MAKIBAKA-Sierra Madre propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Jun 12): Singilin at Pagbayarin ang Rehimeng US-Duterte sa Karahasang Militar sa mga Katutubo at Sambayanan na ang Katulad ay Malagim na Bangungot para sa mga Bata at Kababaihan!
Rosa Barros, Spokesperson
MAKIBAKA Sierra Madre
11 June 2018
Mariiin nating tutulan at labanan ang kahambugan at kabulastugan ng mapaminsalang “Oplan Kapayapaan” ng pasistang rehimeng US-Duterte sa pang- uupat sa mga inosenteng sibilyan na ngayon ay dinaranas hindi lang ng mga katutubong Lumad mula sa Katimugan sa Mindanao kundi maging ng mga Dumagat sa dulong Hilagang Quezon, sa rehiyong Timog Katagalugan (TK).
Para sa mga Dumagat, ang kahulugan ng “Oplan Kapayapaan” ni Duterte ay iligal na pang-aaresto, pambubugbog at pagbibilanggo, paglikas at pag-iwan sa mga pananim at iba pang pinagkakabuhayan, pananakot na sinumang manatili sa mga sityo at kabundukan ay itatratong NPA at kagyat na babarilin, at food blockade.
Nitong Mayo 15 hanggang Mayo 18, humangos pababa sa mga sentrong komunidad ng Brgy. Umiray, General Nakar, Quezon ang hintakutang mahigit sa 200 pamilyang Dumagat (higit 400 katao), karamihan ay mga bata at kababaihan, para iwasan ang tuluy-tuloy na pandarahas ng magkabilang lakas ng mga sundalo mula punong himpilan ng 2nd ID ng TK at 7th ID ng Gitnang Luzon – para din lang salubungin ang paglikas na ito ng pagmamanman, pananakot at pambabastos sa mga kababaihan ng mga unipormadong sandatahang hukbo ng bansa o AFP.
Hanggang sa kasalukuyan, umaabot na ng halos 600 ang mga lumikas o bakwit na mga katutubo sa 6 na sentrong sitio ng Brgy. Umiray, at iba pang kalapit na mga barangay sa bayan ng General Nakar hanggang katabing barangay ng bayan ng Dingalan, sa lalawigan ng Aurora. Daratal ang higit na gutom at pagkakasakit kapag hindi ito nalapatan ng karampatang solusyon- ang palayasin ang mga militar!
Ayaw nang bumalik sa kanilang pinanggalingang komunidad ang mga katutubo hanggat naroroon ang mga militar. Kahit naman saan, hinaharas at tinatakot ang mga bakwit mapaduon sa kanilang pamayanang nagmimistulang No man’s land at maging sa mga pansamantalang silungan na pinostehan na din ng mga sundalo at sinasabihan silang huwag makipag ugnayan sa media, taong simbahan, mga human rights workers at iba pang suporter ng mga katutubo na nagsisikap silang mapakinggan, madamayan at matulungan.
Para higit na sindakin at patahimikin ang mga katutubo, sinampulan sila ng walang kupas na estilong pandurukot at pambubugbog at saka ikukulong katulad ng ginawa ng mga sundalo ng 80th IB-PA na nasa ilalim ng 2nd ID, sa mga Dumagat na sina Dandoy de la Cruz Avellaneda, edad 40 at Rocky de la Cruz Torres, edad 22, pawang residente ng Sitio Dadiangao, Brgy. Umiray ng General Nakar, na iligal na inaresto noong Mayo 14. Binidyuhan ang 2 habang pinag-aarteng kunwaring sila ang namaril at pumatay sa sundalong nasawi sa isang labanan sa mga NPA, bago ikinulong sa Camp Nakar,SOLCOM, sa Lucena City sa gawa-gawang kasong kriminal.
