Propaganda article from the Tagalog language edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Website (Feb 7, 2020): Hungkag ang asta ni Duterte laban sa VFA
Kamakailan ay inulit na naman ni Pres. Rodrigo Duterte ang kanyang pagmamaktol sa gubyerno ng US. Nitong huli, inanunsyo niya na itutulak niya ang pagbabasura sa Visiting Forces Agreement (VFA). Gagawin daw niya ito sa loob ng isang buwan, kung hindi aayusin ng US ang visa o papeles ng masugid niyang tagapalakpak, ngayo’y senador, na si Ronald “Bato” dela Rosa.
Hindi raw siya nagbibiro, ani Duterte. Pero, kung titingnan ang mga pangyayari sa likod nito, pati na ang dati na niyang mga patutsada sa US, makikitang hindi seryoso si Duterte. Hungkag ang pag-aasta niyang ibasura ang VFA. Pumopostura siya hindi para sa hangaring itaguyod ang pambansang kalayaan ng Pilipinas, kundi para sa makasariling interes sa pulitika.
Ang pagpoposturang ito ni Duterte ay hindi malayo sa pag-aastang makabayan ni Marcos noong dekada 1970 at pagbabantang ibasura ang Military Bases Agreement. Ito’y kasunduan noong 1946 na nagbigay sa US ng pribilehiyo na magbase militar sa mahigit 50,000 ektarya sa Clark, Subic at marami pang lugar. Pero ang asta noon ni Marcos ay nauwi lamang sa tawaran para sa mas malaking bayad-upa ng US at paghingi ng mas malaking ayudang militar bilang pagsuporta sa kanyang batas militar.
Sa estilong-Marcos, ginagamit ni Duterte ang usapin ng pambansang kasarinlan na pandekorasyon para tabingan ang kanyang pansariling interes. Una, karugtong ng pag-aasta niyang “lilipat na sa panig ng China at Russia,” ginagamit niya ang astang kontra-VFA para itulak ang US na magbigay ng mas marami at bagong mga armas, helikopter, bomba, at iba pang kagamitan para sa brutal na gera ng panunupil ng AFP laban sa masang Pilipino at sa huwad na “gera kontra-droga.” Sa bagay na ito, pwede niyang makuha ang suporta ng mga maka-US na upisyal ng AFP. Ikalawa, ginagamit niya itong baraha upang palakihin ang kanyang halaga at salagin ang pang-iipit sa kanya ng ilang grupo sa US na kumokontra sa kanya katuwang ang mga kalaban niya sa pulitika.
Kung mayroong kahit gahiblang pagkamakabayan si Duterte, sana’y matagal na niyang ibinasura ang VFA at pinalayas ang mga sundalong Amerikano at mga pasilidad militar nila sa Pilipinas. Nagbubulag-bulagan si Duterte sa ginagawa ng mga Amerikano sa Fort Magsaysay, Clark, Subic, Villamor Air Base, Mactan Air Base, Lumbia Airport, Camp Ranao, Camp Bautista, Carlito Cunanan Naval Station, Camp Navarro at iba pang lugar. Ang mga kampong ito’y sentro ng kanilang panghihimasok. Dito sila nag-eespiya, nagpapalipad ng mga drone, nagsasanay ng mga sundalong Pilipino para sa kanilang pakikialam sa mga panloob na usapin ng Pilipinas sa tabing ng “kontra-terorismo.”
Para sa sambayanang Pilipinong naghahangad ng tunay na kalayaan mula sa neokolonyal na paghahari-harian ng US, mauuwi lamang sa wala ang asta ngayon ni Duterte kontra sa VFA. Paglipas ng panahon, mababaon lang ito sa limot tulad ng deklarasyon niya noon na ititigil na ang Balikatan “war exercises” at tatapusin ang EDCA.
Syempre, ang aktwal na kalalabasan ng astang kontra-VFA ni Duterte ay depende kung papaano niya lalaruin ang barahang ito. Maaari itong humantong sa simpleng “pagrebyu,” bagong negosasyon o bagong kasunduan, o pagbibigay ng US ng simpleng pabuya kay Duterte (tulad ng hinihingi niyang visa para kay Bato). Pero may risgo rin itong umigkas sa kanya lalo na kung hindi kaagad kumagat ang US, mapasobra ang kanyang pag-aasta na magpapalakas sa loob ng ilang upisyal ng AFP, kasabwat ng mga pwersang panseguridad ng US at lokal na oposisyon, na sipain siya sa poder. Anu’t anuman, sa pinakasaligan, hindi binabago o mababago ng pag-aasta ni Duterte ang dominasyon ng US sa pulitika sa bansa.
Matagal nang isinisigaw ng sambayanang Pilipino ang pagbabasura sa VFA, at iba pang di pantay na tratadong militar sa pagitan ng US at Pilipinas. Kabilang dito ang Mutual Defense Treaty ng 1951 at ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) ng 2014.
Lahat ng kasunduang ito ay nagbibigay ng kapangyarihan at karapatan sa militar ng US sa Pilipinas at pawang yumuyurak sa kasarinlan ng Pilipinas. Ang mga kasunduang ito’y malaking sampal sa pambansang integridad ng mga Pilipino.
Sa ilalim ng VFA, sa partikular, buong laya ang paglabas-masok ng mga sundalong Amerikano sa bansa. Hindi man lamang pwedeng inspeksyunin ang kanilang sasakyan kung nagdadala ng mga sandatang nukleyar para ipatupad ang probisyon ng konstitusyon ng Pilipinas. Ang mga sundalong Amerikano na nakagawa ng krimen ay agad na binibigyang-proteksyon ng gubyernong US at, kung di dahil sa ingay at protesta, ay pinalulusot sa kanilang pananagutan.
Ang mga kasunduang ito, pati na ang paghahari ng mga dayuhang kapitalista at bangko sa ekonomya ng bansa, ang pinakamatingkad na palatandaan ng neokolonyal na pang-aapi sa bansang Pilipinas. Ang dayong pagsaklot sa ekonomya at militar, at ang pakikipagsabwatan ng iilang traydor sa dayong mga imperyalista ang pangunahing salik kung bakit ito nananatiling atrasado at naghihirap ang mga Pilipino, at nabubundat ang mga oligarko, panginoong maylupa at malalaking korap na burukrata.
Marapat na paalingawngawin ng sambayanang Pilipino ang kanilang sigaw para ibasura ang VFA at lahat ng di pantay na tratadong militar. Dapat magkaisa ang lahat ng nagmamahal sa kalayaan at singilin ang rehimeng Duterte sa pagkakanulo nito sa kasarinlan ng Pilipinas.
[Ang Bayan is the official news organ of the Communist Party of the Philippinesand is issued by the CPP Central Committee. It provides news about the work of the Party as well as its analysis of and views on current issues. Ang Bayan comes out fortnightly and is published in Pilipino, Bisaya, Ilokano, Waray, Hiligaynon and English.]
https://cpp.ph/2020/02/07/hungkag-ang-asta-ni-duterte-laban-sa-vfa/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.