NPA-Bicol propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 1): Hinggil sa Pagkakapaslang kina Andres ‘Ka Carlo’ Hubilla, Miguel ‘Ka Billy’ Himor at dalawang sibilyan
Maria Roja Banua, Spokesperson
NDFP Bicol Region (Region V)
1 August 2017
Nakikiramay ang NDF-Bikol at buong rebolusyonaryong kilusan sa mga pamilya at kaibigan nina Andres ‘Ka Carlo’ Hubilla, Miguel ‘Ka Billy’ Himor, Arnel Borres, Dick Laura na napaslang sa pangungubkob ng magkakumbinang pwersa ng militar at kapulisan sa Sityo Namuro, Brgy. Trese Marteres, Casiguran, Sorsogon nitong Hulyo 28.
Sina Ka Carlo at Ka Billy ay kasapi ng Celso Minguez Command NPA-Sorsogon, samantala, sibilyan at non-combatant sina Arnel Borres at Dick Laura. Ipinagluluksa ng buong Kabikulan ang pagkawala ng apat na buhay sa nagpapatuloy na todo-gera ng rehimeng Duterte laban sa mamamayan. Iniaalay din ng rebolusyonaryong kilusan ang pinakamataas na pagpupugay at pagdakila sa dalawang martir ng sambayanan na inilaan ang kanilang buong buhay sa paglilingkod sa masang inaapi at pinagsasamantalahan.
Marka ng kaduwagan ang pataksil na kubkob ng humigit-kumulang 30 elemento ng 31st IBPA, 22nd IBPA, 96th Military Intelligence and Combat Operatives (MICO), Casiguran Municipal Police at Sorsogon Provincial Police laban kanila Ka Carlo at Ka Billy na nauwi sa pagkadamay ng dalawa pang sibilyan. Alam ng militar na wala nang ibang pang NPA sa lugar liban sa dalawa. Malinaw na hindi nakadisensyo ang naturang operasyon sa paghahapag ng warrant of arrest at paghuli sa dalawang kasama. Bagkus ito ay isang operasyon para sa isang siguradong pagpaslang sa isang kasamang ilang beses nang nakaalpas sa kanilang pambibitag. Niratrat ng kaaway ang bahay na tinutuluyan nina Ka Carlo. Sa katunayan, kahit walang putok mula sa panig ng mga pulang mandirigma, nagpatuloy pa rin sa pagpapaputok ang kaaway nang walang pagsasaalang-alang sa kaligtasan ng mga sibilyan sa lugar.
Sa ilalim ng International Humanitarian Law at Protocol II ng Geneva Conventions, ang sinumang wala nang kapasidad lumaban ay dapat ituring na hors de combat o bihag ng digma at hindi na kailangang paslangin. Gayundin, kahit na sa panahon ng labanan malinaw na nakasaad sa internasyunal na batas ng digma na dapat isaalang-alang ang buhay at kaligtasan ng mga sibilyan at non-combatant. Sa sitwasyong may mga sibilyang nasa lugar at hindi na nakapagpaputok sina Ka Carlo at napapaligiran na ng mga elemento ng kasundaluhan, dapat ay malapitang pagsukol at hindi walang lubay na pagpapaputok ang ginawa ng militar.
Ngunit nakangangalit man ang ginawa ng kasundaluhan, hindi na ito nakapagtataka. Matagal nang marumi at marahas ang gawi ng kaaway pagdating sa mga labanan. Sa paghahabol ng gantimpala, promosyon at mga medalya, hindi kailanman kinilala ng AFP ang mga batas ng digma. Wala silang pagpapahalaga sa karapatang tao at buhay kapwa ng mga combatant at ng mga sibilyan. Noon pa man, gawain na ng kasundaluhang patayin ang mga nahuhuling kasapi ng NPA sa halip na ituring ang mga itong bihag ng digma. Tortyur at desekrasyon ang ginagawa nila sa mga labi ng kanilang mga pinaslang. Habang simpleng collateral damage ang turing nila sa mga sibilyang nadadamay sa kanilang mga atake.
Sa ilalim ng rehimeng Duterte, lalo pang nabigyang laya ang pang-aatake at pagiging hayok sa karahasan ng kasundaluhan. Sa baluktot niyang pananaw, walang halaga kung ilanmang pagpatay ang gawin ng kanyang mersenaryong hukbo dahil ipagtatanggol niya ang mga ito. Araw-araw na reyalidad ng sambayanang Pilipino ang walang sagka at walang pananagutang pagpaslang ng pwersa ng estado. Walang pagkakaiba kung ang mapaslang ng kasundaluhan at kapulisan ay sibilyan o hindi. Napakadaling bansagang NPA, durugista o ‘di kaya ay terorista ang mga biktima.
Sa mundo ng isang pangulong nag-uulol sa kapangyarihan, walang bisa ang mga batas at walang halaga ang mga karapatan. Palakpak at pagkilala ang pasalubong sa mga sundalo’t pulis na naglustay sa ilang libong buhay at nangwasak sa ilang daang komunidad. Kagitingan ang tawag sa pagsalaula sa karapatang tao at panggegera sa mamamayan. Hindi importante kung dumanak ang dugo, ang mahalaga lamang ay makapatay. Ang bawat bangkay ay isang puntos palapit sa mga gantimpala at tropeyo.
Kasalukuyang nararanasan ng sambayanang Pilipino ang isa sa mga pinakamabalasik na pag-atake sa karapatan at buhay ng mamamayan. Nananawagan ang NDF-Bikol sa lahat ng masang inaapi’t pinagsasamantalahan na manindigan laban sa kontra-mamamayang gera ng estado. Walang aasahan ang masang Bikolnon at ang buong sambayanan sa isang pamahalaang bala ang tugon sa lahat ng karaingan ng mamamayan.
Ang pagkamatay nina Ka Carlo at Ka Billy ay hamon na magbalikwas mula sa isang lipunang walang ni kapiranggot na pagpapahalaga sa buhay ng tao. Habang nagpapakalango ang 9th IDPA sa kanilang hungkag na tagumpay, rumaragasa sa kanayunan at mga kabundukan ang naglalagablab na apoy ng armadong pakikibaka. Sa huli, hindi mapipigilan ng nag-uulol na gera ng estado ang pagsiklab ng apoy ng rebolusyon. Bulkang sasabog ang nag-uumapaw na lakas ng sambayanan na siyang tatapos sa pagsasamantala.
Pagpupugay kina Ka Carlo, Ka Billy at lahat ng martir ng sambayanan!
Wakasan ang Pagsasamantala, Isulong ang Demokratikong Rebolusyong Bayan hanggang tagumpay!
Ipaglaban ang Karapatan, Katarungan at Tunay na Kapayapaan, Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.