Propaganda statement posted to the PRWC Newsroom (Dec 2, 2021): Bakuna ang kulang, hindi ang babakunahan!
NPA-CATANDUANES (NERISSA SAN JUAN COMMAND)
TERESA MAGTANGGOL
SPOKESPERSON
December 2, 2021
Ito ang sigaw ng mga Catandunganon, matapos ipamalas ang kanilang kahandaan para sa bakuna at pagbabago sa nakalipas na “Bayanihan, Bakunahan” ng reaksyunaryong gubyerno noong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
Nanguna ang Catanduanes sa rehiyon sa pagtala ng pinakamaraming nabakunahan sa loob ng tatlong araw. Lumagpas pa sa itinakdang bilang ng mga babakunahan ang lumabas sa kanilang mga tahanan upang pumila at kamtin ang proteksyon para sa kanilang mga sarili, pamilya at komunidad.
Bagama’t ganoon ay malinaw na minaliit ng reaksyunaryong gubyerno ang inisyatiba at kahandaan ng mga Catandunganon nang magtarget lamang ito ng 7,000 kada araw na babakunahang mamamayan. Hindi ang babakunahan ang nagkulang kung hindi ang bakuna na itinakda lamang ng DOH para sa prubinsya. Marami ang umuwing bigo kahit kasing-aga pa ng alas-kwatro ng madaling araw sila pumila, dahil hindi sila inabot ng limitadong suplay ng bakuna.
Nito lamang Nobyembre, ang prubinsya ang katangi-tanging naiwan sa Alert Level 4. Makailang beses na rin itong kinategorya sa MECQ. Ngunit ayon sa mga Catandunganon, hindi na nila kakayanin ang hirap na isailalim muli ang kanilang lugar sa lockdown upang mawalan sila ng hanapbuhay at pagbuhay. Pinaghahandaan na rin nila ang pagpasok pa ng bagong Covid variant na Omicron.
Noon pa man labis-labis na ang pagpapabaya ng walang malasakit na rehimeng US-Duterte sa mga Catandunganon. Patung-patong nang pasakit ang dinaranas ng masang Catandunganon – magmula sa hagupit ng mga bagyo, krisis sa lokal na agrikultura, bagsak na ekonomya at ngayon naman ay ang kahirapan sa pagharap sa Covid-19. Nauuwi lamang sa mga binging tenga ang panawagan ng relief, suportang pang-agrikultural, ayuda at bakuna. Makailang ulit nang nananawagan ang mamamayan ng suporta, ngunit hindi ito dininig. Makailang ulit na rin silang nananawagan upang mabigyan ng suplay ng oxygen para sa mga pasyente ng Covid-19 at madagdagan ang bakuna para sa mga mamamayan sa isla, ngunit walang pumansin.
Nasaan ang pantay na pagturing? Kung umaabante na ang iba pang mga prubinsya at rehiyon sa pagbawas ng mga nahahawaan ng nakamamatay na sakit, ano’t hinahayaan na lamang na manatili ang ganitong kalagayan ng mga Catandunganon? Sa panahong ito na nariyan na ang 124.25 milyong bakuna, dapat lamang na ibigay ang karapat-dapat na bahagi para sa prubinsya ng Catanduanes, nang sa gayon maibsan lamang kahit kaunti ang hirap na kanilang dinaranas sa kasalukuyan. Dapat lamang na mabigyan ng pantay na proteksyon ang mga Catandunganon, katulad nang ibinibigay sa ibang mga probinsya.
Hindi nakapagtatakang nananatiling atrasado ang prubinsya sa lahat ng larangan na maaaari pa sana nitong mapaunlad. Nananatiling lugmok sa matinding karukhaan ang kalakhan ng mga maralitang magsasaka at para-hagot sa prubinsya. Halos hindi maka-igpaw sa bawat bagyong dumaan ang mga Catandunganon na malaon na ring napipilitang makipagsapalaran para sa kanilang pag-unlad at kapalaran sa ibang prubinsya at rehiyon. Kulang na kulang pa ang mga pasilidad at kagamitan para maka-angkop sa mga pangangailangang pangkalusugan.
Gayunpaman, abante mag-isip at nananatili ang pakikibaka ng mga Catandunganon. Hindi sila makapapayag na lagi’t-lagi silang minamaliit ng reaksyunaryong gubyerno. Malinaw nilang iparirinig ang kanilang mga boses. Sa pamamagitan ng pagsusulong ng rebolusyon, kinikilala nila ang kanilang sariling lakas at kakayahang tugunan ang kanilang mga batayang kahingian at karapatan. Nananatili ang kanilang pagsandig sa rebolusyong katangi-tangi nilang kaagapay laluna sa panahon ng krisis at matinding kagipitan.
Nananawagan ang Nerissa San Juan Command sa lahat ng Catandunganon na patuloy na magpunyagi sa rebolusyon upang ipaglaban ang kanilang mga karapatan! Kasama nila ang NSJC BHB-Catanduanes sa lahat ng kanilang pagsusumikap upang makaigpaw sa anumang krisis na inyong harapin hanggang sa sabay-sabay na makamit ang tagumpay.
https://prwcinfo.wordpress.com/2021/12/02/bakuna-ang-kulang-hindi-ang-babakunahan/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.