Sunday, December 2, 2018

CPP/NDF-Bicol: Exercise Pagsisikap 2018, Bahagi ng Palabas na State of National Emergency, Gilas-Pananakot at Pagsasayang ng Pondong Publiko

NDF-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Dec 1): Exercise Pagsisikap 2018, Bahagi ng Palabas na State of National Emergency, Gilas-Pananakot at Pagsasayang ng Pondong Publiko

Maria Roja Banua
Spokesperson | NDF-Bicol
National Democratic Front of the Philippines
December 01, 2018


Mula Nobyembre 26 hanggang 29, nagsagawa ang pwersang nabal ng Pilipinas ng isang pagsasanay militar sa mga baybayin ng Brgy. Lidong, Sto. Domingo, Albay at Brgy. Rawis, Legazpi Ciy. Ayon sa tagapagsalita ng Naval Forces Southern Luzon (NAVFORSOL) na si Ensign Jane Sasil, ang naturang pagsasanay ay upang ‘masubukan ang kanilang tropa sa anumang sitwasyon’ sa karagatan o kalupaan.

Ang Exercise Pagsisikap 2018 ay bahagi ng paghahanda ng rehimeng US-Duterte sa ikinakamada nitong deklarasyon ng pambansang batas militar. Sang-ayon sa palabas na ang bansa ay nasa state of national emergency, tinitiyak ni Duterte na ang lahat ng pwersa ng kanyang reaksyunaryo at mersenaryong sandatahang lakas ay nakahandang pigilan at supilin ang anumang tipo ng paglaban ng mamamayan.

Wala nang ibang binigyang-pansin ang rehimeng US-Duterte kundi ang kanyang pagmamadaling makumpleto na ang mga rekisitos para sa pormal na deklarasyon ng batas militar na magsusolido ng kanyang tiranikong paghahari. Binubuhusan ng napakalaking pondo ang militar samantalang patuloy na kinakaltasan ang pondo para sa mga pangunahin at batayang pampublikong serbisyo.

Habang ipinaparada ng Philippine Navy ang kanilang mga pinakabagong barko tulad ng BRP Davao del Sur at ang mga pinakabagong donasyon ng imperyalistang US, patuloy na pinapasan ng masa ang walang patumanggang pagsirit ng presyo ng bilihin laluna sa papalapit na okasyon ng kapaskuhan.

Mapanghamon sa masang Bikolano ang mapanindak na mga sasakyang pandagat at pagpapakitang-gilas ng NAVFORSOL , kasabay ang Albay PNP, sa harap ng tumitinding kahirapan, kagutuman at tingiang pagbili o pagpila pa sa NFA RICE. May kakayahan ang gubyernong tustusan ang modernisasyon ng mga kagamitan ng kanyang sandatahang lakas samantala inutil sa harap ng pagresolba sa problema ng kahirapang ang mga neoliberal na patakaran din ng gubyerno ang mismong nagdudulot.

Ngunit, titiyakin ng masang Bikolano at ng sambayanan na walang patutunguhan ang isang rehimeng walang silbi at lulong sa pagpapalawig ng kanyang pasistang paghahari. Alam ng masa na ang mga pagsasanay na ito at iba pang kahalintulad na gawain ay paghahanda para sa ibayo pang pandarahas at pang-aatake sa kanyang hanay. Hindi malilihis sa isip ng masa ang katotohanang habang nagdarahop ang taumbayan ay ibinubuhos ng rehimeng US-Duterte ang lahat ng rekurso at panahon sa paglulunsad ng todo-largang gerang malinaw na sumusupil sa makatwirang paglaban ng mamamayan at walang ibang layunin kundi ang itindig ang kanyang militaristang kaharian.

https://www.philippinerevolution.info/statement/exercise-pagsisikap-2018-bahagi-ng-palabas-na-state-of-national-emergency-gilas-pananakot-at-pagsasayang-ng-pondong-publiko/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.