Thursday, December 26, 2013

CPP/Sison: Ipagbunyi ang makasaysayang pamumuno ng uring manggagawa sa Rebolusyong Pilipino

Posted to the CPP Website (Dec 26): Ipagbunyi ang makasaysayang pamumuno ng uring manggagawa sa Rebolusyong Pilipino

47_jms
Prof. Jose Maria Sison
Founding Chairman
Communist Party of the Philippines
 
Mga kasama at mga kaibigan,

Maraming salamat sa paanyaya sa porum na ito at sa pagpapakilala kanina.
Sa mahabang panahon, mula sa pagsulpot ng uring manggagawa sa ilang industriya noong ikalawang hati ng ika-19 na siglo, marami tayong maipagbubunyi na mga tagumpay ng uring ito bunga ng mga pagsisikap, pakikibaka at sakripisyo. Subalit dahil sa limitadong panahon sa porum, makakapagbigay lamang ako ng maikling salaysay sa pagsulong ng uring manggagawa.

Payo ko sa lahat ng gustong magpalalim sa pag-aaral ng kasaysayan ng uring manggagawa na basahin ang aking mga artikulo ukol sa kasaysayan ng kilusang paggawa sa aklat na Makibaka para sa Pambansang Demokrasya, Manila, Amado V. Hernandez Foundation, 2001, p.89-104; at sa ugnay ng Communist International sa Pag-unlad ng Partido Komunista sa aklat na Crisis of Imperialism and People´s Resistance (Krisis ng Imperyalismo at Pakikibaka ng Bayan), Aklat ng Bayan, 2009, p.236-59.

I. Maikling Kasaysayan ng Uring Manggagawa

Nagmula ang mga manggagawang industriyal sa katayuang mga indibidual na nag-aalok ng lakas paggawa sa mga kapitalista na bumibili nito sa binababaan nilang halaga nang sa gayo’y mapataas ang kanilang tubo.

Ang bayad o sahod na itinatakda ng kapitalista ay maliit na bahagi ng kabuuang halaga ng kalakal na likha ng mga manggagawa. Ang malayong mas malaking bahagi na halaga ng bagong likhang kalakal ay kinukuha ng kapitalista para magkatubo at mabayaran niya ang upa sa lupa at interes sa bangkong inutangan niya.

Para ipaglaban ng mga manggagawa ang pagpapahusay ng kanilang katayuan sa pasahod at pamumuhay sa organisadong paraan natutunan nilang magbuo ng mga unyon para sa pang-ekonomiyang pakikibaka sa umpisa na ng ika-20 siglo. Sa taong 1930, umabot sila sa antas ng pagbubuo ng isang partido na nagtataguyod ng pamumuno ng uring manggawa at naghahangad na palitan ang naghaharing sistema sosyal sa pamamagitan ng pampulitikang pakikibaka laban sa mapagsamantalang uri ng mga kapitalista.

Ito ang Partido Kumunista ng Kapuluan ng Pilipinas. Hindi nagtagal sinupil ng kolonyal na gobyerno ng US ang naturang partido. Ginawang ilegal sa paratang na sedisyon at pinarusahan ang mga lider. Lihim na kumilos ang partido at nagpakaingat ang kaugnay na mga unyon. Subalit nakakilos na legal ang Partido Sosyalista na bumase sa masa ng mga magsasaka at manggagawang bukid. Ginawang legal ang Partido Komunista noong 1937 ng gobyernong Commonwealth dahil sa pangangailangan ng Prente Popular laban sa pasismo. Pumayag ang gobyernong US.

Noong 1938, nagsanib ang Partido Komunista at Partido Sosyalista. Napagtibay ang batayang alyansa ng uring manggagawa at uring magsasaka. Sa agresyon ng mga pasistang Hapones noong 1941-42, nagbuo ang pinagsanib na partido ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) noong Marso 29, 1942. Naging magandang pagkakataon ang inter-imperyalistang digmaan para palakasin ang partido ng mga mangaggawa, ang hukbong bayan, mga organisasyong masa at organo ng kapangyarihang pampulitika. Subalit gumawa ng mga magkakasunod na malubhang kamalian ang pamunuan ng pinagsanib na partido.

Isinagawa ang Kanang oportunistang linya ng retreat for defense (umatras para magtanggol). Ang mga iskwadron ay ginawang maliliit na pangkat kung kayat naging matumal sa pagsulong ang hukbo. Sinundan ito ng linya ng mapagkaibigang pagsalubong sa pagbalik ng imperyalismong US para tupdin nito ang pangakong bibigyan ang Pilipinas ng pambansang kasarinlan. Ibinigay nga ito subalit huwad: ginawang malakolonya ang Pilipinas at nanatili ang kapangyarihan ng US sa papet na pamahalaan sa larangan ng ekonomiya, pulitika, militar at kultura.

