Sunday, February 12, 2017

CPP/Ang Bayan: Tusong mga opensibang operasyon ng AFP laban sa BHB, kinundena

Propaganda article from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Feb 7): Tusong mga opensibang operasyon ng AFP laban sa BHB, kinundena (Crafty offensive operations by the AFP against the NPA, condemned)

Mahigpit na kinukundena ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang dalawang pang-aatake ng Armed Forces of the Philippines sa mga kampo ng Bagong Hukbong Bayan (BHB) sa North Cotabato noong Enero 21 at 26. Ang mga ito ay kabilang sa mga dahilan kung bakit hindi na kinayang isusteni ng BHB ang unilateral na tigil-putukan nito.

Ayon sa NDFP, seryosong paglabag sa sarili nitong tigil-putukan ang isinagawang pang-aatake ng AFP sa isang yunit ng BHB sa Makilala noong Enero 21. Nagsimula kinabukasan ang pangatlo sa serye ng usapan sa Rome, Italy.

Ayon sa ulat ng Panrehiyong Kumand sa Operasyon ng BHB-Southern Mindanao, bandang alas-5 ng umaga ng araw na iyon, dumating sa Sityo Concepcion, Brgy. Kisante ang mga sundalo ng 39th IB at naglunsad ng operasyong kombat tungong Sityo Lokatong sa Brgy. Biangan kung saan nagkakampo ang isang yunit ng BHB. Nagmaniobra ang mga Pulang mandirigma para makaiwas sa labanan. Pero tuluy-tuloy ang operasyon ng mga sundalo at bandang alas-5 ng hapon ay nakasagupa ng mga ito ang yunit ng BHB. Walong sundalo ang napatay habang isang mandirigma ang nasawi. Ang mga lugar na ito ay malayo na sa sentro kaya walang ibang dahilan sa presensya ng mga sundalo rito kundi tugisin ang BHB kahit pa may magkatuwang na tigil-putukan.

Ang totoo, ayon sa BHB-SMR, noon pang Agosto nang nakaraang taon nananalasa ang 39th IB sa mga komunidad sa North Cotabato. Isang linggo matapos ang deklarasyon ni Duterte ng tigil-putukan, nagpadala ang AFP ng mga peace and development team na nagkampo sa mga barangay hall, health center at mga eskwelahan sa Kidapawan City at mga bayan ng Pres. Roxas, Magpet at Arakan. Patuloy nitong pinakilos ang mga tropa at paramilitar nito para sa mga operasyong kombat na nagresulta sa mga ekstrahudisyal na pamamaslang at harasment. Kabilang sa mga kaso ng paglabag sa karapatang-tao ang pagpaslang sa mga sibilyang sina Rita at Norberto Gascon noong Setyembre 13 at Rolan Malignan noong Nobyembre 22. Noong Disyembre 6, napilitang magbakwet ang ilang pamilya sa Magpet dulot ng matinding militarisasyon.

Noong Enero 26, sinalakay naman ng magkasanib na pwersa ng 71st IB, CAFGU at ng Special Action Force ng Philippine National Police ang isa pang kampo ng BHB sa Sityo Emilda, Brgy. Taguranao, Matalam. Alas-6 nang umaga nang salakayin ng 50 sundalo ang kampo na tatlong kilometro ang layo sa pinakamalapit na komunidad. Ligtas na nakaatras ang mga Pulang mandirigma habang tatlong sundalo ang napatay sa labanang nagtagal nang 45 minuto. Isang daang sundalo ang ipinadala sa Matalam noong araw na iyon.

[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info.  Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170207-tusong-mga-opensibang-operasyon-ng-afp-laban-sa-bhb-kinundena-rn/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.