Sunday, July 21, 2024

CPP/Masbate: Ang rehimeng US-Marcos ang numero unong kaaway ng mga Masbatenyo

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jul 21, 2024): Ang rehimeng US-Marcos ang numero unong kaaway ng mga Masbatenyo (The US-Marcos regime is the number one enemy of the Masbatenyos)



Luz del Mar
Spokesperson
NPA-Masbate (Jose Rapsing Command)
New People's Army

July 21, 2024

Kinasusuklaman at itinatakwil ng mamamayang Masbatenyo ang rehimeng US-Marcos. Sa loob lamang ng dalawang taon, sukdulang pagpapahirap, pasismo at terorismo at pagpapakatuta sa imperyalista ang ginawa ni Marcos sa taumbayan.

Numero uno siyang pahirap sa bayan. Ipinataw ni Marcos ang mga neoliberal at maka-dayuhang patakarang nagpapalala sa krisis sa ekonomya. Walang awat ang pagtaas ng presyo ng pagkain at bilihin. Sa Masbate umaabot sa ₱60.00 kada kilo ang presyo ng karaniwang kinokonsumong bigas. Luging-lugi pa rin ang mga magbubukid sa pagkapako sa mababang halaga ng kanilang mga produkto sa kabila ng mataas na gastos sa produksyon. Sa prubinsya, umaabot sa higit ₱3,000 ang kada sako ng abono.

Maraming Masbatenyo ang walang trabaho. Marami ang natutulak maghanapbuhay labas sa mga kabukiran dahil sa tumataas na gastos sa produksyon. Sa kabila nito, walang disenteng trabahong nakukuha ang mga Masbatenyo sa loob at labas man ng prubinsya. Kung mayroon man, marami ang sumasahod ng mababa pa sa rehiyunal na minimum wage sa pagtatrabaho bilang construction worker, bantay sa bakery o tindahan, kasambahay o utusan. Nagiging laganap ang odd jobbers.

Numero unong mangangamkam ng lupa ang rehimeng Marcos. Sa Masbate, nakabalangkas sa tabing ng kontrainsurhensya ang malawakang pang-aagaw ng lupa, laluna yaong mga lupang napagtagumpayang maipaglaban ng kilusang magbubukid sa prubinsya. Ilanlibong ektarya ng lupaing agrikultural, laluna sa mga bayan ng Cawayan, Cataingan at Milagros ang inagaw ng tuta ni Marcos na si Gov. Kho mula nang maupo si Marcos sa poder.

May basbas rin ni Marcos ang iba pang mapaminsalang neoliberal na proyekto sa prubinsya tulad ng ekspansyon ng dayuhang mina na Filminera. Plano ring magtayo ni Kho ng 300-ektaryang special economic zone sa Cataingan na sisira sa kabuhayan ng mga magbubukid sa naturang bayan.

Numero unong kurakot at sugapa si kapangyarihan si Marcos. Habang lumalala ang kabuhayan ng mamamayan, walang inaatupag si Marcos at iilang kapwa niya gahaman kundi magpayaman sa kurakot at kapangyarihan. Ilampung bilyong pondo ng taumbayan ang winawaldas ng pamilya ni Marcos sa pamamasyal at pagpapasarap sa ibang bansa.

Ang kanyang pakulong “Bagong Pilipinas” ay isang kampanya ng panlilinlang upang pagtakpan ang malawakang pandaraya sa darating na halalang 2025 at solohin lahat ng kurakot at dambong. Ang plano na Charter change ay isa ring pakana para maisemento ni Marcos ang sarili sa kapangyarihan. Dapat itakwil ang lumalalang hidwaan ni Marcos at ng mga Duterte para sa kapangyarihan at sa halip ay samantalahin ng taumbayan upang labanan ang parehong kriminal at demonyo.

Numero unong traydor at tuta si Marcos. Sa halip na idaan sa mapayapa at diplomatikong paraan ang paggiit ng karapatan ng Pilipinas sa West Philippine Sea at resolusyon ng usapin sa Tsina, isinuko ni Marcos ang soberanya ng Pilipinas sa dikta at patakarang gera ng US laban sa Tsina. Ito ay sa kabila ng malinaw na kawalang-intensyon ng Amerika na tulungan ang bansa sa usapin ng West Philippine Sea.

Pinahintulutan ni Marcos na gawin ang Pilipinas bilang base militar at imbakan ng kagamitang pandigma ng Amerika. Sa katunayan, dapat hadlangan at batikusin ng mga Bikolano ang napapabalitang mala-Balikatan na aktibidad na planong ilunsad ng mga tropa ng US, South Korea at Australia sa Bikol ngayong 2024.

Numero unong terorista si Marcos. Sa ilalim ng utos na wakasan ang armadong pakikibaka ngayong 2024, ilinulunsad ng rehimen ang teroristang gera ng panunupil sa mamamayan bilang haligi ng kanyang paghahari. Binusog niya ang militar at pulis ng ilang trilyong pondong pangkurakot at pinanatili ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict, bilang haligi ng kanyang pasistang makinarya.

Sa Masbate, todo-todo ang ilinulunsad na gera kontra magsasaka ni Marcos kasabwat ang AFP-PNP-CAFGU, NTFELCAC at lokal niyang alipures tulad ni Gov. Antonio Kho. Sa kanyang termino, 32 na magsasaka ang pinaslang sa prubinsya. Kabataan, kababaihan, matanda, walang pinipiling biktima. Liban pa rito ang mga iligal na inaresto at daan-daan pang biktima ng panggigipit ng militar. Marami ang takot magreklamo dahil pinagbabantaang kakasuhan o isusunod sa mga pinatay. Kaliwa’t kanan ang ipinapatayong detatsment at hindi tinatantanan ng presensya at kontrol militar ang mga baryo.

Para sa mga Masbatenyo, ang ikatlong State of the Nation Address ni Marcos ay senyales ng papatinding pang-aapi at pagsasamantala, laluna sa harap ng desperasyon nitong mapagtibay ang kapangyarihan. Tulad ng kanyang ama, ang terorista, pahirap, kurakot at taksil sa bayang rehimeng Marcos ay patunay na wala nang maasahan sa kasalukuyang bulok na sistema.

Para ipagtanggol ang lupa, kabuhayan, karapatan at buhay, kailangang buuhin ng mga Masbatenyo ang kanilang pagkakaisa at isulong lahat ng porma ng paglaban, laluna ngayong panahon ng halalan.

Higit sa lahat, dapat at kailangang tahakin ng mga Masbatenyo ang landas ng demokratikong rebolusyon para labanan ang teror, paglubha ng kahirapan, kurapsyon at banta ng gerang hatid ni Marcos. Sa tagumpay ng rebolusyon nakasalalay ang tunay na kalayaan at kasaganaang dapat matamasa ng Pilipinas.#

https://philippinerevolution.nu/statements/ang-rehimeng-us-marcos-ang-numero-unong-kaaway-ng-mga-masbatenyo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.