Monday, November 27, 2017

CPP/Ang Bayan: 22 aktibista, iligal na inaresto

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Nov 21): 22 aktibista, iligal na inaresto

Hindi bababa sa 22 aktibista ang inaresto ng mga pwersa ng estado nitong nakaraang mga linggo lamang.

Noong Nobyembre 29, siyam na myembro ng fact-finding mission na patungo sa Barangay Utod, Nasugbu, Batangas ang hinarang at iligal na inaresto ng mga elemento ng 730th Combat Group at ng mga pulis ng Batangas noong gabi ng Nobyembre 20 sa paratang na mga myembro sila ng BHB. Kinilala ang mga ito na sina Leonardo delos Reyes, Josefino Castillano, Carlos Sanoza, Peping Sacdalan, Robert Hernandez, Jocelyn Cabadin, Jenelyn Bayani, Orlan Cabadin at Anthony Banaga. Ang mga hinuli ay pawang mga myembro ng mga organisasyong magsasakang Habagat at Samahan ng Pinagkaisang Damdamin ng Barangay Quisumbing. Papunta sila sa Barangay Utod para imonitor ang mga paglabag ng AFP sa mga karapatan ng sibilyan matapos ang sagupaan ng mga yunit ng BHB at AFP sa lugar.

Noong Nobyembre 13, iligal na inaresto ng mga sundalo ng 86th IB ang mga sibilyan na sina Oliver Molina at Robert Dalupang sa Barangay Diasan, Echague, Isabela matapos magkaroon ng labanan sa pagitan ng BHB at AFP sa katabing barangay. Ikinulong sila sa kampo ng 86th IB at hindi pinayagan ng mga sundalo na makausap ng mga kamag-anak at myembro ng Dagami at Karapatan-Cagayan Valley.

Sa Eastern Samar, inaresto ng 87th IB ang lider ng Tag-alag Farmers and Fisherfolk Association na si Carlito Badillo, 41, sa harap ng Osmena National High School sa Tag-alag, Marabut noong Nobyembre 10. Sinampahan siya ng kasong rebelyon at illegal possession of explosives. Ayon kay Badillo, sapilitan siyang isinama at pinahirapan habang inaakusang kasapi ng BHB. Pinapipirma rin siya ng papel na hindi niya alam kung anong nakasulat.

Sa Oriental Mindoro nang parehong araw, dinakip ng mga operatiba ng 203rd Bde ang manggagawang pangkalusugan na si Emelia Marquez, 29, sa Medical Mission Group Hospital sa Calapan City habang nagbabantay sa kanyang maysakit na sanggol. Kabilang si Marquez sa Morong 43 na iligal na ikinulong noong Pebrero 2010 at napalaya noong Disyembre ng parehong taon.

Noon ding Nobyembre 10, apat na myembro naman ng organisasyong Lumad na KASILO ang iligal na inaresto ng mga tropa ng 58th lB sa Sityo Gamot, Barangay Sta. Filomena, Quezon, Bukidnon. Dinakip at inakusahan sina Asilan Batao, Dodong Lampasan, Henry Lacubay at Leo Pangcat na mga tagasuporta ng BHB. Hindi sila nadala ng mga sundalo sa kanilang kampo dahil sa paggigiit ng kanilang kababaryo na sasamahan nilang lahat ang apat na inaresto.

Bago nito, inaresto ng pinagsamang tropa ng PNP at AFP noong Nobyembre 9 sa Barangay Palaminya, Oslob, Cebu, si Rustico Tan, isang dating pari ng Missionaries of the Sacred Heart of Jesus (MSC). Sa edad niyang 76, nagsasagawa si Tan ng organic farming sa Oslob. Naging negosyador siya ng National Democratic Front of the Philippines sa usapang pangkapayapaan mula 1986 hanggang 1987. Bago nito, inaresto rin ang dalawang magsasaka sa sakahan ni Tan na sina Lopito Paquigbao at Eddie Cullamat. Dinala sila sa AFP Central Command sa Camp Lapu-Lapu, Cebu City. Ihinarap siya sa korte nitong Nobyembre 21 sa gawa-gawang kaso ng pagpatay.

Noon namang Oktubre 19, inaresto ng pinagsanib na pwersa ng PNP-CIDG at ISAFP si Jeremy Ang, kumbenor at senior consultant ng Assert Socio-economic Initiatives Network of the Philippines (ASCENT), at ang kanyang katrabaho na si Rita Espinoza sa Kabankalan, Negros Occidental. Walang ipinakitang mandamyento de aresto sa kanila at hindi sila ipinakita sa kanilang mga abugado hanggang sa pangalawang araw. Sa ngayon, iligal silang nakadetine sa Camp Crame sa Quezon City.

Sa Negros Occidental, binaril noong Nobyembre 8 ng apat na nakabonet na lalaki ang kasapi ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas na si Webby Argabio sa Kabangkalan City habang nanonood ng mga naglalaro sa Purok Mahogani Abtao, Barangay Tapi, ng naturang syudad.

Samantala, nitong Nobyembre 18, pinatay ng mga elemento ng militar si Dondon Bartolaba, residente ng Sityo Palo 7, Brgy. Tomanding, Arakan, Cotabato.

Bago nito, natagpuang patay ng kanyang mga kamag-anak at kababaryo si Arnel Otacan, 33, kasapi ng organisasyong magsasaka na Nigkasinabot Koy Mag-uuma Tu Boston, sa Davao del Norte noong Oktubre 29. Tadtad ng bala ang kanyang bangkay at basag ang kanyang mga tuhod at braso. Bago nito ay makailang beses na siyang pinuntahan at ininteroga ng mga ahente ng intelidyens ng 67th IB.

Sa Capiz, ininteroga at tinakot ng militar ang dalawang magsasaka at kasama nilang menor-de-edad sa pagitan ng Barangay Tacayan at Lahug, bayan ng Tapaz noong Nobyembre 5. Galing sa pagdeliber ng produktong saging sina Mario Aguirre, ang kanyang bayaw at anak nang harangin sila sa daan ng isang iskwad ng nakasuot-sibilyang sundalo. Ang pananakot ay kaugnay ng pakikibaka ng mga katutubong Tumandok laban sa planong malaking dam sa Ilog ng Pan-ay na maglulubog ng 12 baryo. Bago nito, may nauna pang katulad na insidente ng pananakot sa nakaraang linggo sa baryo din ng Lahug.

Sa Samar, kinumpronta ng mga kasapi ng Alyansa san mga Parag-uma Kontra-kagutom san Las Navasnon (APKLAS), kasama ang Katungod Northern Samar, ang mga yunit ng 20th IB para paalisin sa kanilang baryo noong Nobyembre 6. Nagkakampo ang mga sundalo sa Barangay San Miguel at iba pang baryo sa Las Navas, labag sa International Humanitarian Law.

Samantala, ilang beses na minortar ng sundalo ng 24th IB ang bundok sa Daguioman, Abra. Tumama ang mortar malapit sa isang kubo ng magsasakang Itneg sa Barangay Ableg noong Nobyembre 10.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]

https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20171121-22-aktibista-iligal-na-inaresto/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.