rehimeng US-Duterte at pigilan ang anumang banta ng pananakop kapwa ng imperyalistang US at Tsina. Tulad nang kung paano tinugis at tinaguriang mga ‘bandido’ ang mga Katipunero at mamamayang nag-armas upang labanan ang pananakop ng Espanyol noon, marapat ding harapin ng mga bayani ng kasalukuyang panahon ang hamon ng pagbabalikwas para sa makauring interes kahit sa harap ng tumitinding pasismo ng estado. Anumang marahas na balakid ang iharap ng mga reaksyunaryo, marapat na isulong ang demokratikong rebolusyong bayan hanggang sa ganap nitong tagumpay. Sa huli, kasaysayan ang magpapatunay kung sino ang tunay na nanindigan para sa bayan at sino ang tunay na kaaway ng sambayanan.
https://www.philippinerevolution.info/statement/gunitain-ang-araw-ni-bonifacio-ama-ng-rebolusyong-pilipino-mangahas-makibaka-mula-sa-paninidigang-demokratiko-progresibo-at-makabayan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.