Saturday, May 11, 2024

CPP/Southern Tagalog RC-PIO: Paigtingin ang pakikibaka para sa nakabubuhay na sahod,Tupdin ang makasaysayang tungkuling pamunuan ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (May 10, 2024): Paigtingin ang pakikibaka para sa nakabubuhay na sahod,Tupdin ang makasaysayang tungkuling pamunuan ang pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo! (Intensify the struggle for a living wage, Fulfill the historical duty to lead the struggle for national freedom, democracy and socialism!)
 


Public Information Office
CPP Southern Tagalog Regional Committee
Communist Party of the Philippines

May 10, 2024

Nagpupugay ang Partido Komunista ng Pilipinas – Timog Katagalugan (PKP-TK) sa lahat ng manggagawa at iba pang mamamayan sa rehiyon at sa buong bansa na lumahok sa matagumpay na kilos-protesta para gunitain ang Ika-122 Pandaigdigang Araw ng Paggawa nitong Mayo 1. Sa TK, libong manggagawa ang nagtipon mula sa kani-kanilang pook-paggawa para ipakita ang kanilang pakikiisa at paggunita. Madaling araw pala lamang noong Mayo 1, suot ang pulang t-shirt — tanda ng militanteng paglaban, sinimulan nila ang pagkilos para ipanawagan ang mga lehitimong interes at kahilingan ng sektor paggawa. Tinuligsa din nila ang nagaganap na Balikatan Exercises, VFA , EDCA at ang pagiging sagadsaring tuta ng rehimeng Marcos II sa imperyalistang US. Nagpahayag sila ng pagkontra sa cha-cha at sa PUV modernization, at kinundena ang pasistang pang-aatake sa kanilang sektor.

Ang paggunita sa Pandaigdigang Araw ng Paggawa ay pagtatambol sa mayamang kasaysayan ng kilusang paggawa. Ito ang araw na sumisimbolo ng pakikibaka at mga tagumpay ng uring manggagawa sa buong mundo — ang pakikibaka para sa 8-oras na paggawa, mataas na sahod at mahusay na kondisyon sa paggawa. Sinasaluduhan din natin ang mga martir ng kilusang paggawa na walang pag-iimbot na inialay ang kanilang nag-iisang buhay para sa kapakanan hindi lang ng kanilang uri kundi ng buong sambayanan. Muli’t muling pagtibayin ang makasaysayang misyon ng uring manggagawa — ang pinakaabanteng uri ng kasalukuyang lipunan, na may natatanging misyon na pamunuan ang pakikibaka para sa pambansang pagpapalaya at demokrasya para sa kanyang uri at sa buong bayan at itatag ang sosyalistang lipunan.

Kasama ang iba pang aping sektor at uri sa lipunan, patuloy na nananawagan ang mga manggagawa para sa nakabubuhay na sahod, pagwawakas ng kontraktwalisasyon, pagkamit ng iba pang mga benepisyo’t kagalingan at paglaban sa patuloy na pasistang pang-aatake ng estado sa kanilang mga lehitimong mga pakikibaka. Mariin nilang kinukundena ang pagpapawalang-saysay sa mga nakamit na tagumpay ng kilusang paggawa ng mga monopolyo kapitalista, malalaking burgesyang kumprador at ng estado mismo sa pamamagitan ng mga atakeng neoliberal sa mga manggagawa.

Matatandaang mula pa sa panahon ng diktadurang Marcos Sr. ng dekada 1970 at 1980 pinatindi ang pagpapailalim ng bansa sa dikta ng IMF-World Bank hanggang sa panahon ni Aquino I. Isinakatuparan ng mga ito ang neoliberal na atake sa kilusang paggawa na ang lokal na bersyon ay ang pagsasabatas ng 1989 Wage Rationalization Law at Herrera Law na higit na nagpalala sa kalagayan ng mga manggagawang kontraktwal. Sa pagpapatuloy na pagpataw ng mga neoliberal na polisiya lalong nabaon ang ekonomya ng Pilipinas. Dumami ang mga walang trabaho, lalong naghirap ang mga mangagawa at ang malawak na mamamayan. Pinagdurusa sila sa napakababang sahod, kawalan ng seguridad sa trabaho — laluna sa pag-iral ng kontraktwalisasyon, at kawalan o kakulangan ng mga serbisyong panlipunan.

