Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Apr 29): Manggagawang Pilipino, magkaisa at buklurin ang buong bayan!
Communist Party of the Philippines
29 April 2018
Kasama ng uring manggagawang Pilipino, at ng masang proletaryo sa buong daigdig, ipinagdiriwang ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang Pandaigdigang Araw ng Paggawa. Bigyang-pugay natin ang mga bayani at martir ng kilusang manggagawa. Gawin nating inspirasyon ang kanilang buhay ng walang pag-iimbot na paglilingkod sa bayan.
Ginugunita natin ang Mayo Uno ngayong taon na malaki ang tungkuling buklurin ang pinakamalawak na bilang ng mga manggagawa para isulong ang mga pakikibakang pangkabuhayan at labanan ang anti-manggagawa at anti-mamamayang pasistang rehimeng US-Duterte.
Dagdag na makabuluhan ang paggunita sa Mayo Uno ngayong taon dahil ipagdiriwang din natin sa ilang araw sa Mayo 5, ang ika-200 taon ng araw ng kapanganakan ni Karl Marx, pinakadakilang gurong komunista. Si Marx ang unang nakapaglahad ng ideolohiya ng proletaryo. Sa mahigit nang isa’t kalahating siglo, ginabayan ng Marxismo ang mga manggagawa sa kanilang mga pakikibaka sa ekonomya at pagsusulong ng rebolusyonaryong pakikibaka para wakasan ang sistema ng pang-aaliping sahuran. Umunlad ang Marxismo sa Marxismo-Leninismo-Maoismo sa tatlong yugtong dinaanan na epikong tunggalian ng kapitalismo at proletaryong rebolusyon.
Balik-tanawin natin ang makasaysayang mga pakikibaka para sa walong-oras na paggawa, makatarungang sahod, karapatan sa pag-uunyon, pagwewelga at iba pang karapatan ng mga manggagawa sa buong mundo. Higit sa lahat, gunitain natin ang ika-100 taong anibersaryo ng tagumpay ng Dakilang Proletaryong Rebolusyong Oktubre sa Russia na nagtatag ng diktadura ng proletaryo at nagbukas ng pitong dekadang matatagumpay na sosyalistang rebolusyon at konstruksyon sa sangkatlo ng buong daigdig.
Subalit nagapi ng burgesya ang proletaryo at naipanumbalik ang kapitalismo sa Russia, China at iba pang bansa. Napaatras ang sosyalistang rebolusyon sa buong mundo. Gayunman, ang mga nagawa nito sa pagpawi sa pagsasamantala at mabilis na pag-angat ng antas ng lipunan ay nananatiling inspirasyon sa mga manggagawa at masang anakpawis para magsikhay sa rebolusyonaryong landas. Ang patuloy na paglubha ng iba’t ibang anyo ng kapitalistang pagsasamanta sa ilalim ng mga patakarang neoliberal ay nagpapasidhi ng kanilang pagnanais na iluwal ang panibagong pagdaluyong ng bagong demokratiko at sosyalistang rebolusyon sa buong daigdig.
Sa Pilipinas, pinapasan ng masang manggagawa ang bigat ng palagiang krisis ng malakolonyal at malapyudal na sistema. Mabilis na lumalala ang kanilang kalagayan sa ilalim ng ni Duterte. Pambubuladas ang ipinagmalaki niyang siya’y “sosyalista.” Ang totoo, siya’y anti-manggagawa at maka-kapitalista. Pinako ang mababang sahod ng mga manggagawa para akitin ang dayong mamumuhunan. Ang nakatakdang minimum sa NCR (₱512 kada araw) ay wala pa sa kalahati ng kailangan (₱1,171 kada araw) para disenteng mabuhay ang laking-anim na pamilya. Lumalala pa ang krisis ng disempleyo matapos mahigit 630,000 trabaho ang minasaker noong nagdaang taon. Araw-araw, libu-libo ang napupwersang mangibang-bayan. Pabor siyang pahabain ang araw ng paggawa sa pamamagitan ng four-day workweek. Binabalewala ang kagalingan at kaligtasan sa pagawaan. Ginagamit ang pulis at mga sundalo upang supilin ang karapatan sa pag-uunyon at pagwelga gamit ang militar at pulis.
Sa ilalim ni Duterte, walang ibang mapagpipilian ang mga manggagawa kundi ang bagtasin ang landas ng militanteng pakikibaka. Itayong muli ang libu-libong unyon. Puspusang isulong ang demokratikong mga pakikibaka. Ibangon at malakihang isulong ang militanteng kilusang manggagawa. Pasiklabin ang mga pakikibakang manggagawa sa libu-libong mga pagawaan at iba pang empresa.
Buuin ang pinakamalapad na pagkakaisa ng masang manggagawang Pilipino laban sa rehimeng US-Duterte para labanan ang anti-manggagawang mga patakaran at programa nito. Kaalinsabay nito, pamunuan ang pagbubuklod sa sambayanang Pilipino para ihiwalay, labanan at ibagsak ang rehimeng US-Duterte—ang numero unong kaaway ng buong bayan.
Buuin ang pinakamalapad na pagkakaisa ng masang manggagawa laban sa tiraniya at terorismo ng rehimeng US-Duterte. Makipagkaisa sa masang magsasaka sa kanayunan, sa kanilang mga pakikibakang antipyudal at sa paglaban nila sa pasistang atake laban sa kanilang mga komunidad. Ilantad sa kalunsuran at mga sentrong bayan ang pambobomba, pananakop, tortyur, pagdakip at pagkulong, pagnanakaw at iba pang pandarahas ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ilalim ng Oplan Kapayapaan.
Sumapi sa Partido Komunista ng Pilipinas! Ang partido komunista ang ating partidong pampulitika. Binubuklod ito ng Marxismo-Leninismo-Maoismo, ang ideolohiya ng proletaryo. Ito ang konsentrasyon ng maka-uring interes ng mga manggagawa. Itinuturo nito ang landas ng paglaban upang ibagsak ang paghahari ng mga mapagsamantala at mapang-aping uri at itatag ang kapangyarihang pampulitika ng proletaryo.
Mga manggagawa, magsandata at maging mga Pulang kumander at mandirigma ng Bagong Hukbong Bayan! Itinatag ng Partido ang hukbong bayan para isulong ang armadong pakikibaka at durugin ang mga armadong galamay ng naghaharing estado. Isinusulong ang matagalang digmang bayan para mag-ipon ng lakas sa kanayunan at palibutan ang kalunsuran hanggang kaya na nitong ibagsak ang mga reaksyunaryo uri at itatag ang demokratikong kapangyarihan ng bayan sa buong bansa.
Limampung taon nang sumusulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa Pilipinas. Ang mga pagsulong na ito sa nakaraan ang nagbibigay sa mamamayang Pilipino ng pag-asa na makamit ang ganap na tagumpay sa hinaharap para itatag ang isang malaya at maunlad na kinabukasan.
Mabuhay ang mga manggagawang Pilipino!
Gunitain ang ika-200 taong anibersaryo ng kapanganakan ni Karl Marx!
Yakapin at palaganapin ang Marxismo-Leninismo-Maoismo!
Ibagsak ang rehimeng US-Duterte!
Isulong ang demokratikong rebolusyong bayan!
Mabuhay ang Partido Komunista ng Pilipinas!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.