Marahas ding binawi ng US at mga papet nito sa mga magsasaka ang mga lupa ng mga asendero sa Gitnang Luson na isinakamay ng mga magsasaka sa panahon ng digmaan. Ninais ng masa na maghimagsik. Subalit sinakyan ito ng mga lider ng partido para ipatupad ang Kaliwang oportunistang linya ng todo-todong opensiba sa kaaway at kamtin ang tagumpay sa loob ng dalawang taon lamang. Hindi isinaalang-alang ang pangangailangan ng matagalang digmang bayan na may pag-atupag hindi lamang sa militar na opensiba kundi sa rebolusyong agraryo at pagtatayo ng baseng masa sa kanayunan.

Matapos ang serye ng opensiba ng hukbong bayan noong Agosto 1949, gumanti ang kaaway ng mga salakay sa kanayunan at sa lunsod. Nahiwalay sa kabundukan ng Sierra Madre ang mga kampo ng hukbo at hinuli ang pamunuan ng partido sa Maynila noong Oktubre. Dumausdos ang sandatahang pakikibaka hanggang mabalik ng kaaway ang gulugod nito. Ang pamunuang pumalit sa dati ay nagdala ng Kanang oportunistang linya na nauwi sa mga utos nitong lusawin ang hukbo noong 1955 at sa utos na buwagin ang mga sangay at mga organo ng partido sa ilalim ng nagtatagong pangkalahatang kalihim ng partido noong 1957.

Hiwalay sa lumang partido, nag-umpisa ang mga rebolusyonaryong proletaryo na magbuo ng mga grupo sa pag-aaral ng Marxismo-Leninismo noong 1959 at naglunsad ng propaganda at mga kilos masa sa hanay ng mga mag-aaral at manggagawa.

Naglunsad sila noong 1961 ng malaking kilos masa laban sa anti-komunismo. Noong 1962 ilan sa kanila ang pumasok sa lumang partido. Natuklasan nilang wala na palang mga sangay at mga organo ang Partido. Gayunman, naisama ako agad sa komiteng tagapagpaganap na ipinalagay na binhi ng panibagong pagbubuo ng partido.

Ang mga proletaryong rebolusyonaryo ang nagpalitaw ng mga bagong kadre at kasapi ng lumang partido at ng mga organisasyong masa ng manggagawa, magsasaka at kabataan. Sa loob ng pinalapad na komiteng tagapagpanaganap, tumindi ang hidwaan ng mga proletaryong rebolusyonaryo at mga rebisyonista at tiniwalag ng isang panig ang kabilang panig noong 1966. Mayo 1967, gumawa ang mga proletaryong rebolusyonaryo ng deklarasyon para itakwil ang mga rebisyonista.

II. Mga Tagumpany ng Uring Manggagawa sa Pamumuno sa Rebolusyong Pilipino

Malaking tagumpay ng uring manggagawa ang paghiwalay sa rebisyonistang partido. Puspusang isinagawa ang kilusang pagwawasto upang punahin at itakwil ang makabagong rebisyonismo at mga subhetibista at opportunistang kamalian ng mga rebisyonista magmula pa noong huling bahagi ng 1942. Tinutukoy natin ito ngayon bilang Unang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Diniinan nito ang pagtatayo ng rebolusyonaryong partido ng uring manggawa, hukbong bayan at rebolusyonaryong nagkakaisang hanay. Binuksan ang daan sa muling pagtatatag ng Partido Komunista ng Pilipinas sa patnubay ng Marxismo-Leninismo-Maoismo noong Disyembre 26, 1968.

Isinabay na rin sa kilusang pagwawasto ang pagbalangkas ng Konstitusvon ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng Programa para sa Demokratikong Rebolusyon ng Bayan. Isinunod ang pagsulat ng aklat na Lipunan at Rebolusyong Pilipino noong 1969. Ang mga dokumentong ito ang naglinaw at nagtakda ng pamumuno ng uring mangagawa sa rebolusyong Pilipino sa kasulukuyang panahon. Inilapat ang teorya ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa kasaysayan at kalagayan ng sambayanang Pilipino.

Pinatunayan ng Partido ang pagiging abanteng destakamento ng uring manggagawa, ang pinakaproduktibo at pinakaprogresibong uri sa lipunan.

