Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Feb 7): Aktibong depensa, inilunsad ng BHB mula Enero (Active defense carried out by the NPA since January)
Mahigit labing-walong armadong aksyon ang inilunsad ng iba’t ibang yunit ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa buong bansa bilang pagtalima sa atas ng Pambansang Kumand sa Operasyon na magsagawa ng aktibong depensa upang ipagtanggol ang kapakanan ng mamamayan at mga rebolusyonaryong pwersa.
Isabela. Matagumpay na inambus ng yunit ng BHB-South Isabela (Benito Tesorio Command) ang dalawang elemento ng 86th IB sa bayan ng Echague.
Sa pahayag ni Victor Servidores ng BHB-Cagayan Valley, ang dalawa ay kabilang sa tropa ng AFP na walang patid na naglulunsad ng operasyong paniktik sa lalawigan ng Cagayan at Isabela.
Tahasang sinasamantala ng mga yunit militar ang gawaing relief, rehabilitation at kontra-drogang kampanya para makapasok ang mga operatibang paniktik at tropang pangkombat ng AFP sa mga teritoryo ng demokratikong gubyernong bayan.
Batangas. Ilang oras matapos ang deklarasyon ng BHB sa terminasyon ng tigil putukan, hinaras ng BHB-Batangas (Eduardo Dagli Command) ang isang detatsment ng Philippine Air Force noong Pebrero 1 sa Sityo Buntog, Barangay Bulihan, Nasugbu.
Sorsogon. Inambus ng BHB-Sorsogon (Celso Minguez Command) ang nagpapatrulyang mga elemento ng 31st IB sa Trese Martires, Casiguran noong Pebrero 6. Dalawang sundalo ang nasugatan. Kaagad na dinumog ng mga sundalo ang lugar. Dahil dito, ilang pamilya ang lumikas sa barangay.
Southern Panay. Dalawang magkasunod na aksyong militar ang inilunsad ng BHB-Southern Panay (Napoleon Tumagtang Command) laban sa mga tropa ng 82nd IB at 3rd ID na nag-ooperasyon sa Barangay Boloc, Tubungan, Iloilo at Barangay Osorio III, San Remigio, Antique.
Ang aksyong militar na ito ay tugon sa kahingian ng mamamayan na parusahan ang mga elemento ng AFP na nanggugulo sa kanilang komunidad.
Sa pahayag ng BHB-NTC, sangkot ang 82nd IB at 3rd ID PA sa walang pakundangang pamamaril sa mga kabahayan at sapilitang pagpapapirma sa mga taumbaryo sa kasulatan na sila’y pumapayag na magkampo ang AFP sa komunidad.
North Central Mindanao Region. Enero 30, naglunsad ng operasyong haras ang mga Pulang mandirigma laban sa tropa ng 8th IB na nagkampo sa gusali ng SIDAMCO sa Barangay Concepcion, Valencia City Bukidnon.
Sa panahon ng kanilang pagkampo, nagtayo ang 8th IB ng DDSM o Duterte Drug Squad Movement na pinangunahan ng military intelligence battalion, anila’y ‘gera kontra droga’ ngunit tinatarget ang mga progresibong lider sa komunidad. Gabi-gabi ay iniimbestiga ang mga lider magsasaka at pinaaamin kung saan ang kampo ng NPA, sinu-sino ang mga lider at taga-suporta ng BHB.
Sangkot din ang tropa ng AFP sa pagpapalaganap ng malalaswang palabas, pagsusugal at paglalasing sa komunidad.
Pinasinungalingan ni Alan Juanito, tagapagsalita ng BHB-NCMR ang pahayag ni Capt. Joe Patrick Martinez ng 4th ID na naglulunsad ang yunit ng AFP ng relief operations sa mga biktima ng baha sa Valencia City. Aniya, walang sentro ng ebakwasyon sa nasabing baryo at wala ring lumikas sa mga taumbaryo sa panahon ng bagyo.
Tatlong elemento naman ng 8th IB ang hinarang at nanlaban sa isang yunit ng BHB sa Sityo Kalib, Barangay Kibalabag, Malaybalay City noong Pebrero 1. Patay ang tatlong sundalo sa nangyaring engkwentro habang nasamsam ng mga Pulang mandirigma ang tatlong kalibre .45 pistola ng mga ito.
Northeastern Mindanao Region. Noong Enero 29, dinakip at idineklarang prisoner-of-war (POW) ng BHB-NEMR si PFC Edwin Salan ng 30th IB sa Barangay Boudlingin, Alegria, Surigao del Norte. Isa si Salan sa 18 tropa ng 30th IB na naglulunsad ng operasyong kombat sa lugar.
Kinabukasan, Enero 30, hinaras ng mga Pulang mandirigma ang tropa ng 29th IB sa Barangay San Isidro, Barangay Mahayahay at Barangay Hinimbangan, Kitcharao, Agusan del Norte at mga tropa ng 75th IB na naglulunsad ng mga operasyong "peace and development" sa Sityo Brazil, Barangay Mat-i, Surigao City. Tatlo ang sugatan sa AFP.
Noong araw ding iyon, hinaras din ng BHB ang yunit ng 36th IB na nag-COPD sa Barangay Magtangali, Anaw-awon, Surigao Norte.
Southern Mindanao Region. Kinundena ni Rigoberto Sanchez, tagapagsalita ng BHB-Southern Mindanao Region ang pahayag ng AFP na diumano’y kontra krimen ang nilulunsad nitong operasyon sa Brgy. Lambog, Manay, Davao Oriental.
Ani Sanchez, tulad ng bigong operasyon ng AFP sa Barangay Makilala at Matalam, North Cotabato, matagumpay na nadepensahan ng BHB-Comval-Davao East Coast Subregional Command ang panibagong atake ng 67th IB noong Pebrero 1, 12:30 ng tanghali. Dahil bigong magdulot ng pinsala sa BHB, pinatay ng mga pasistang AFP ang dalawang magsasaka mula sa Barangay Del Pilar.
Enero 31 pa lamang nagdeploy na ng tropang pangkombat ang 67th IB sa mga barangay ng Kayawan, Del Pilar at Kapasnan, bayan ng Manay. Kinabukasan, ilang taumbaryo naman ang isinailalim sa interogasyon at pilit na pinatuturo kung nasaan ang mga Pulang mandirigma.
Tanghali, nagkaroon ng engkwentro sa apat na kolum ng AFP at yunit ng BHB sa lugar. Mahusay na nakapagmaniobra ang mga Pulang mandirigma. Napatay sa labanan si 2Lt. Victor Alejo, habang isang elemento ng kaaway ang lubhang sugatan.
Daang pamilyang Lumad at mga magsasaka ang napilitang lumikas sa kanilang komunidad dahil sa pagkakampo ng 67th IB.
Far South Mindanao Region. Dalawang elemento ng 39th IB ang dinakip at idineklarang POW ng mga Pulang mandirigma sa Telefas, Columbio, Sultan Kudarat noong Pebrero 2. Kinilala ang dalawang POW na sina Sgt. Solaiman Calucop at Pfc Samuel Garay.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170207-aktibong-depensa-inilunsad-ng-bhb-mula-enero-rn/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.