Propaganda statement posted to the PRWC Newsroom (Dec 4, 2021): Linya ng Pagkakaiba
RAYMUNDO BUENFUERZA
SPOKESPERSON
NPA-BICOL
December 4, 2021
Sa Bikol at buong bansa, ramdam ng mga organo ng Partido, yunit ng BHB at mga rebolusyonaryong organisasyong masa ang matinding atake ng kaaway. Pinupugpog nila ng kanilang presensya ang mga komunidad upang pagkaitan tayo ng makikilusang erya. Inaatake nila ang ating pangalan at reputasyon sa lahat ng daluyan ng impormasyon upang ihiwalay at siraan tayo sa publiko. Nagsasagawa sila ng magagastos, matatagalan at malalawakang operasyong militar upang itulak tayo sa mga gasgasang labanan at pinsalain ang ating hanay.
Ngunit ano ang kahulugan at kabuluhan ng pag-atake ng kaaway sa atin? Ibig bang sabihin nito’y lumalakas sila at tayo’y humihina? Hindi. Ipinapakita lamang nito na tayo ay matagumpay sa ating mga rebolusyonaryong gawain. Na ang naghaharing-uri ay nanginginig sa pangambang tayo ay mabilis na sumusulong. Na sila ay kinakain ng kanilang desperasyong durugin ang lahat ng naipundar ng rebolusyonaryong kilusan – kapwa ng mga naunang henerasyon at ng ating hanay sa kasalukuyan. Na mahusay nating naiguguhit ang linya ng pagkakaiba sa pagitan nating mga rebolusyonaryong naghahangad ng tunay na kaunlaran, katarungan, kapayapaan at kasaganaan at sa kanilang mga reaksyunaryong nais lamang panatilihin ang bulok na sistemang nagsisilbi sa kanila.
Hindi nakapag-aalala para sa atin na tayo ay inaatake ng kaaway. Ito ang malinaw na kalikasan ng demokratikong rebolusyong bayan at pag-agaw ng pampulitikang kapangyarihan mula sa naghaharing-uri. Higit na mapanganib kung ang kaaway ay pinababayaan lamang tayo – ibig sabihin nito’y hindi natin epektibong naitatakda ang linya ng armadong pakikibaka at tayo’y wala nang pagkakaiba sa kanilang mga tagapagtaguyod ng reaksyon. Ang paglitaw ng higit na maraming sagadsarin at nag-uulol na kalaban ng rebolusyon ay patunay na hindi lamang mataman, kung hindi mahusay, ang ating pagkakatangan sa wastong proletaryadong pananaw at paninindigan.
Ang paglubha ng mga atake ng kaaway sa atin ay nagbibigay-daan din para sa pagsidhi ng politisasyon ng buong sambayanan. Ang ilang nahuhuling saray ng masang anakpawis na dati ay mahigpit na nakatali sa pang-ekonomyang suliranin at kamangmangan at hindi makaalpas mula sa kani-kanilang kahon ay mabilis na napupukaw sa tunggalian ng uri sa lipunang kanyang ginagalawan. Nahahatak ang malawak na hanay ng mamamayan na pumili sa pagitan ng dalawang magkatunggaling linya ng rebolusyon at reaksyon. Dahil malinaw ang pagkakaiba at ang paninindigan ng dalawang magkaibang panig, kumikipot ang puwang para sa mga apolitikal at yaong mga rebolusyonaryo sa postura lamang. Hindi na nananatili sa abstrakto at teorya ang pagpili. Ang lahat ay naitutulak na magkaroon ng takdang tindig at pangatawanan ito sa kanilang araw-araw na buhay.
Kung nais magpakalango ng kaaway sa inaakala nilang bisperas ng kanilang tagumpay, tayo naman ay dapat higit na nagsisikap na sunggaban ang mga pagkakataon at pagsulong na ibinubukas ng ating kasalukuyang kalagayan. Dapat higit na magpakatatag at ihanda ang sarili sa tumataas na antas ng sakripisyo at kahirapang kaakibat na ng pag-unlad ng praktika sa pakikibaka.
Kaya, kasama, anuman ang iyong danas sa atake ng kaaway sa kasalukuyan – kung militarisado man ang inyong erya, inaantala ang inyong mga gawain, inaatake ang baseng masa, tandaang ito ay dahil mahigpit ang ating pagsasapuso sa interes ng masa habang ang kaaway ng rebolusyon ay labis na namumuhi sa sinumang tunay na nagdadala ng makabuluhang pagbabago. Dapat nating ikalugod ito! Ibig sabihin, tayo ay tapat at mahusay na tagapagtaguyod ng rebolusyon at tagapaglingkod ng sambayanan. Payt sana! Padagos sagkod sa tagumpay kan rebolusyon kan namamanwaan!
https://prwcinfo.wordpress.com/2021/12/04/linya-ng-pagkakaiba/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.