NPA-Abra anti-Duterte propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Aug 2): SONA 2017 ni Duterte
Ka Diego Wadagan, Spokesperson
NPA-Abra (Agustin Begnalen Command)
3 August 2017
Tulad ng inaasahan, inilantad ni Duterte ang kanyang sarili bilang numero unong sunud-sunuran sa imperyalistang US. Sa nakaraang SONA 2017, iwinawasiwas ng kanyang talumpati ang otokratikong pagmamando ng pasismo ng estado at maka-dayuhang patakaran alinsunod sa dikta ng amo nitong imperyalistang US. Tuluyan niyang binigo ang mga pangako niya sa mamamayan mula nang pag-upo niya sa pwesto bilang presidente.
Sa loob ng isang taon niyang panunungkulan, hindi nagbago ang hikahos na kalagayan ng mamamayang Pilipino: binigo niya ang pangakong tanggalin ang batas ng ENDO o kontraktwalisasyon na kontra-manggagawa, maging ang pagbibigay ng libreng edukasyon sa lahat ng antas para sa mga kabataan; at hanggang ngayon ay hindi pa rin naipapamahagi ang ekta-ektaryang lupain para sa mga magsasaka. Bagkus ay ipinagpapatuloy lang nito ang paglilimos sa mahihirap sa pamamagitan ng maanomalyang 4P’s at ang mapang-aping K-12.
Ang hindi pagtalakay o pagbanggit man lang sa mga batayang problema ng mamamayan ay pagpapakita mismo ng pagbabalewala sa kapakanan ng masang Pilipino. Mas naging prayoridad niya ang paglilikha at pagtutulak ng mga kontra-mamamayan at maka-imperyalistang batas. Taliwas sa animo’y bakal na proklamasyon niya ng “Independent Foreign Policy”, ang ipinagmamalaki niyang “Dutertenomics” na mahigpit na nakaasa sa dayuhang utang at ayuda. Nagmimistula lamang “makabayan” ang kanyang mga salita dahil sa balat-kayo niyang pag-atake sa relasyon ng US at Pilipinas pero sa katunayan ay lalong nagkakanulo sa suberenya ng ating bansa pangunahin sa imperyalismong US at binubukas sa iba pang halimaw na imperyalista tulad ng China at Russia.
Kaya pabor pa rin sa mga dayuhang negosyante ang kanyang mga ipinapatupad, tulad na lamang ng inaapura niyang ‘tax reform bill’ na sa esensya ay pagpapapasan ng mataas na presyo ng mga pangunahing bilihin sa mahihirap na Pilipino habang nananatiling mababa ang sahod at mas dumarami ang mga walang trabaho.
Ineengganyo pa niya ang mga malalaking negosyante sa iba’t ibang mga bansa na malayang mamuhunan sa bansa.
Hindi maitatanggi ni Duterte ang kanyang pagtalikod sa mahihirap. Ang nangyaring pagokupa ng mga maralitang lungsod na walang bahay ay nagpapatunay na lumalala lalo ang krisis pang-ekonomya sa ilalim ng kanyang panunungkulan. Binantaan pa ang mga ito na gagamitan niya ng dahas kapag ulitin pa ang pag-ookupa. Nasaan na ang ipinagmamayabang niyang islogan na “mula sa masa, para sa masa?”
Alinsunod sa sulsol ng mga militaristang ahente ng US na tagapagtaguyod ng doktrinang US Counter Insurgency (US-COIN), tuluyan ng nailantad ang pagiging tuta ni Duterte at ito ang nasa likod kung bakit hindi seryoso ang rehimeng Duterte sa Peace Talk at arbitraryo nitong pagkakansela sa 5th round ng peace talk. Iniiwasan niyang pag-usapan ang nakahaing agenda sa 5th round ng peace talks – ang Comprehensive Agreement on Socio-economic Reform (CASER) kung saan nilalaman nito ang libreng pamamahagi ng lupa para sa magsasaka at pambansang industriyalisasyon na siyang puputol sa pagiging pala-asa o ‘dependent’ ng bansa natin sa iba at siya ring lilikha ng maraming disenteng trabaho para sa lahat. Hindi katanggap-tanggap ang rason ni Duterte na ang mga taktikal na opensiba ng New People’s Army ang dahilan para ihinto ang usapang pangkapayapaan sapagkat ang mismong all-out war – ang mga militar at pulisya ay nagpapatuloy sa panghahasik ng karahasan sa loob at maging sa labas ng mga sonang gerilya. Hindi nga niya talaga interes ang pag-ugat at pagresolba sa armadong tunggalian sa bansa.
