Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Feb 7): 7 ekstrahudisyal na pamamaslang, naitala sa Oplan Kapayapaan (7 extrajudicial killings, recorded during Oplan Peace)
Ilang linggo pa lamang mula nang magbukas ang taon, hindi bababa sa pitong lider at aktibistang magsasaka sa Negros at Mindanao ang pinaslang dahil sa masigasig na pagtatanggol nila sa kanilang mga karapatan sa kanilang lugar.
Sina Wencislao Pacquiao, Jovani Paguntalan, Iver Mulasi, Alexander “Sander” Ceballos mula sa Negros at sina Veronico “Nico” Lapsay Delamente, Emelito "Tatay Intik" Rotimas, at Renato Anglao mula sa Mindanao ang unang mga biktima ng kadedeklara pa lamang na Oplan Kapayapaan, ang bagong kampanyang panunupil ng gubyernong Duterte.
Negros. Enero 25 nang patayin si Pacquiao, 48, kasapi ng San Benito Farmers Association–KMP bandang alas 9 ng umaga. Limang bala sa ulo ang naging sanhi ng kanyang kamatayan. Isa pang magsasaka, si Rebeco Pabuaya, ay tinamaan ngunit hindi namatay. Kalahok sila noon sa isang aktibidad ng pagsasaka sa lupa sa Barangay San Benito, Calatrava.
Enero 20 naman nang barilin ng nakamaskarang mga elemento ng RPA na bayarang goons ni Mayor Nehemias dela Cruz si Ceballos, 54, isang magsasaka at lider ng NFSW sa kanyang bahay sa Barangay Pandan Silos, Murcia, Negros Occidental. Tatlong bala sa ulo ang kumitil sa kanyang buhay bandang alas-8 ng gabi.
Si Mulasi naman, na tagapangulo ng Nieves Agro Cooperative ng Don Salvador Benedicto, Negros Occidental, ay binaril hanggang mamatay noong Enero 16 sa harapan ng kanyang bahay sa Barangay Pandanon Silos sa Murcia, katabing bayan ng Don Salvador Benedicto. Si Jovani Paguntalan ay binaril noong Enero 2.
Ang lupang tinatamnan nina Pacquiao ay dati nang ibinenta ng isang Agustilo Hullesa sa pamamagitan ng voluntary offer to sell. Ngunit muli itong ipinamahagi ng Department of Agrarian Reform (DAR) noong Pebrero 2014 sa mga pekeng benepisyaryo na tauhan ni Hullesa. Nagsampa ng kaso sa Department of Agrarian Reform (DAR) ang mga magsasaka.
Si Ceballos ay isa sa mga namuno ng matagumpay na pakikibaka ng NFSW sa pagbawi ng lupang kinamkam ni Mayor Dela Cruz, isang pulitikong panginoong maylupa ng Salvador Benedicto, Negros Occidental. Noon pa mang Enero 13 at 14, , pinagbantaan na siya ng isang Jigger Costan, badigard ni Mayor Dela Cruz, ng kamatayan. Ang anak ni Ceballos na si Ariel ay dati nang pinagbabaril noong Hulyo 17, 2015, ngunit nakaligtas siya sa kamatayan.
Ang mga pamamaslang ay mariing kinundena ng National Federation of Sugar Workers (NFSW), Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) sa Negros na naglunsad ng serye ng mga martsa at protestang libing mula Enero 22, ang ika-30 anibersaryo ng Mendiola Massacre, at sa luksang parangal para kay Ceballos noong Pebrero 1 sa munisipal na sementeryo ng Murcia.
Ayon kay Fidel Agcaoili, punong negosyador ng NDFP, “ang kamatayan ni Ceballos ay pinakahuli lamang sa mga kaso ng karahasan ng panginoong maylupa laban sa mga magsasaka na nag-inisyatibang igiit ang kanilang karapatan sa pagbubungkal sa harap ng kabiguan ng mga programa sa repormang agraryo ng magkakasunod na mga gubyerno.”
Ipinapakita nito ang pangangailangan ng “malawakang reporma sa kanayunan ng Pilipinas upang lansagin ang kapangyarihan ng mga panginoong maylupa, lutasin ang kagutuman ng magsasaka para sa lupa at wakasan ang pang-aapi’t pagsasamantala sa kanayunan.”
Mindanao. Binaril ng kalalakihang nakasakay sa motorsiklo si Delamente, 27 taong gulang at lider ng isang tribong Mamanwa, bandang 12:20 ng tanghali noong Enero 20, sa Punta Naga, Brgy. Caagdianao, Claver, Surigao del Norte. Provincial coordinator siya ng Katribu Party mula 2010 at aktibong kasapi ng Kahugpungan sa Lumadnong mga Organisasyon (KASALO)-Caraga. Isang bata rin ang tinamaan sa pamamaril, at nasa ospital pa hanggang ngayon. Malapit sa lugar ng pamamaril ang isang detatsment ng militar.
Si Delamente ay kilala sa pamumuno ng pakikibaka laban sa malakihang pagmimina ng nikel sa kanilang lupang ninuno. Noong nakaraang Disyembre, nagsampa sila ng kaso laban kay Rep. Prospero Pichay ng Surigao del Sur, may-ari ng Claver Mineral Development Corp. na pilit na nagpalayas sa mga Lumad-Mamanwa mula sa kanyang konsesyon ng minahan.
Pebrero 6, pinatay si Emelito "Tatay Intik" Rotimas, tagapangulo ng Purok 6 ng Barangay Lapu-lapu, Maco, Compostela Valley. Dalawang lalaking nakasakay sa motorsiklo ang bumaril sa kanya alas-11:45 ng tanghali sa labas ng Community Technical College of Southeastern Mindanao Incorporated (CTCSM). Naganap ang pamamaril habang nakikipag-usap si Rotimas sa ilang estudyante ng CTCSM.
Noong Pebrero 3, iniulat naman ng Rural Missionaries of the Philippines-NMR ang pagpaslang kay Renato Anglao, isang Lumad na kalahok sa pakikibaka laban sa pangangamkam ng mga plantasyon sa kanilang lupang ninuno.
Mahigit 26,000 na ang biktima ng karapatang-tao na naitala ng Karapatan mula nang maluklok sa pwesto si Duterte. Kabilang dito ang 18 ekstrahudisyal na pamamaslang, 14 na pagtatangkang pamamaslang, 397 iligal na pag-aresto, 7,841 kaso ng pag-okupa sa mga gusaling pang-komunidad, at 14,659 na kaso ng pagbabanta, pananakot o harasment.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170207-7-ekstrahudisyal-na-pamamaslang-naitala-sa-oplan-kapayapaan-rn/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.