Ang Bayan propaganda editorial posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (May 7): Wakasan ang batas militar sa Mindanao at Oplan Kapayapaan
Ang Bayan
Communist Party of the Philippines
7 May 2018
Mag-iisang taon nang nakapataw ang batas militar sa buong Mindanao. Sa panahong ito, ginamit ni Pres. Rodrigo Duterte ang kapangyarihang militar para ilunsad ang brutal na gera sa Marawi City at ang malupit na gerang panunupil sa buong kalaparan ng Mindanao. Sa buong bansa, naghahari-harian ang pasistang militar sa malawak na kanayunan sa ilalim ng gerang Oplan Kapayapaan.
Milyun-milyong mamamayan ang nagdurusa sa ilalim ng tuwirang pasistang paghahari ni, Duterte sa Mindanao at buong Pilipinas. Daan-daang baryo ang tinatarget at sinasakop ng mga pasistang tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP). Tinutugis ang mga kilalang lider at aktibistang magsasaka. Parami nang parami ang kaso ng mga pagpatay, kabilang ang ilang bata. Laganap ang mga pagdukot, pag-aresto at pagkukulong. Laganap ang mga kaso ng pagnanakaw ng mga sundalo sa mga alagang hayop at iba pang pag-aari ng taumbaryo. Halos 5,000 na ang walang ebidensyang pinaratangang kasapi ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) at inilistang nagsurender sa AFP.
Walang-habas ang paghuhulog ng bomba at panganganyon. Halos kalahating milyon na, kabilang ang mahigit 400,000 mula sa Marawi, ang napwersang lumikas sa kanilang mga tahanan. Ilampung libo pang mga Meranaw ang hindi pinahihintulutang makabalik sa kanilang mga bahay na winasak ng pambobomba ng AFP. Ang balak ng AFP at ng US na angkinin ang malaking tipak ng Marawi ay isang malakieng paglapastangan sa mamamayang Moro.
Ipinataw at pinalawig ni Duterte ang batas militar sa Mindanao sa tangkang lubos na kontrolin ang mayamang rekursong upang dambungin ng mga dayong kumpanya sa pagmimina at mga plantasyon. Kumukulo ang dugo ni Duterte sa mga magsasaka at mga minoryang mamamayan na marunong manindigan para sa kanilang lupang sinasaka, sa kanilang lupang ninuno at sa pambansang patrimonya. Galit na galit din siya sa mga manggagawang nakikibaka para sa kanilang kagalingan at mga karapatan.
Pinili ni Duterte ang Mindanao dahil alam niyang naroon ang malaking bahagi ng armadong lakas ng rebolusyonaryong kilusan na isa sa pinakamalaki at pinakamatatag na balakid sa isinasagasa niyang tiranikong paghahari sa buong bansa. Inaakala ni Duterte na sa pamamagitan ng todong paggamit ng terorismo ng estado ay mapatatahimik niya ang Mindanao at matatahimik siya sa kanyang paghahari-harian. Subalit sa pagsupil ni Duterte sa Mindanao, buong bayan ang kanyang kalaban.
Ginagamit ni Duterte ang batas militar upang iwasiwas ang kanyang tiranikong kapangyarihan sa buong bansa. Estilong batas militar din ang ginawang pagpapasara sa Boracay para diumano linisin ang isla. Sa malawak na kanayunan sa Luzon at Visayas, ginagamit rin ni Duterte ang kapangyarihang militar upang supilin ang mga pakikibaka ng masang magsasaka laban sa iba’t ibang anyo ng pagsasamantala at pang-aaping pyudal at malapyudal at hadlangan ang pagsulong ng armadong rebolusyon.
Hindi bababa sa 500 ang mga bilanggong pulitikal kabilang ang mahigit isandaang inaresto sa nagdaang isa’t kalahating taon sa ilalim ni Duterte. Mahigit 600 ang isinakdal ni Duterte na “terorista” at humaharap ngayon sa banta ng pag-aresto o likidasyon. Ilang kadre na ng Partido ang pinatay at dinukot.
Sa kabila ng deklarasyon ni Duterte mahigit isang buwan na ang nakaraan na ituloy ang usapang pangkapayapaan sa National Democratic Front of the Philippines (NDFP), wala pang siyang seryosong hakbang para ituloy na ang negosasyon. Sa halip na ibwelo ang usapan, mistulang hinahadlangan ito ni Duterte. Samu’t saring kundisyon ang itinatakda, kabilang ang pag-obliga sa mga rebolusyonaryong pwersa na makipagtigil-putukan kahit wala pang napagkasunduan sustantibong reporma sa mga usaping nasa ugat ng armadong labanan.
Habang bukas ang NDFP na muling ituloy ang negosasyon, itulak ang seryosong pag-uusap at maging pleksible kung tutumbasan ni Duterte ng seryosong pagsulong ng reporma, mulat rin ito na ang deklarasyon ni Duterte na muling ituloy ang pag-uusap ay malamang na pambubuladas lamang para idiskaril ang pagsulong ng mga pakikibakang masa at ang lumalawak na nagkakaisang prente laban sa kanyang rehimen.
Sa ngayon, mas mahalagang tungkulin ang malawakang pakilusin ang masang magsasaka at manggagawa at buong sambayanan para ilantad ang pasistang terorismo, malulubhang pag-abuso sa karapatang-tao at mga atake ng mga pwersa ng estado sa masang anakpawis.
Sa partikular, dapat paalingawngawin sa buong bansa ang sigaw para wakasan ang batas militar sa Mindanao at wakasan ang Oplan Kapayapaan sa buong kapuluan. Batay sa lakas ng pagkilos ng mga sektor ng masang anakpawis, dapat itayo ang pinakamalapad na alyansa ng mga demokratikong pwersa laban sa pasismo. Ilantad, batikusin at singilin ang pinakamalalaking krimen ng AFP at mga paglapastangan sa mga karapatang-tao. Suportahan ang pakikibaka ng mamamayang Moro na mabawi ang kanilang Marawi.
Dapat ding isulong ang mga pakikibaka para sa kagalingan at mga karapatan ng mga demokratikong sektor, kabilang ang pakikibaka para sa umento sa sahod, laban sa kontraktwalisasyon, laban sa pangangamkam ng lupa at iba’t ibang anyo ng pyudal na pagsasamantala, at para sa iba pang demokratikong reporma. Ibayong palakasin ang sigaw para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon.
Higit sa lahat, dapat maglunsad ang BHB ng mga taktikal na opensiba upang patamaan ang AFP ng maraming suntok sa katawan at ilang bigwas sa ulo. Targetin ang pinakapusakal na pasista at teroristang ng mga yunit na may malalaking krimen laban sa bayan. Ang pagsusulong ng armadong pakikibaka sa buong bansa ang pangunahing paraan para labanan ang pasismo at terorismo ng rehimeng US-Duterte.
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.