Itinakda ng Partido ang pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Layunin nitong ipanalo at lubusin ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan at demokrasya laban sa imperyalismong US at mga naghaharing uri ng malalaking komprador at asendero. Sa gayon, wawakasan ang malakolonyal at malapyudal na naghaharing sistema at bubuksan ang daan sa sosyalistang rebolusyon. Sa lahat ng pagkakataon at sa ibat ibang paraan, pinupukaw, inoorganisa at pinakikilos ng Partido at iba pang pwersang rebolusyonaryo ang malawak na masa.

Matagumpay na naipatupad ng Partido ang pamumuno ng uring manggagawa sa demokratikong rebolusyon sa mahigpit na pakikipag-alyansa sa uring magsasaka sa pamamagitan ng rebolusyonaryong sandatahang pakikibaka, pagpapatupad ng tunay na reporma sa lupa at pagpapalawak at pagpapatibay ng baseng masa sa kanayunan. Sa pamumuno ng uring manggagawa at Partido nito, lumaki at lumakas ang Bagong Hukbong Bayan mula sa halos wala at mahina noong 1969. Naisagawa ang rebolusyong agraryo sa dalawang yugto ng minimum at maksimum. Naitayo ang mga organisasyong masa at mga organo ng demokratikong kapangyarihan.

Sa pamumuno ng uring manggagawa sa pamamagitan ng Partido, naitayo ang Pambansang Demokratikong Prente ng Pilpinas noong 1973. Balangkas ito ng pagkakaisa ng mga organisasyon ng uring manggagawa at magsasaka sa iba’t ibang organisasyon ng petiburges sa lunsod at mga multisektoral na organisasyon ng sambayanan. Samantalang ang PDP o NDF ay nagkakaisang hanay ng mga progresibong pwersa, lagi itong bukas sa makabayang alyansa sa pambansa o gitnang burges. Handa ring makipag-alyansa ang PDP sa mga pansamantala at mabuway na bahagi ng mga reaksyonaryong uri para pabilisin ang pagkahiwalay at paggapi sa kaaway, ang mga pinakamasamang reaksyonaryo.

Naisusulong ng uring maggagawa at Partido nito ang rebolusyon dahil dinadala nito ang programa ng pambansang kalayaan at demokratikong kapangyarihan ng mga uring anakpawis; tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon; katarungang panlipunan; kulturang pambansa, syentipiko at maka-masang anakpawis; proletaryong internasyonalismo, at solidaridad ng mga mamamayan ng lahat ng bansa. Ito ang programa ng sambayanang Pilipino laban sa kaaway na estadong kasangkapan ng imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo.

Nagpapatuloy pa ang mga naghaharing uri sa pamamagitan ng karahasan at panlilinlang, at ng suporta ng imperyalismong US. Nagpataw si Marcos ng pasistang diktadura sa bayan sa mahabang panahon. Subalit lalong lumakas ang kilusang rebolusyonaryo. Napangibabawan at ibinagsak ng uring manggagawa at sambayanang Pilipino ang diktadura. Sumunod ang mga rehimeng pakunwaring demokratiko subalit sa katunayan ay tulad ng rehimeng Marcos. Gumagamit pa rin ng dahas laban sa anakpawis. Sa kabila ng mga ito, patuloy na lumakas ang kilusang rebolusyonaryo ng bayan sa pamumuno ng uring manggagawa at mga Marxista-Leninista-Maoista. Sa isa pang pagkakataon noong 2001, naibagsak ang isang rehimen at muntik nang maibagsak ang sumunod na rehimen.

Noong mga taong 1989-1991, nagkagulo ang mga bansang pinaghaharian ng mga pangkating rebisyonista. Lantaran at puspusang naging kapitalista ang mga bansang ito at gumuho ang Unyong Sobyet. Ipinagyabang ng mga imperyalista at mga papet nila na patay na ang sosyalismo at mawawala na rin ang kilusang rebolusyonaryo sa Pilipinas dahil diumano sa kawalan ng suporta mula sa labas. Pinagtawanan ng mga rebolusyonaryong Pilipino ang mga kontrarebolusyonaryong nagsasabi nito dahil sa ang totoo´y muling naitatag at nagpatuloy ang Partido Komunista ng Pilipinas sa linya ng paglaban sa imperyalismo, rebisyonismo at reaksyon. Malalim na nakaugat ang kilusang rebolusyonaryo sa mga anakpawis at nagtitiwala nang mataimtim sa kanilang pakikibaka.

