Propaganda editorial from the Tagalog edition of Ang Bayan posted to the Communist Party of the Philippines Website (Feb 7): Makatarungang kapayapaan sa pamamagitan ng negosasyon at digmang bayan (Just peace through negotiation and people's war)
Itinatakwil ng Partido at sambayanang Pilipino ang deklarasyon ni Presidente Duterte ng Gubyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) noong Enero 4 na tatapusin na niya ang negosasyong pangkapayapaan ng GRP at National Democratic Front of the Philippines (NDFP).
Gayunman, habang walang pormal na pabatid ng pagtatapos mula sa GRP, itinuturing nating nagpapatuloy pa ang negosasyong pangkapayapaang GRP-NDFP. Inaantabayanan ng panel ng NDFP ang nakatakdang pag-uusap sa Pebrero 22-24 at Abril 2-6.
Binabatikos ng Partido ang utos ni Duterte na kanselahin ang mga pasaporte ng mga negosyador at konsultant ng NDFP at muli silang arestuhin at ikulong nang walang pyansa. Kung ituloy, ituturing itong labis na kataksilan at malalang paglabag sa Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees na muling pinagtibay ng GRP at NDFP ilang buwan pa lamang ang nakaraan. Tinitiyak nito ang hindi pagpahamak sa mga tauhang pangkapayapaan ng magkabilang panig.
Ang mapusok na pahayag ni Duterte na tapusin ang negosasyong pangkapayapaang NDFP-GRP ay kasunod ng pagtatapos niya sa unilateral na deklarasyong tigil-putukan ng GRP sa BHB. Malinaw na wala itong matalinong pagsasaalang-alang sa payo ng kanyang panel pangkapayapaan at sa tagumpay ng katatapos pa lamang na ikatlong pag-uusap sa Rome, Italy mahigit isang linggo lang ang nakakaraan. Iginigiit niya na kung walang "mabigat na dahilan" ay di na muling sisimulan ang negosasyong pangkapayapaan.
Nakadidismaya na mukhang interesado lamang si Duterte sa negosasyong pangkapayapaan sa NDFP kung magagamit ito para sa pasipikasyon upang obligahin ang mga rebolusyonaryong pwersa na pumasok sa matagalang tigil-putukan na hindi lang walang makabuluhang pakinabang sa bayan, kundi nakapipinsala rin sa mamamayan dahil nahahantad sila sa walang-habas na militarisasyon sa kanayunan.
Sa pagsaad ng planong umatras sa negosasyong GRP-NDFP, inulit ni Duterte ang pinalaking galit ng AFP sa sunud-sunod na armadong sagupaang sumiklab sa pagitan ng BHB at AFP na nagresulta sa pagkamatay ng anim na tropang militar mula katapusan ng Enero.
Pinagtatakpan niya na siya at ang pamunuan ng AFP ang nag-utos ng pagdeploy ng mga armadong tropa sa mga sona at baseng gerilya ng BHB upang sakupin ang mga baryo sa ngalan ng "kapayapaan at kaayusan," "paghahatid ng serbisyong panlipunan" at iba pang pagdadahilan, para maghasik ng takot at intimidasyon sa mamamayan at maglunsad ng armadong opensiba sa kabila ng magkatugong deklarasyon ng unilateral na tigil-putukan.
Tumindi ang mga operasyong strike ng AFP nitong nagdaang mga linggo na humantong sa pagsalakay sa mga kampo ng BHB noong Enero 23 sa Makilala, at noong Enero 26 sa Matalam, kapwa sa North Cotabato. Dahil sa walang-awat na mga opensiba ng AFP, naging mahirap panatilihin ang unilateral na deklarasyon ng tigil-putukan. Bilang tugon, pinasigla ng BHB ang mga hakbanging aktibong depensa nitong nagdaang mga araw upang ipagtanggol ang interes at kapakanan ng bayan. Ang pag-anunsyong ginawa ng Partido at BHB nitong Pebrero 1 na pagtatapos ng deklarasyong tigil-putukan ay ginawa nang may higit sa sapat na pauna sa nagdaang dalawang buwan.
Sa hangaring tapusin ang negosasyong pangkapayapaan, iginigiit ni Duterte na hindi niya pwedeng palayain ang lahat ng bilanggong pulitikal. Kabulastugan ang sinasabi niyang katumbas na rin ito ng "pagsurender" ng GRP. Isinasaisantabi niya ang katotohanang sila’y sinampahan ng gawa-gawang kaso at biktima ng lansakang inhustisya.
Sa nagdaang mga buwan, nagmatigas si Duterte na hindi palalayain ang lahat ng bilanggong pulitikal sa pamamagitan ng proklamasyong amnestiya, taliwas sa kanyang pangako at obligasyon ng GRP.
Lumilitaw na ang AFP ang pinakamalaking hadlang sa pagpapalaya ng mga bilanggong pulitikal nang idineklara ni Duterte na dapat rin siyang makinig sa militar, kahit pa katumbas nito'y magbingi-bingihan sa sigaw ng bayan para sa katarungan. Ngayo'y malinaw na si Duterte, na nakasandal sa AFP para magtagal sa pulitika, ay mas pabor sa militar at pulis kaysa mamamayan.
Iginigiit ng sambayanang Pilipino ang makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa pamamagitan ng paglutas sa tampok na mga suliraning pang-ekonomya at panlipunan, laluna ang malawak na problema ng kawalan at pang-aagaw ng lupa sa kanayunan, pati ang problema ng talamak na disempleyo, mababang sahod, kawalan ng seguridad sa trabaho at malawak na mga problemang nagsasadlak sa mga manggagawa, magsasaka at iba pang saligang sektor.
Dapat mahigpit na tutulan ng mga sektor, organisasyon at personalidad na maka-kapayapaan ang biglaang desisyon ni Duterte na wakasan ang negosasyong pangkapayaang GRP-NDFP.
Nananatiling bukas ang tanggapan ng panel sa negosasyon ng NDFP upang patuloy na pag-aralan ang posibilidad ng muling pagbubukas ng negosasyong pangkapayapaan sa gubyernong Duterte, kapwa sa CASER at pati na sa usapin ng kasunduan sa tigil-putukan kasabay ng pagpapalaya sa mga bilanggong pulitikal.
Dapat paigtingin ng sambayanang Pilipino kapwa ang kanilang armado at di-armadong paglaban sa lahat ng anyo ng pang-aapi at pagsasamantala. Dapat puspusan nilang isulong ang pambansa-demokratikong rebolusyon upang ilatag ang mga batayan para sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan.
[Ang Bayan is the official newspaper of the Communist Party of the Philippines. Ang Bayan is published in Pilipino, Bisaya, Hiligaynon, Waray and English. Download Ang Bayan from the Philippine Revolution Web Central at www.philippinerevolution.info. Ang Bayan is published fortnightly by the Central Committee of the Communist Party of the Philippines.]
https://www.philippinerevolution.info/ang_bayan/20170207-makatarungang-kapayapaan-sa-pamamagitan-ng-negosasyon-at-digmang-bayanrn/
No comments:
Post a Comment
Note: Only a member of this blog may post a comment.