Monday, December 6, 2021

CPP/NPA-Panay ROC: Kundenahin ang sobra-sobrang, walang patumanggang paggamit ng lakas at paghasik ng teror ng AFP sa mamamayan!

Propaganda statement posted to the PRWC Newsroom (Dec 3, 2021): Kundenahin ang sobra-sobrang, walang patumanggang paggamit ng lakas at paghasik ng teror ng AFP sa mamamayan!



NPA PANAY REGIONAL OPERATIONAL COMMAND (CORONACION “WALING-WALING” CHIVA COMMAND)

December 3, 2021

Hindi rasonable, walang katuturan, at lumalabag sa batas ng digma ang brutal na pambobomba at panganganyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa isang maliit na yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa Alimodias, Miag-ao, Iloilo noong Disyembre 1, 2021. Milyong pondo ng mamamayan ang winaldas ng AFP para atakehin ang yunit ng BHB na nagbibigay serbisyo sa mamamayang apektado ng gutom at pandemya. Ang pambobomba ay lumikha ng malaking kapinsalaan sa kabuhayan at katahimikan ng mamamayan at sa kapaligiran.

Naghulog ng apat na malaking bomba ang dalawang FA-50 fighter jet, sunud-sunod at walang patumanggang nanganyon ang kaaway. Ayon sa kwento ng mga sibilyang nakakita sa lugar ng pinangyarihan, winasak ng mga bomba ang lahat na saklaw ng mahigit 100 metro at mas malayo pa ang inabot ng mga shrapnel nito.

Walang hiyang nambomba ang AFP sa kanayunan kahit dumaranas ng gutom ang mga magsasaka ng Miag-ao at Southern Panay na hindi pa nakabawi mula sa mga pinsala ng nagdaang bagyo, matinding pag-ulan, mababang ani ng palay, at pagkasira ng binebentang mga gulay. Nanduon ang yunit ng BHB sa eryang binomba para tumulong sa mga magsasaka at tumataguyod sa kanilang pagtutulungan para harapin ang gutom.

Iniimbestiga pa namin kung sinu-sino ang mga biktima ng walang patumanggang pambobomba at panganganyon. Mahirap pang kilalanin ang mga biktima dahil sa hindi mailarawang kalagayan ng kanilang mga katawan. Sa ngayon, wala pa kaming kumpirmasyon mula sa naturang yunit ng BHB at iniipon pa ang datos kaugnay sa nangyari. Kung sakaling mga kasapi ng BHB ang mga biktima, sila’y aming aaminin, bigyan ng parangal at paabutan ng pakikidalamhati at suporta ang kanilang mga kamag-anak.

Malaking kasinungalingan ang mga pahayag ng kumander ng 3rd ID na si MGen. Benedict Arevalo na merong mahigit 70 BHB ang nakatipon para magplano ng isang pagsalakay. Sa loob ng teritoryo ng BHB ang Barangay Alimodias, at tungkulin ng mga Pulang mandirigma ang pagtulong sa masa sa eryang kinikilusan nila. Hindi totoong puno ng mga landmine ang erya na kanilang binomba. Pantabing na rason ito ng militar upang itago sa mga sibilyan at taga-midya ang kanilang brutalidad.

Nakagawa ang AFP ng malalang paglabag sa mga batas ng gera at internasyunal na makataong batas partikular sa mga prubisyon sa paggamit ng di-makatarungan at sobra-sobrang lakas sa mga kalaban nito, kabilang na ang karapatan ng mga wala sa katayuang lumaban, at paglagay sa peligro sa mga sibilyang nasa erya. Ang pambobomba at panganganyon ng AFP laban sa maliit na mga yunit ng BHB ay paglabag sa internasyunal na batas ng paggamit ng rasonablemg lakas sa labanan. Sobra-sobra, hindi kailangan, at hindi rasonable ang paggamit ng mga armas na ito laban sa mga mandirigmang nasasandatahan lamang ng mga riple at mga medik. Samantalang parang mga asong-ulol na binabatikos ang naaayon sa batas na paggamit ng BHB ng mga command-detonated explosives, ipinagmamayabang ng AFP ang ilang daang kilong mga bomba na may pamalagian at mapangwasak na pinsala sa kalupaan at sakahan ng mamamayan.

Ang hindi-rasonableng paggamit ng pwersa ng AFP ay tanda ng kanilang terorismo sa kanayunan na naghahasik ng kapinsalaan at teror sa mga magsasaka. Pulpol na lohika rin ng AFP ang pagsisi sa mga rebolusyonaryo sa nililikha nilang brutalidad at karahasan.

Walang ipagmamayabang si MGen. Arevalo sa kanilang paggamit ng mga supestikadong kagamitan laban sa mga Pulang mandirigma na may mababang kakayahang lumaban. Ang kanilang ipinagmamayabang na mga pambombang eroplano at kanyon ay hindi man lamang ginamit laban sa water cannon ng Chinese navy na nang-aagaw ng teritoryo sa West Philippine Sea. Katulad si Arevalo sa kanyang bully na among si Duterte na gumagamit ng sobra-sobrang lakas sa mahinang mga kalaban pero bahag naman ang buntot sa harap ng pananakop ng China.

Nananawagan ang BHB sa mamamayan na kundenahin ang brutal na terorismo ng AFP laluna ang pambobomba sa kanayunan. Hinahamon namin ang mga upisyal ng LGU na manindigan laban sa panggigipit ng militar sa mamamayan at bigyang proteksyon sila sa mga pinsalang likha ng militar.

Dapat palayasin ng mamamayan ang teroristang militar at singilin ang reaksyunaryong gubyerno sa pagpapabaya sa gitna ng gutom at pandemya.

Sa digmaan, ang mamamayan ang mapagpasya at hindi ang makabagong mga armas. May rebolusyon habang may pang-aapi at pagsasamantala.

https://prwcinfo.wordpress.com/2021/12/03/kundenahin-ang-sobra-sobrang-walang-patumanggang-paggamit-ng-lakas-at-paghasik-ng-teror-ng-afp-sa-mamamayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.