Ang pagdeklara mismo ng martial law sa Mindanao ay pagpapakita ng kanyang layunin na para mawakasan ang kahirapan ay digmain ang mga mahihirap. Dagdag pa ang kanyang pinagmamalaking ‘war on drugs’ na pawang simpleng mamamayan ang nagiging biktima ng pamamaslang. Ayon na rin mismo sa rekord ng Commission on Human Rights ay nalampasan ni Duterte sa loob lamang ng isang buwan ang bilang ng extra-judicial killings ng pinagsamang nagdaang mga rehimen. Madadagdaan pa ito lalo pa’t inaprubahan ng mga kaalyadong senador at congressman ang pagpapalawig sa Batas Militar hanggang sa katapusan ng Disyembre 2017 kasabay ng pagbabanta na isusunod niyang pulbusin ang NPA pagkatapos ng anti-morong gera niya sa Mindanao. Ganundin ang hibang na pagpapatuloy ng EJK sa “gera kontra-droga”.
Kalunos-lunos rin ang kalagayan pambansang minorya dahil sa pagtampok ng pambansang pang-aapi sa ilalim ng rehimeng Duterte. Ang ipinagmamalaki niyang National Land Use Act sa esensya ay pagwasak at pag-agaw lamang sa mga lupaing ninuno. Alinsunod sa dikta ng imperyalismo, napipinto ang muling pagtatayo ng Chico Dam sa Kordilyera na sa kasaysayan ay matagumpay na nilabanan ng mga mamamayan ng Kordilyera. Nagpapatuloy pa rin ang operasyon ng malalaking kumpanya ng minas tulad ng Philex Mines at Lepanto Mining Co. at iba’t ibang dambuhalang power-generating projects sa mga kabundukan na protektado ng 5th at 7th Infantry Division ng AFP at PNP PRO-Cordillera. Maging ang operasyon ng AFP sa mga kanayunan ay pinapalawak – tumitindi ang pandadahas sa mga katutubo tulad ng serye ng aerial bombings, pagkakampo sa komunidad, surveillance, pagdukot, sapilitang ebakwasyon at pagpaslang. “Bobombahin ko ang mga komunidad ng Lumad,” matapang niya pang sinabi ito.
Marami ang umasa sa pagbabago na ihahatid ni Duterte pero sa totoo, ang presidente ay representante lamang ng mga malalaking kapitalista at panginoong maylupa at wala siyang ibang tungkulin kung hindi ang protektahan ang interes ng mga amo niya, lalo na ang imperyalista; kaya’t sapat na ang isang taon para mapatunayang taliwas sa ipinangakong pagbabago.
Ang mga proklamasyon niyang siya ay “makakaliwa” at “sosyalista” ay pawang propaganda lamang sa layuning malinlang ang rebolusyonaryong kilusan at ang sambayanang nagnanais ng tunay na pagbabago; dahil ang totoong makakaliwa ay mga tapat maglingkod sa bayan at ang tunay na sosyalista ay nakikibaka laban sa imperyalistang dominasyon at pananakop. Ang tunay na pagbabago ay nasa kamay ng mga mamamayang patuloy na tumatahak sa maaliwalas na landas ng demokratikong rebolusyon na siyang wawasak sa imperyalismo, pyudalismo at burukratiko kapitalismo.
Siguradong mabibigo ang tumitinding pasismo at pro-imperyalistang patakaran ng Rehimeng US-Duterte dahil hiwalay ito sa masa ng sambayanan. Walang ibang sasandigan ang mamamayan kundi ang kanilang mahigpit na pagkakaisa para sa tunay na pagbabago sa pamamagitan ng Digmang Bayan upang wakasan ang mapang-api at mapagsamantalang sistemang malakolonyal at malapyudal. Ang Bagong Hukbong Bayan ay tiyak na mas lalawak at higit pang lalakas dahil ito ang tunay na nagtataguyod sa kapakanan ng mahihirap at inaaping Pilipino.
LABANAN AT GAPIIN ANG PASISMO NG REHIMENG US-DUTERTE!
IBAYONG ISULONG ANG DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN!
SUMAMPA SA NPA!
https://www.philippinerevolution.info/statements/20170803-sona-2017-ni-duterte
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.