Makatarungan ang hiling ng mga manggagawa para sa nakabubuhay na sahod sa gitna ng paglala ng krisis sa ekonomya, mataas na implasyon, patuloy na pagsirit ng mga presyo ng pagkain at mga serbisyo. Sa kabila ng pinakahuling kakarampot na dagdag na sahod na ibinigay ng iba’t ibang Regional Tripartite Wages and Productivity Boards (RTWPB) noong nakaraang taon, mayroong 4.2 milyong manggagawa sa buong bansa na tumatanggap ng minimum na sahod ang walang disenteng pamumuhay.

Labis na naghihikahos ang mahigit 7 milyon na manggagawa sa CALABARZON na bumubuo ng 25% ng sektor sa industriya sa bansa. Konsentrado sila sa mga industriya na kalakhan ay sa Laguna, Cavite at Batangas. Sa CALABARZON at MIMAROPA tumatanggap ang mga manggagawa ng magkakaibang pasahod kada probinsya at munisipyo na P395 – P520 na lubhang malayo sa P1,123- P1,213 na kinakailangan ng isang pamilya para mamuhay nang disente sa gitna ng patuloy na pagsirit ng implasyon. Kaya lampas kalahati o P600-800 ang kakulangan ng kanilang arawang sahod para tugunan ang kanilang batayang pangangailangan. Lalong pahirap sa kanila ang kontraktwalisasayon. Sa rehiyon pito sa 10 manggagawa ay kontraktwal. Dagdag pa, umaabot din sa 75% ang underemployment sa CALABARZON at MIMAROPA, ayon sa pag-aaral ng IBON.

Laganap din ang pag-eeksport ng murang lakas paggawa na nagresulta sa pagdami ng mga migranteng manggagawang Pilipino sa ibayong dagat. Dinaranas nila ang pang-aapi at pang-aalipusta ng mga dayuhang amo o kumpanya habang tinitiis ang sakit at kalungkutang mapawalay sa pamilya. Masahol pa, hinuhuthot ng estado ang pinaghirapang kita ng mga manggagawang migrante sa anyo ng mga kaltas at buwis sa mga ipinapadalang OFW remittances sa mga kaanak.

Sa kabila ng aping kalagayan ng mga manggagawa, manhid at walang-pakialam ang papet, pahirap at pasistang rehimeng US-Marcos II sa dinaranas nila. Sa halip, nagagawa pa ng ilehitimong pangulo na linlangin ang mga manggagawa. Para pabanguhin ang sarili, nakisakay ito sa pagunita nitong Mayo 1 sa pamamagitan ng pambubuladas na sa ilalim umano ng “Bagong Pilipinas”, ang bawat manggagawa ay mamahalin, igagalang at bibigyan ng pagkakataong umunlad. Aniya, patuloy na susuportahan ng gubyerno ang uring manggagawa at itataguyod ang prinsipyo ng pagiging patas, may dignidad at pagkakapantay-pantay sa lahat ng pook-paggawa. Inatasan din niya ang National Wages and Productivity Commission na repasuhin umano ang mga patakaran nito hinggil sa sahod. Ipinagmayabang din ni Marcos Jr. ang kanyang programa na di umano’y para sa kapakanan ng mga manggagawa tulad ng Kadiwa Centers, programa sa pabahay at ang isang taong pagpapalawig ng job order sa pag-eempleyo sa gubyerno. Subalit malinaw sa mga manggagawa na ang lahat ng ito’y walang katuturan, bagkus ay paghahambog lamang ni Marcos Jr. dahil mas pinili nitong pagsilbihan ang amo nitong imperyalistang US at ang burgesyang kumprador kaysa sa interes ng mga manggagawa at ng sambayanang Pilipino.