Ano’ng kabulastugan ang ganitong panghahamak ng mga sundalo ng 80th IB-PA na sibilyan ang pinagdidiskitahan at idinadamay sa mga operasyong militar! Hindi na bago sa mersenaryong tradisyon ng AFP na ibinabaling ang kanilang galit sa mga sibilyan at ipinagpipilitang sila ay mga kasapi ng NPA para dahasin. Malubhang paglabag ang ganitong kondukta ng mga sundalo ng rehimeng US-Duterte sa pandaigdigang batas ng digma at lokal na bersyong Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law (CARHRIHL)!
Markado na sa lalawigan ng Rizal ang pagiging bulastog ng mga elemento ng 80th IB- PA nang pagbabarilin nila ang mga menor-de-edad na mga kabataang namamasyal lulan ng pribadong sasakyang palapit sa kanilang tsekpoint sa Brgy. Sn. Rafael, bayan ng Montalban, taong 2005. Sa halip na managot sa mga sugatang bata ay lalo pang nanindak para hindi makapagkaso ang pamilya ng mga biktima. Sa mga panahon ding ito nabalita ang iba pang pamamaslang at pagnanakaw na sa mga sundalo itinuturo ang daliri bilang mga kriminal pero nanatiling nakapamamayagpag sa tabing ng mga kontra-insurhensyang programa ng mga papet at pasistang rehimen.
Malubhang krimen ng estado ang pamamaslang sa lider-Dumagat na nanguna sa paglalantad at pagtutol sa pagtatayo ng Laiban Dam na si Nicanor “Ka Kano” de los Santos na lantarang binaril sa pyesta ng Antipolo City, sa pangunguna ng mga sundalong sina Luziano Tolentino at Sgt. Briones ng Task Force Panther noong panahon ng rehimeng US-Arroyo, Disyembre 8, 2001.
Kasunod ito ng nakapangingilabot na pamamaslang ng Oktubre 2001, sa 4 na mangangasong katutubo ng Brgy. San Ysiro, Antipolo City, sa isang malagim na krimen kagagawan ng mga elemento ngPNP-SAF na pinamumunuan noon ng upisyal na si Ericson Dilag. Pinalubha ang ganitong pandarahas, na pinatayan na nga ng kapamilya ay binastos pa ng mga kriminal na pulis ang nagrireklamong asawa ng pinaslang, na sobrang hinamak at nilapastangan ang pagkababae sa pamboboso at pagpipilit na ililis ang kanyang “libis” dahil diumanong may itinatagong baril sa ilalim ng kanyang salawal!
Magpahanggang ngayon ay malaking sagutin ng nagpapatuloy na pasismo ng estado ang pamamaril hanggang mapatay ng mga sundalo noong Hulyo 2010 ang 3 katutubo mula sa Brgy. Puray, Montalban, Rizal, na sina Benita San Jose, Demilita Largo, at Edward “Galman” Navarte. Gayundin, ang kawalan ng hustisya sa iligal na pag-aresto sa mga katutubong Dumagat na sina Eddie Cruz, Rosario Marquez Loreto at Maritess Marquez na binulok sa kulungan nang mahabang panahon bago palayain. Binibigyang-katwiran ang ganitong inhustisya sa pagbibintang na NPA sila.
Ilan lang ang mga nabanggit sa unahan ng mahabang listahan ng krimeng pinapula ng dugo ng mga katutubo na magpahanggang ngayon ay hindi nabibigyan ng hustisya. Pananagutan ito pangunahin ng mga halang ang kaluluwang elemento ng PNP-SAF at tropa ng 16th at 1st IB-PA, at ang pagbabalik ng 80th IB-PA na ngayon ay naghahasik ng teror sa mamamayan sa Bundok at laylayan ng Sierra Madre..
Hindi na mapangalanan ang iba pang mga ayaw magpatukoy dahil sa takot ng mga kapamilya at biktima ng mga kababaihang nireyp, mga batang nanghuhuli ng gagamba na binaril at pinatay na parang mga hayop kapag napapalapit sa mga ginagwardyahang bakuran o himpilan ng mga sundalo at pulis at mga walang-
pakundangang pamamaril sa mga mangangaso at magkokopra, at iba pang mga tinotokhang at damay na inosenteng sibilyan sa largadong gera at gera kontra- drogang programa ng rehimeng US-Duterte.
