Wednesday, August 30, 2023

CPP/NPA-Masbate: Pulang saludo kay Eddie “Ka Star” Rosero

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 22, 2023): Pulang saludo kay Eddie “Ka Star” Rosero (Red salute to Eddie “Ka Star” Rosero)
 


Luz del Mar
Spokesperson
NPA-Masbate (Jose Rapsing Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army

August 22, 2023

Pinakamataas na parangal ang ipinapaabot ng Jose Rapsing Command – Bagong Hukbong Bayan Masbate at ng buong rebolusyonaryong kilusan kay Eddie Rosero na nakilala ng masang Masbatenyo bilang si Ka Star/Art/Picolo. Para sa masa, siya ay dakilang bayani ng mamamayang Masbatenyo.

Kaisa ng masa, ng mga kaanak at pamilya ng mga biktima ang buong rebolusyonaryong kilusan sa pagdadalamhati. Si Ka Star ay isa sa mga pinakapipitagang Pulang kumander ng rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya. Hindi kahina-hinala ang desperasyon ng kaaway na siya’y tugisin at siraan sa publiko.

Ipinanganak si Ka Star sa bayan ng Aroroy noong 1980. Namulat siya sa kalunus-lunos na kalagayan ng kanyang bayan dulot ng mapaminsalang pagmimina at doo’y nagpasyang lumahok sa rebolusyonaryong kilusan. Nagsimula siya sa grupo ng kabataan bilang kuryer ng mga kasama hanggang sa nagpultaym noong taong 1998.

Kinatangian ang higit 25 taong paglilingkod ni Ka Star nang kahusayan sa pamumuno sa mga labanan. Bilang isa sa mga namumunong kumander sa buong prubinsya, pinangunahan niya ang sustenidong pagsulong ng armadong pakikibaka. Tandang-tanda pa ng masa ang matagumpay na ambus ng NPA laban sa mga tropa ng PNP-507th Mobile Company na kagagaling pa lang sa pangingikil sa Barangay Manlut-Od, bayan ng Placer.

Sa kanyang kahusayan sa pagsusulong ng armadong pakikibaka, nahalal siya bilang regular na kagawad ng komiteng prubinsya.

Inalay ni Ka Star ang buong buhay, hinarap ang mga sakripisyo at kahirapan para sa pagsusulong ng rebolusyonaryong armadong pakikibaka. Hanggang sa mga huling sandali, namatay siyang lumalaban. Sa katunayan, 13 ang napatay sa hanay ng militar at pulis matapos ang naganap na labanan sa Barangay Jagnaan, taliwas sa ilinabas na ulat ng kaaway sa publiko.

Para sa pamilya nina Ka Star at Ka Jamon, taas-noo ninyong ipagmalaki ang inyong ama bilang mabuting bayani ng masang Masbatenyo. Ang kaniyang pagmamahal sa bayan ay makikita sa hindi matatawarang pagmamahal niya sa inyo.

Kinukundena ng Jose Rapsing Command – BHB Masbate ang pagdamay at pagmasaker sa tatlong sibilyang kababaihan na sina Jelyn Guis Dejomo (56 anyos), Sheryl Salazar Dejomo (29 anyos) at Divina Lubiano Ajitan (60 anyos). Sila ay walang pagtatanging pinaslang ng militar sa kabila ng malinaw nilang sibilyang katayuan.

Hindi rin dapat palampasin ang hindi makataong pagtrato sa mga biktima. Sa teroristang pakanang takutin ang publiko at maghasik ng lagim, walang pakundangang ibinuyangyang ng militar sa publiko ang brutal na pagpatay kina Ka Star at sa iba pang biktima.

Hibang ang rehimeng US-Marcos-Duterte sa pag-aakalang malaking dagok sa rebolusyonaryong kilusan sa prubinsya ang pagpatay nila kay Ka Star. Ang naimbag na karanasan ni Ka Star sa pagsusulong ng pakikidigmang gerilya batay sa papalawak at papalallim na baseng masa ay nakaugat na sa puso ng bawat Pulang kumander at mandirigma. Marami pang bagong henerasyon ang uusbong at susunod sa yapak ni Ka Star upang isulong ang digmang bayan at tuluyang iahon ang Masbate at ang buong bansa sa kumunoy ng kahirapan tungo sa isang lipunang tunay na malaya at demokratiko.#

https://philippinerevolution.nu/statements/pulang-saludo-kay-eddie-ka-star-rosero/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.