Nagtangka rin ang mga Kanan at Kaliwang oportunista na likidahin ang Partido at ang teorya at praktika ng Marxismo-Leninismo-Maoismo. Palihim nilang ginawa ito magmula pa 1988 at lumantad sila nang lubos mula 1992. Noon pang 1980 pinagkaisahan nila ang subhetibistang posisyon na hindi na malapyudal ang Pilpinas umano´y dahil ginawa itong industryal ng pasistang si Marcos. Ginawa nila ang malulubhang kamalian sa linya sa buong dekada ng 1980. Ninais ng mga Kaliwang oportunista na gawing “regular” na ang hukbo at sumunod sa insureksyonismo sa lunsod, salunga6 sa linya ng matagalang digmang bayan. Ninais naman ng mga Kanang oportunista na lusawin ang pamumuno ng uring manggagawa at umangkas na lamang sa mga reaksyonaryong anti-Marcos. Inilunsad ng Partido ang Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto noong 1992. Ipinaglaban ang linya ng demokratikong rebolusyon ng bayan sa pamamagitan ng matagalang digmang bayan. Ginapi ang mga subhetibista at oportunista. Sa kalaunan, lumantad pa ang mga pusakal sa kanila na ahente ng kontrarebolusyon at mga reaksyonaryong partido.

Sa 45 taon ng rebolusyonaryong pakikikabaka sa pamumuno ng uring manggagawa, lumakas ang Partido nito sa ideolohiya, pulitika at organisasyon. Magmula sa 80 kasapi at kandidatong kasapi noong 1968, mahigit na 100,000 na ngayon ang mga kasapi ng Partido na sumasaklaw sa halos lahat ng prubinsiya at malalim na nakaugat sa masang anakpawis. Ang Bagong Hukbong Bayan ay nagmula sa iilang Pulang mandirigma na may siyam na awtomatikong riple at 26 na imperyor na baril. Umabot na ito sa libu-libong Pulang mandigirigma na may malalakas na baril at sinusuportahan ng sampu-sampung libong milisya at daandaang libo kataong mga yunit ng pagtatanggol sa sarili. Ang BHB ngayon ay nasa mahigit na 110 larangang gerilya na sumasaklaw sa malalaking bahagi ng 71 prubinsya,

Nasa pamumuno ng uring manggagawa ang Pambansang Demokratikong Prente. Sumasaklaw ito sa 17 rebolusyonaryong pwersa. Kabilang na rito ang Partido, Bagong Hukbong Bayan, Rebolusyonaryong Konseho ng Unyon sa Paggawa, Pambansang Kalipunan ng mga Magbubukid, Kabataang Makabayan, Makabayang Kilusan ng Kababaihan, Nagkakaisang Hanay ng mga Mamamayan ng Cordillera, at mga Kristiyano para sa Pambansang Paglaya, Katipunan ng mga Gurong Makabayan, Artista at Manunulat ng Sambayanan, Makabayang Kawaning Pilipino, Makabayang Samahang Pangkalusugan, Liga ng Agham para sa Bayan, Katipunan ng mga Samahang Manggagawa, Lupon ng mga Manananggol para sa Bayan, Organisasyon ng Moro sa Paglaban at Paglaya at Rebolusyonaryong Organisasyon ng mga Lumad.
Ang demokratikong pamahalaan ng bayan ay umiiral sa lahat ng larangang gerilya. Suma total ito ng mga lokal na organo ng demokratikong kapangyarihan.

Pinamumunuan ito ng Partido at ng uring manggagawa. Sinusuportahan ng mga organisasyong masa ng mga manggagawa, magsasaka, kababaihan, kabataan, mga alagad ng kultura at mga bata. Katulong ng lokal na organo ng demokratikong kapangyarihan ang mga komite sa organisasyon, edukasyon, reporma sa lupa, produksyon, kalusugan, tanggulan, kultura at iba pa. Tinitiyak ng mga komite na nailulunsad ang mga gawain at kampanya para sa kabutihan ng masa.

Sa ngayon, isinasakatupuran ng Partido ang balak na isulong ang digmang bayan mula sa estratehikong depensiba tungo sa estrahehikong pagkapatas. Isinasakatuparan ang mga pangangailangang pulitikal, militar at sosyo-ekonomiko tulad ng sumusunod: pagpapalaki ng Partido hanggang 250,000 kasapi, pagpaparami ng Pulang mandirigma hanggang 25,000, pagpapaabot ng bilang ng mga larangang gerilya hanggang 180, at pagpaparami nang milyun-milyon pang mamamayan na nasa organisasyong masa at mas malaki pang masa na sinasaklaw ng mga organo ng demokratikong kapangyarihan, pagpapatupad ng rebolusyong agraryo at pagpapahusay ng gawain sa produksyon, kabuhayan, kalusugan at kultura.