Pangita na sa likod ng pagpapanggap ni Marcos Jr. na kinikilala umano niya ang ambag ng manggagawa sa pambansang pag-unlad, subalit pagmasaker naman sa kabuhayan ang nakaabang sa mga driver at jeepney operators na hindi nagpailalim sa korporado at makadayuhang PUV modernization na may kaakibat ng “franchise consolidation” dahil ituturing na silang iligal o colorum mula noong Mayo 1. Maapektuhan nito ang 38,000 na mga driver ng jeepney at kanilang pamilya.

Dinaranas din ng mga manggagawa sa TK, mula pa sa panahon ni Duterte hanggang sa kasalukuyang rehimen ni Marcos II ang pinatinding pasistang panunupil. Di kukulangin sa 100 na manggagawa ang “binisita” ng mga ahente ng estado. Nagkaroon ng 36 na iba’t ibang kaso ng harassment at paglabag sa karapatang tao, kabilang ang pagbabanta gamit ang text messaging, pagpapaskil ng poster at tarpaulin na nag-uugnay sa mamamayan sa NPA, pagbisita ng pulis at ahente ng estado sa mga bahay ng biktima, pagsampa ng gawa-gawang kaso at iligal na pang-aaresto. At ang pinakamalala ay ang sabay-sabay na pang-aatake sa mga lider manggagawa na nagluwal sa “Bloody Sunday Massacre” na ikinasawi ni Manny Azuncion at iba pang lider-masa. Gayundin ang pagpaslang sa presidente ng unyon na si Dandy Miguel habang papauwi sa bahay sa Calamba City, Laguna. Nagpapatuloy pa rin hanggang sa kasalukuyan ang panghaharas at red-tagging/terrorist-tagging sa mga nakikibakang manggagawa.

Dapat paigtingin ng mangagawa ang pakikibaka para sa pang-ekonomiya at pampulitikang mga adhikain. Dapat patuloy na ipaglaban ang regularisasyon sa paggawa, ipabasura ang kontraktwalisasyon at ipaglaban ang mga karapatan at benepisyong dati nang ipinagwagi pero pinawalang saysay ng mga patakarang neoliberal. Dapat puspusang labanan ang labis na pagpapakatuta ng rehimeng US-Marcos II sa imperyalismong US na sukdulang nagsasapanganib sa kalayaan at kaligtasan ng sambayanang Pilipino na naiipit sa inter-imperyalistang tunggalian ng US at China. Magagawa ito sa pamamagitan ng pagpapalawak at pagpapalakas ng militante at progresibong kilusang unyon na magsusulong at nagsisilbi sa sustenidong pakikibaka ng mga manggagawa.

Ang papatinding terorismo ng estado na ginagawang imposible ang paglaban para sa makatarungang kahilingan ang magtutulak sa manggagawa para tahakin ang armadong pakikibaka. Ang digmang bayan ang magluluwal ng demokratikong gubyernong bayan sa ilalim ng pamumuno ng rebolusyonaryong Partido ng uring proletaryado. Ang Pulang kapangyarihan ng mamamayan ay palalakasin at patatagin ng Pulang hukbo at mga pangmasang organisasyon ng mga uring anakpawis at iba pang makabayan at demokratikong pwersa.

Nanawagan ang PKP-TK sa mga manggagawa at sa lahat ng aping mamamayan na paigtingin ang pakikibaka laban sa imperyalismo, pyudalismo at burukratang kapitalismo na siyang ugat ng paghihirap ng uring manggagawa at ng malawak na mamamayang Pilipino. Dapat patuloy na hawakan ng uring mangagawa ang pamumuno sa rebolusyong Pilipino sa pamamagitan ng patuloy na pagpapalakas ng kanilang hanay at ng proletaryong pamumuno sa pangunahing pwersa ng rebolusyon — ang uring magsasaka at pagkabig sa iba pang makabayan at demokratikong pwersa. Sa gitna ng papalubhang krisis sa ekonomya, panlipunang ligalig at mga gerang bunsod ng labis na krisis ng monoployo kapitalismo, dapat pag-ibayuhin ang rebolusyonaryong pakikibaka para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo.###

https://philippinerevolution.nu/statements/tupdin-ang-makasaysayang-tungkuling-pamunuan-ang-pakikibaka-para-sa-pambansang-kalayaan-demokrasya-at-sosyalismo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.