Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Feb 7): Unilateral na tigil-putukan, tinapos na ng PKP/BHB (Unilateral ceasefire ended by the CPP/NPA)
Sa isang mensaheng nakabidyo noong Pebrero 1, inianunsyo ni Ka Oris, tagapagsalita ng Bagong Hukbong Bayan (BHB), ang magkatambal na desisyon ng Komite Sentral ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) at Pambansang Kumand sa Operasyon ng BHB na tapusin na ang unilateral na deklarasyon ng tigil-putukan sa araw ding iyon. Matapos itong ipabatid sa Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP), tuluyang mawawalan ng bisa ang tigil-putukan sa Pebrero 10, alas-11:59 ng hatinggabi.
Ayon kay Ka Oris, nagpasya ang pamunuan ng rebolusyonaryong kilusan na tapusin ang tigil-putukan dahil, "una, nabigo ang rehimeng Duterte na tuparin ang pangakong palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal kahit matapos ang halos 160 araw mula nang pinag-usapan ito noong Agosto. Ikalawa, tusong sinamantala ng GRP ang tigil-putukan ng PKP/BHB para manghimasok sa mga teritoryo ng demokratikong gubyernong bayan."
Aniya, kahit pa tinatapos na ng PKP at BHB ang unilateral nitong tigil-putukan, patuloy nitong sinusuportahan ang negosasyong pangkapayapaang NDFP-GRP. Gayunpaman, tutol ang rebolusyonaryong kilusan na gamitin ito "para lamang sa pasipikasyon at pagpilit ng pangmatagalan at walang taning na tigil-putukan na walang kongkretong pakinabang sa bayan at rebolusyonaryong kilusan."
Inatasan ng Pambansang Kumand ng BHB ang lahat ng kumand at yunit ng BHB, kabilang ang mga milisyang bayan at yunit pananggol-sa-sarili na bago tuluyang mawalang bisa ang tigil-putukan, magsagawa ang mga ito ng "aktibong depensa upang kontrahin, biguin at parusahan ang mga yunit ng AFP, PNP, CAFGU na nagpapatrulya sa mga sonang gerilya, ang mga yunit ng kaaway na sumasakop sa mga barangay at komunidad pati na ang mga opensibang operasyong nagpapanggap na anti-droga o anti-krimen, na pawang lumalabag sa mga karapatang-tao at yumuyurak sa diwa ng magkatugong deklarasyong tigil-putukan."
"Sa tuluyang pagtatapos ng unilateral na tigil-putukan, lahat ng panteritoryo at yunit kumand ng BHB ay inaatasang kunin ang buong inisyatibang maglunsad ng mga kampanyang militar at taktikal na opensiba laban sa AFP, PNP, sa iba't ibang mga grupong paramilitar at death squad ng rehimeng Duterte, pati na ang mga armado, abusado at mapandambong na negosyo at iba pang armadong grupo at sindikato," dagdag pa niya.
Ang anunsyo ay sinundan ng pagsagot ni Ka Oris sa mga tanong ng mga myembro ng midya sa pamamagitan ng mga social media account ng Philippine Revolution Web Central.
Bilang tugon, ibinagsak na rin ni Duterte noong Pebrero 3 ang unilateral na tigil-putukan ng GRP, isang araw matapos magpahayag na "hindi niya gagayahin" ang anunsyo ng PKP/BHB. Inatasan niya ang lahat ng mga sundalo ng AFP na "bumalik sa mga kampo, linisin ang kanilang mga riple at maghanda para sa bakbakan." Noong Pebrero 3, nagsagawa ng press conference ang pamunuan ng AFP at nangakong "bibigwasan namin sila (BHB) nang matindi."
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170207-unilateral-na-tigil-putukan-tinapos-na-ng-pkpbhb-rn/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.