III. Paborableng Kalagayan Para sa Pagsulong ng Rebolusyong Pilipino

Nagtatagal at lumulubha ang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista. Naging ganap na bangkarote na ang patakarang neoliberal sa ekonomiya na siyang nagpabilis sa akumulasyon ng kapital sa kamay ng monopolistang burgesiya at pinansyal na oligarkiya nito. Hindi malutas ng mga imperyalistang kapangyarihan ang krisis ng sobrang produksyon at sobrang akumulasyon ng kapital dahil sa ayaw nilang bitiwan ang patakarang neoliberal at dahil patuloy na nagkakamal pa sila ng malaking tubo sa paglipat ng pasanin ng lumulubhang krisis sa mga anakpawis at mga bansa ng ikatlong daigdig.

Lumalalim ang depresyon sa buong daigdig. Pataas ang antas ng pagsasamantala at pang-aapi. At tumitindi ang paghihirap ng masang anakpawis pati na ng mga nasa gitnang saray ng lipunan. Masamang bagay ang paghihirap ng mga mamamayan.
Subalit ito ang nagtutulak sa kanila na lumaban sa mga nagsasamantala at nang-aapi sa kanila. Ang mga naghaharing uri mismo ang nagtutulak sa anakpawis na magrebolusyon.

Sa gayon, masasabi nating paborable sa rebolusyon ang krisis. Lumalawak at dumadalas ang pagsambulat ng mga protesta at aklasan ng masa, sumisigla ang kilusang anti-imperyalista at sosyalista at dumarami ang nagnanais na magrebolusyon, laluna sa mga bansang atrasado at mahirap. Hindi na nakakapagyabang ang mga imperyalista at papet nila na patay na ang rebolusyon at sosyalismo dahil sa umano´y pagiging mabisang lunas ng patakarang neoliberal sa mga problema sa ekonomiya at lipunan.

Kung tutuunan natin ang Pilipinas, bagsak ang kita sa pagluluwas ng mga hilaw na sangkap at malamanupaktura, samantalang mataas ang gastos sa pag-angkat ng mga manupaktura at mga sangkap sa malamanupaktura. Laganap ang pagmimina subalit hindi sinasabi ang tunay na kantidad ng mga mineral at papuslit itong ilinuluwas.

Lumalaki ang mga depisit sa badyet ng gobyerno at panlabas na kalakalan kung kayat lumalaki rin ang pasaning utang. Tumataas din ang buwis at presyo ng serbisyo sosyal. Subalit kasabay nito ang paglustay ng kabang yaman ng bayan sa mga programa at proyektong di produktibo at walang saysay, sa korupsyon sa pamamagitan ng sistemang pork barrel, sa mataas na gastos-militar at papalaking interes at amortisasyon sa utang.

Sa kabila nito, ipinagyayabang ng rehimeng Aquino na lumaki ang ekonomiya ng Pilipinas. Subalit ang umano´y paglaki ng ekonomiya ay bunga ng tinaguriang “hot money” o portfolio investments na labas-pasok sa stock market at money market at nagtutulak sa ispekulasyon sa pribadong konstruksyon at sa konsumerismo ng nakatataas at maliit na bahagi ng populasyon. Dahil sa kawalan ng tunay na reporma sa lupa at pambansang industrialisasyon, nananatiling atrasado at dukha ang Pilipinas. Mabilis na lumalaki ang kawalan ng trabaho, ang pagbaba ng kita at pagtaas ng presyo ng mga batayang kalakal at serbisyo.

Dahil sa global na krisis ng kapitalismo, may malaking kabawasan na sa empleo para sa mga dumadayo sa ibang bansa. Lumulubha ang palagiang krisis ng Pilipinas dahil sa krisis ng global na kapitalismo. Tiyak na tumataba ang kalupaan ng rebolusyon sa Pilipinas. Kailangan lamang na magpakahusay ang mga organisadong pwersa ng rebolusyon sa pagpapalakas at paglaban sa imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Kayang-kaya na ipanalo ng sambayanang Pilipino ang pambansa demokratikong yugto ng rebolusyong Pilipino sa pamumuno ng uring mangaggawa. Kung gayon, maisusunod ang sosyalistang rebolusyon sa yugtong tangan na ng uring manggagagawa ang kapangyarihang estado at ibayong kaya nitong mamuno sa sambayanang Pilipino sa sosyalistang rebolusyon at konstruksyon.

[Powerpoint presentation file is available for download ]

http://www.philippinerevolution.net/statements/20131226_ipagbunyi-ang-makasaysayang-pamumuno-ng-uring-manggagawa-sa-rebolusyong-pilipino

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.