Sa ngayon, katambal ang daan-daang lumilikas na Dumagat ng libu-libong biktimang katutubong Lumad sa Mindanao at nakapangingilabot na pagkawasak ng Marawi City dulot ng “Oplan Kapayapaan” kakumbina ng lantarang pasista at militaristang Martial Law ni Duterte. Nililikha ang matinding takot sa mga komunidad ng katutubo sa itinatambak na daan-daang sundalo kung kaya at napipilitang iwanan nila ang kanilang mga tahanan, pananim, iba pang ari arian at mga alagang hayop na kinatay at ginawang ulam at pulutan ng mga sundalong lasing sa kapangyarihan at binabaliw ng kautusan ng kanilang pangulong Duterte na barilin ang mga kababaihang NPA sa kanilang kaselananan. Sobra-sobrang kabastusan at kahibangan ng isang pinuno na siya naman ngayon ang lebong (salot) at director ng pasistang estado, sa utos ng among Imperyalismong US.
Hindi natin dapat hayaang subukan pa sa mga Dumagat ng pasistang rehimeng US- Duterte ang mapangwasak na pambobomba, pamamaril, pangmamasaker at pananalasa ng Martial Law na naging malagim na bangungot para sa mga pamayanang Lumad at Moro ng Mindanao! Para saan ang lahat ng karahasang ito?
Iniluwal ng ating kasaysayan ang katangian ng lipunang mala-kolonyal at malapyudal na katulad ng ating bayan ang pangangayupapa ng papet na estado sa among Imperyalista. Nasa harapan ng mga katutubo at settler ng mayaman nating kabundukan ang banta ng malaganap na malawakang pagpapalikas at dislokasyon.
Partikular sa Bundok Sierra Madre, sa magkakanugnog na lalawigan ng Quezon, Laguna at Rizal, pilit ipinapatanggap sa mamamayan ang pagiging makatwiran ng pagtatayo ng mga genggeng (dambuhala) dam at hydropower sa balatkayo ng dalisay na inumin para sa taumbayan subalit nakadisenyo pala sa yugto-yugtong dambuhalang proyekto para sa pangangailangan sa kuryente at enerhiya ng mga negosyo ng naghaharing uri at among Imperyalista (New Centennial Water/Lower Kaliwa, Kaliwa-Kanan Dam o Laiban Dam, Violago Dam, Sumag Dam at Sierra Madre Dam) at iba pang engrandeng proyektong para sa ekoturismo, agri-bisnes at industrial complex na katulad ng Pacific Coast City na sumasaklaw ng mahigit 80,000 ektaryang lupain, kabundukan at baybaying-dagat sa dulong hilagang Quezon at kalapit na lalawigang Aurora, inaangkin ng dambuhalang debeloper na Green Circle Properties na pagmamay-ari ni Atty. Romeo Roxas.
Hindi na nakakapagtaka na bilang pangunahing protektor ng mga dayuhang imperyalistang puhunan at lokal na partner na malaking burgesyang komprador, ang presensya ng mga sundalo sa Bundok Sierra Madre at laylayan ay nagsisilbing instrumento ng pasistang estado sa paghawan ng daan para tiyaking matuloy ang kanilang mga plano, supilin at durugin lahat ng magtatangkang pumigil kapalit man nito ang pagkasira sa kagubatan at kakahuyan, mga bukal at ilog, at mayamang lupa at kalikasan. na kikitil naman sa kabuhayan at paninirahang lupang ninuno ng mga katutubo sa Bundok Sierra Madre.
