Thursday, June 12, 2014

CPP/NDF: Puspusang isulong ang paglaban sa sistemang pork barrel at paigtingin ang pagpapatalsik kay Aquino!

NDF propaganda statement posted to the CPP Website (Jun 12): Puspusang isulong ang paglaban sa sistemang pork barrel at paigtingin ang pagpapatalsik kay Aquino!
Logo.ndfp
Maria Roja Banua
Spokesperson
NDFP Bicol Chapter
 
Nakikiisa ang National Democratic Front-Bicol sa pagkilos ng mamamayang Bikolano upang wakasan ang sistemang pork barrel at parusahan ang mga promotor nito sa Malakanyang. Tuluy-tuloy na nagpupunyagi ang libo-libong Bikolano sa maraming panig ng rehiyon upang makisanib sa laban ng milyon-milyong mamamayang pinagnanakawan ng gubyerno ni Noynoy Aquino.

Sa pagtatangkang pahupain ang galit ng sambayanan at pigilan ang kanilang pagmartsa, madaliang sinampahan ng kasong pandarambong ang mga kalaban ni Aquino sa pulitika na naunang nasangkot sa pork barrel scam. Layunin din nitong pagtakpan at ipagtanggol ang mga pork barrel kingpin katulad ng mastermind ng Disbursement Acceleration Program (o pork barrel ng pangulo) na si Budget Secretary Butch Abad, si Agriculture Secretary Proceso Alcala, si Senate President Franklin Drilon, at iba pang mga kaalyado ni Aquino sa Kongreso. Ngunit ang gayong paglilihis ay lalo lamang naglalantad sa krimen ni Aquino sa pakikipagsabwatan sa pagnanakaw sa pondo ng bayan. Hindi lamang hungkag ang bukambibig ni Aquino na “matuwid na daan”. Ang totoo, ginagamit niya ang islogan na ito bilang pantakip sa pagpapahintulot ng tagus-tagusang korapsyon sa ilalim ng kanyang rehimen.

Higit na naging matingkad sa ilalim ng pamumuno ni Aquino ang kabuktutan ng burukrata kapitalismong malaon nang naglulugmok sa bansa sa malubhang krisis. Pinasiklab ng pork barrel scam ang galit ng mamamayan sa sistema ng pagsasamantala ng mga upisyal ng gubyerno sa kanilang mga katungkulan upang magkamal ng kapital para sa kanilang mga sarili, angkan, at mga kasabwat. Sa ilalim ng burukrata kapitalismo, hayagang ibinubuhos ang yaman at mga pribilehiyo ng estado sa pakinabang ng mga pribadong negosyo. Gayundin, ang mga negosyong pang-estado ay itinatayo at pinatatakbo upang magbenepisyo sa mga pribadong kapitalista.

Dapat puspusang mag-ambag ang mamamayang Bikolano upang isulong at palakasin ang kilusan laban sa sistemang pork barrel, kabilang na ang pagbasura sa pinakamalaki at kinasusuklamang pork barrel ng pangulo na Disbursement Acceleration Program (DAP). Dapat patalsikin at isakdal ang Pork Barrel King bilang pinuno ng kanyang rehimen sa pagnanakaw sa kinabukasan ng mamamayan. Magiging makabuluhan ang paghikayat ng malawak na hanay ng mga aping uri at sektor sa mga patriyotikong elemento sa panig ng 9th ID at PNP-Bicol. Katulad sa nakaraang pagpapatalsik sa mga kinamuhiang rehimen, ang pagsuporta ng militar at pulisya sa makatarungang hangarin ng mamamayan ay magpapalakas sa pag-aalsa ng laban sa rehimeng Aquino.

Titiyakin ng itatayong Konseho ng Pambansang Pagkakaisa na ang papalit na sibilyang rehimen ay may moral na katayuan upang tanganan ang pamumuno sa isang gubyernong tunay na magsisilbi sa interes ng mamamayan. Isang hakbang ito sa unti-unting pagsulong ng mamamayang Pilipino sa pagtatatag ng isang gubyernong tunay malaya sa korapsyon, at may pananagutan sa mamamayan.

http://www.philippinerevolution.net/statements/20140612_puspusang-isulong-ang-paglaban-sa-sistemang-_pork-barrel_-at-paigtingin-ang-pagpapatalsik-kay-aquino

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.