Tuesday, January 31, 2017

CPP/NPA: Hakbang Pamamarusa Laban sa Pangangamkam ng Lupa ni Henry Sy sa Hacienda Looc, Iginawad ng New People's Army

New People's Army propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines Website (Jan 25): Hakbang Pamamarusa Laban sa Pangangamkam ng Lupa ni Henry Sy sa Hacienda Looc, Iginawad ng New People's Army

Apolinario Matienza
Spokesperson
Provincial Operations Command
Batangas
New People's Army


30 January 2017
           
Mahigit 40 armas ang nakumpiska ng New People’s Army sa matagumpay na reyd na isinagawa nito sa barracks ng Selective Security Agency kahapon ng Enero 29 sa ganap na ika 6:32 ng hapon sa Brgy. Papaya, Nasugbu, Batangas.

Sa nasabing reyd, dinisarmahan ng NPA ang mga security guard ng SELECTIVE Agency na tumatayong armadong goons ni Henry Sy laban sa mga magsasaka at mangingisda sa Hacienda Looc. Tiniyak ng yunit ng NPA na na nangreyd na walang nasaktan mga Security Guard at Empleyado sa nasabing ahensya. Ang aksyong ito ng NPA ay bahagi ng hakbang pamamarusa laban kay Henry Sy at sa kanyang mga bayarang security guard na ginagamit sa marahas at malaganap na pangangamkam ng lupa sa Hacienda Looc.

Kabilang sa mga tampok na kaso ng mga berdugong security guard at ni Henry Sy ang walang pakundangan at paulit-ulit na pagwasak sa mga tanim ng mga magsasaka, pagsunog sa mga kubo at ulingan, pagkumpiska sa bunga ng mga pananim at pagbabawal sa mga magsasakang magbungkal ng lupa sa pamamagitan ng paggamit ng dahas at pananakot tulad ng panunutok ng baril, pagbabanta sa buhay at paggamit ng mga K9 dogs laban sa mga karaniwang magsasaka.

Sa sityo Convento Brgy. Looc at sityo Bangkal at Cueba ng Brgy. Bulihan, makailang ulit na nakaranas ng panunutok ng baril mula sa mga security guard ng Selective ang mga magsasaka. Mula pa 2008 ay hindi na pinapayagan magtanim ang mga magsasaka doon. Binubunot ang kanilang mga pananim na saging at pinagbabawalan silang pumutol ng kahoy kahit panggamit lamang sa bahay.
Dagdag pa rito, aktibo ring ginagamit ni Henry Sy ang mga bayarang security guard sa panggigipit sa mga mangingisda kung saan pinagbabawalan na silang mapagawi man lamang o pumondo sa baybayin ng Hamilo Cove at mga sinaklaw ng debelopment ni Henry Sy sa Brgy. Calayo at Brgy. Papaya.

Malaon nang idinadaing ng mga magsasaka ang isinasagawang pangangamkam ng lupa ni Henry Sy. Ang mga tumututol sa pangangamkam ng lupa at pagpapalayas ng ganid na si Henry Sy ay nakakaranas ng walang habas na pamiminsala ng mga security guard ng Selective Agency sa kabuhayan ng mga mamamayan bilang bahagi ng sistematikong panunupil at panggigipit sa lehitimong pakikibaka ng mga magsasaka sa humigit kumulang 8,650 ektaryang-lupang kinamkam ni Henry Sy sa Hacienda Looc.

Kaalinsabay ng reyd sa Selective Security Agency ay isinagawa ang pagsunog sa Staff House na katabi ng barracks ng mga security guards. Ang aksyong pamamarusang ito ay tugon lamang ng NPA sa karaingan ng mamamayan sa Hacienda Looc na malaon nang inaapi at pinagsasamantalahan ng mga panginoong maylupa, burgesya kumprador at ng reaksyunaryong gubyerno na ngayon ay pinamumunuan ni Rodrigo Duterte.

Tahasang hinahamon ng aksyong ito ng New People’s Army ang rehimeng Duterte na hanggang sa kasalukuyan ay walang makabuluhang pagtugon sa matinding suliranin ng mga magsasaka sa kawalan ng lupa. Sa kabila ng mga pangakong pagbabago, ay patuloy niyang kinakandili ang malalaking burgesyang tulad nina Henry Sy, Zobel, Roxas, Danding Cojuangco, Puyat at Consunji sa lalawigan na malawakang nangangamkam ng lupa at nananalanta sa buhay, karapatan at kabuhayan ng mga mamamayan sa Batangas. Patuloy na isasagawa ng NPA ang mga kahalintulad na aksyon laban sa naghaharing burgesya hangga’t umiiral ang pagyurak sa interes ng mamamayan, hangga’t bingi at inutil ang gubyerno ni Duterte. Makakaasa ang mamamayan na palaging kabalikat ninyo ang NPA sa pagkamit ng minimithi ninyong kapayapaan at kaunlaran.

Ang nasabing reyd na isinagawa ng NPA ay isang hakbang pamamarusa laban sa panginoong maylupa at burgesya kumprador na kaaway ng mamamayan at bahagi ng aktibong depensa ng NPA na hindi saklaw ng kasalukuyang umiiral na unilateral na deklarasyon ng NPA na tigil-putukan.

https://www.philippinerevolution.info/statements/20170130-hakbang-pamamarusa-laban-sa-pangangamkam-ng-lupa-ni-henry-sy-sa-hacienda-looc-iginawad-ng-n

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.