Ipinagkakait ng rehimeng ito, at ng lahat na nakalipas na rehimeng nagpakatuta sa Imperyalismong US, ang pangarap ng karaniwang tao na isang masagana at payapang pamumuhay, pagkain, lupa, tirahan, abot-kayang serbisyong panlipunan, kagalingan at karapatan. Pinatunayan sa kasaysayan ng pagbabago ng lipunan na tanging sa pagpapabagsak sa naghaharing uri ng pinaghaharian lang maaaring magkaroon ng katuparan ang pangarap na ito.
Patuloy inilalantad at nilalabanan ng mga kababaihan at taumbayan ang kabuktutan ng kontra-mamamayan at makadayuhang Oplan Kapayapaan sa mga operasyong “kapayapaan at kaunlaran” na iwinawasiwas ng sandatahang lakas ng rehimen, ngunit nangahulugan ng kapariwaraan ng mga kababaihan, pananakot at pamamaslang ng mga magsasaka at katutubo na kaagad ay minamarkahang mga NPA para bigyang katwiran ang karahasang militar. Higit ngayong nagiging makatwiran ang pagsusulong ng digmang bayan!
Ating ipagbunyi ang kagitingan ng mga rebolusyonaryong naghandog ng sariling buhay para ipagtagumpay ang Demokratikong Rebolusyong Pilipino (DRB) na may sosyalistang perspektiba at pinamumunuan Partido Komunista ng Pilipinas (Marxismo-Leninismo-Maoismo).
Sa unang dekada (1970’s) ng paglulunsad ng armadong pakikibaka at pagpupundar ng baseng masa sa ating rehiyon at lalawigan, partikular sa Hanggahang Laguna- Quezon sa Bundok ng Sierra Madre, isa si Kasamang Lorena “Ka Laurie” Barros sa mga gintong anak ng bayan, mga kabataang tumungo sa kanayunan at nag-NPA para ilunsad ang Matagalang Digmang Bayan sa estratehikong linya ng pagkubkob ng kalunsuran mula sa kanayunan.
Sa tanglaw ng walang pag-iimbot na diwang “Paglingkuran ang Sambayanan”, nakipamuhay sa mga katutubo at masang magsasaka sina Ka Laurieat marami pang mga rebolusyonaryong kasama para alamin ang kanilang kongkretong kalagayan at maimulat, maorganisa at mapakilos ang kanilang hanay para lumahok sa pambansa demokratikong rebolusyon at baguhin ang aping kalagayan at bulok na sistema.
“Simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka, ” ang konduktang taglay ni Ka Laurie at mga kasama sa pagtatayo ng mga moog ng rebolusyon, ang kondukta ng bawat aktibista at komunista at tunay na hukbo ng bayan. Kabaligtaran ng hukbo ng pasista, teroristang estado ni Duterte na puno ng kabastusan, kabalasubasan at karahasang animo’y mga berdugong nanggigilit ng mga sibilyan.
Naglalagablab ang mapulang tradisyon ng armadong pakikibaka at pagtatanggol ng kababaihan mula pa sa panahon ni Gabriela Silang at Gregoria de Jesus hanggang panahon nina Kasamang Laurie, Rosario “Ka Solly” Lodronio Rosal, Eliza Pera, Jocella Epipano, Ka April, Medel, Violy, Pamela Jane “Ka PJ” Lapiz, Nica Aumentado at marami pang mga kasamang ibinuwis ang buhay sa pagsusulong ng rebolusyong agraryo at armadong pakikibaka sa mga katutubo ng Bundok Sierra Madre.
Tinatawagan natin ang lahat, mga kababaihan, katutubo at moro at sambayanan para singilin at pagbayarin ang rehimeng US-Duterte at berdugong sandatahang lakas nito, lubos na lumahok at magtaguyod sa demokratikong rebolusyong bayan na may sosyalistang perspektiba. Tanging ang rebolusyong ito ang magbabagsak sa imperyalismo, pyudalismo, at burukrata kapitalismo na ugat ng kahirapan, at itayo ang demokratikong gubyernong bayan.
Sumapi sa NPA, Tunay na Hukbo ng Bayan! Rehimeng US-Duterte, Ibagsak!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.