Wednesday, August 30, 2023

CPP/NDF-Laguna: Paigtingin ang pakikibaka ng sambayanan para sa pambansang demokrasya at sosyalismo!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 22, 2023): Paigtingin ang pakikibaka ng sambayanan para sa pambansang demokrasya at sosyalismo! (Intensify the people's struggle for national democracy and socialism!)
 


Malaya Asedillo
Spokesperson
NDF-Laguna
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

August 22, 2023

Ginugunita ng lahat ng rebolusyonaryong pwersa ng Laguna ang buhay at dakilang pakikibaka nina Ka Benito Tiamzon at Ka Wilma Austria-Tiamzon, mga martir ng sambayanan at bayani ng uring anakpawis. Ala-ala at hamon para sa ating lahat ang kanilang pagpupunyagi sa pambansa-demokratikong rebolusyon na may sosyalistang perspektiba.

Hindi masusukat ang bigat ng ambag nina Ka Benito at Ka Wilma sa pagsulong ng makatwirang rebolusyon ng sambayanang Pilipino. Bilang mga kasapi at kadre ng Partido Komunista ng Pilipinas, naging mapagpasya ang papel nila sa pagpunyagi sa wastong linya ng anti-rebisyunismo laban sa umiiral na lihis na linya noong panahon ng Ikalawang Dakilang Kilusang Pagwawasto. Napigilan ang tuluyang paglihis at pagkabalaho ng demokratikong rebolusyong bayan at napagtibay ang kawastuhan ng rebolusyon sa ideolohiya, pulitika, at organisasyon.

Huwarang ehemplo ang mga dekada ng paglingkod nina Ka Benito at Ka Wilma sa sambayanan sa kabila ng hirap at sakripisyo na dinanas nila. Hanggang sa huling sandali ay nanatili sila sa piling ng masang pinagsisilbihan nila, at kumikilos para sa interes nila.

Nananatiling mabigat ang pagkawala nina Ka Benito at Ka Wilma, laluna’t sila ay pinaslang nang walang awa at walang pakundangan sa pandaigidan na makataong batas ng reaksyunaryong estado. Mahalaga para sa atin na suriin at tingnan ito mula sa konteksto ng nagpapatuloy na rebolusyonaryong digmaang sibil sa Pilipinas.

Likas na marahas ang digmaang kinakaharap natin. Dahil ito sa layunin ng digmaan natin: ibagsak ang lumang reaksyunaryong estado at itayo ang isang estado na magtatanggol ng ating pambansa at demokratikong interes. Salungat ito sa saligang interes ng mga naghaharing uri na manatili sa kapangyarihan at ipagpatuloy ang kanilang paghahari at pagsasamantala.

Dahil salungat ang interes ng mga rebolusyonaryong uri at ng mga reaksyunaryong naghahari, ubos-kayang ipinagtatanggol ng naghaharing uri ang kanilang pusisyon laban sa lumalakas na rebolusyonaryong agos ng mamamayan. Ang makahayop na pagpaslang kanila Ka Benito at Ka Wilma ay patunay lamang na desperado na ang mga naghaharing uri na supilin ang rebolusyonaryong interes ng mamamayan.

Desperado ang mga naghaharing pangkatin dahil alam nila na bilang na ang mga araw nila. Pulang bangungot para sa rehimeng US-Marcos-Duterte ang lumalakas at lumalawak na rebolusyonaryong kilusan.

Mismo ang rehimeng US-Marcos-Duterte ang lumilikha ng obhetibong kundisyon para sa pagpapalawak ng rebolusyon. Pinapanatili ng naghaharing pangkatin na ito ang malakolonyal at malapyudal na krisis ng lipunang Pilipino. Nagsisilbi bilang masugid na tuta ang rehimen para sa pangkalahatang interes ng imperyalismong US.

Ang reaksyunaryong estado mismo ang gumagawa ng sarili nitong hukay. Ngunit hangga’t nagsisilbi ang naghaharing uri sa dikta at interes ng imperyalismo, hindi nito mapipigilan ang sarili na pasidhiin ang pagsasamantala laban sa mamamayan.

Nananatiling wasto ang paglunsad ng demokratikong rebolusyong bayan dahil layunin nito na makamit ang pambansa at demokratikong interes ng mayorya ng mamamayan. Ito ay isang anti-imperyalista, anti-pyudal, at anti-pasistang pakikibaka para sa pagpapalaya ng bayan mula sa mga pangil ng dayuhang imperyalista at ng mga lokal na ahente nito, ang mga panginoong maylupa at malalaking burgesya komprador na kumokontrol ng reaksyunaryong estado.

Napapanahon ang malawakang pagsulong ng rebolusyonaryong pwersa sa Laguna. Nasasadlak sa kahirapan ang kalakhan ng Lagunense dahil sa kawalan ng maayos na trabaho at dumadausdos na antas ng sahod. Sa mga komunidad ng magsasaka, tinutulak ang land-use conversion para sa mga proyektong imprastruktura at eko-turista.

Sa ilalim ng neoliberal na programang “Build Better More,” papalayasin ng rehimeng US-Marcos-Duterte ang libu-libong pamilyang maralita, magsasaka, at mangingisda sa kahabaan ng lawa ng Laguna upang magbigay daan sa Laguna Lakeshore Road Network project. Gayundin ang planong railway modernization at jeepney modernization na papatay sa kabuhayan ng mga drayber at iba pang maralita.

Hindi rin humupa ang militarisasyon at terorismo ng estado laban sa mamamayan ng Laguna. Sa mga komunidad ng mga manggagawa at mga engklabo, patuloy ang 2nd Infantry Division ng AFP at ang NTF-ELCAC sa kanilang pananakot at pagbabanta sa mga unyonista. Sunod-sunod din ang mga seminar ng ELCAC sa mga komunidad at eskwelahan na hinahambing sa terorismo ang demokratikong kilusang masa.

Tungkulin ngayon ng buong rebolusyonaryong kilusan sa Laguna na pasiglahin ang gawaing pagpukaw, pag-oorganisa, at pagpakilos. Susi rito ang pagpapalawak ng mga rebolusyonaryong organisasyong masa sa kanayunan at sa kalunsuran, ang pagpapalawak ng suporta sa demokrationg rebolusyong bayan, at ang paghikayat sa lahat na sumapi sa Bagong Hukbong Bayan at isulong ang armadong pakikibaka sa kanayunan.

Tiyak ang pagkamit ng pambansa-demokratikong tagumpay sa ating bayan! Magpunyagi tayo para sa tagumpay at sa sosyalistang kinabukasan!

https://philippinerevolution.nu/statements/paigtingin-ang-pakikibaka-ng-sambayanan-para-sa-pambansang-demokrasya-at-sosyalismo/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.