Thursday, August 3, 2023

CPP/NDF-Palawan: SONA 2023, hungkag! Walang tunay na kaunlarang nakamit ang mga Palaweño sa unang taon ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Aug 2, 2023): SONA 2023, hungkag! Walang tunay na kaunlarang nakamit ang mga Palaweño sa unang taon ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II! (SONA 2023, hollow! Palaweños achieved no real progress in the first year of the illegitimate US-Marcos II regime!)



Leona Paragua
Spokesperson
NDF-Palawan
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

August 02, 2023

Hungkag, pawang mga kasinungalingan, at hindi sinalamin ng State of the Nation Address 2023 ng ilehitimong presidente ng reaksyunaryong gubyerno na si Ferdinand Marcos II ang tunay na kalagayan ng bansa at ng mamamayang Pilipino. Ni wala itong binanggit na mga partikular na kalagayan at proyekto sa Palawan, gayong kaliwa’t kanan ang mga desperasyon at maniobra ng rehimen, kasabwat ang mga dayuhan at lokal na naghaharing uring burukrata kapitalista, malalaking burgesya kumprador at panginoong maylupa sa paglapastangan sa kalikasan at mamamayan ng probinsya.

Sagad sa pagiging baligho ang ipinresenta niya sa kanyang SONA na “sound and improving” ang kalagayan ng bansa sa batayan ng mga pinaganda at minahikang datos. Hindi man lamang naramdaman ng mamamayang Palaweño ang ipinangangalandakan niyang kaunlaran na nakamit umano sa kanyang unang taong termino. Walang nagbago sa kalagayan ng mga magsasaka, manggagawa, at iba pang inaapi’t pinagsasamantalahang uri at sektor sa Palawan, bagkus tumindi pa ang nararanasang kahirapan at kagutuman dahil sa patuloy na lumalalang krisis ng malakolonyal at malapyudal na lipunan.

Hungkag din ang tema ng kanyang ikalawang SONA na “walang maiiwan”, katulad ng tema ng unang SONA niya noong nakaraang taon na “ang pangarap mo ay pangarap ko”, at walang ipinag-iba sa mga napakong ipinangako ng mga nagdaang rehimen. Katunayan, malayo nang naiwan ng napakatataas na presyo ng batayang bilihing bigas, petrolyo atbp ang mababang sahod ng mga manggagawa at bagsak na presyo ng produkto ng mga magsasaka. Tanging ang mga naghaharing-uring panginoong maylupa, malaking burgesyang kumprador at dayuhang mamumuhunan lamang ang pinakikinggan ng rehimen at sinusunod na interes.

Pangunahing nakayukod ang papet na rehimen sa interes at kumpas ng imperyalismong US. Garapalang sinusunod nito ang mga adyenda ng US ng pagpapalakas ng kontrol sa rehiyong Indo-Pasipiko laban sa China. Dahil sa estratehikong lokasyon ng bansa, nagdagdag ng mga base militar ang US sa bisa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement. Kabilang sa mga dagdag na base ang Balabac Island sa Palawan kung saan nagpapatuloy ang konstruksyon bukod pa sa mga dati na nitong nakatayong base na Antonio Bautista Air Base at Naval Station Carlito Cunanan sa Puerto Princesa City. Buwan-buwan ang nagaganap na magkatambal na ehersisyong militar sa probinsya na nilahukan ng mersenaryong armadong tropa ng US at ng Pilipinas, tampok ang inilunsad na pinakamalaking Balikatan Exercises 2023 sa buong kasaysayan nito.

Upang suhayan pa ang adyendang militar ng US sa Palawan, isinusulong din ng rehimen ang pagtatayo ng magastos, di-ligtas, at di subok na plantang nukleyar ng small modular reactor upang maging lunsaran ng mga eksperimento ng paggawa at pagpapaunlad ng mga armas nukleyar. Ito ang ubod ng nilalaman ng 1-2-3 Agreement na dinala ni US Vice President Kamala Harris sa pagbisita sa bansa noong Nobyembre ng nakaraang taon. Pilit na ipinalulunok ito sa mamamayang Palaweño upang tanggapin nila sa tabing ng kakulangan ng kuryente sa probinsya. Sa katunayan, hindi prayoridad ng rehimen na maghatid ng libre o kahit man lang mura at abot-kayang kuryente sa mamamayan ng Palawan. Hanggang ngayon, maraming lugar sa Palawan ang hindi pa rin naaabot ng kuryente habang mataas naman ang singil ng PALECO sa mga naseserbisyuhan nito. Paubos na ang enerhiyang nakukuha mula sa Malampaya project sa Palawan na hindi naman ang mamamayang Palaweño ang nakinabang. Ang mga programa ng rehimen para sa enerhiya ay para lamang magsilbi sa pagpapayaman at negosyo ng mga oligarko at pribadong kumpanya na nagmomonopolyo sa produksyon ng langis at enerhiya sa bansa.

Ang mga naglipanang negosyo ng mga naghaharing-uri rin ang dahilan kaya nasasaid ang iba pang likas na yaman sa Palawan. Patuloy na nakakalbo ang kagubatan at kabundukan laluna ng Timog Palawan dahil pinamumugaran ito ng mga dambuhala at mapaminsalang dayuhang mina. Dagdag pa rito ang pinsalang hatid sa kalikasan ng mga operasyon ng iligal na pagtotroso sa pangunguna ni Jose Alvarez. Ang dating pagkilala sa probinsya bilang huling ekolohikal na prontera ay unti-unting nabubura dahil sa tuluy-tuloy na paglapastangan sa kalikasan ng Palawan.

Upang higit pang ilako at ihain ang probinsya sa mga lokal at dayuhang mamumuhunang burgesya kumprador, ipinapatupad ng rehimen ang mga patakarang pambansa at lokal na hindi naman tunay na nangangalaga sa kalikasan at likas na yaman ng probinsya, bagkus ay pumipinsala sa buhay, kabuhayan at panirahan ng mamamayan. Nangangamba ang mga mangingisdang Palaweño sa ireresulta ng pagrebyu sa Fisheries Code na binanggit ni Marcos II sa kanyang SONA. Malamang na babaguhin nito ang takdang eryang maaaring pangisdaan. Malaon nang nagigipit ang mga mangingisda ng lalawigan sa mga mahihigpit na patakaran sa ilalim ng nasabing batas, ng Strategic Environment Plan, Palawan Council Administrative Order No. 5 at No Build Zone Policy.

Sa pangkalahatan, nananatili ang naunang hatol ng rebolusyonaryong kilusan sa Palawan, sampu ng buong mamamayang Palaweño, na palpak, pahirap, sukdulang pagpapaalipin at waldas ang unang taon ng ilehitimong rehimeng US-Marcos II! Walang Bagong Pilipinas dahil wala namang nagbago sa panlipunang kalagayan ng bansa na malakolonyal at malapyudal, at nananatili ang paghahari ng tatlong salot na imperyalismo, pyudalismo at burukrata kapitalismo. Walang aasahan ang sambayanang Pilipino na kaunlaran, kaginhawaan at kapanatagan sa ilalim ng papet, korap, kontra-mamamayan, pahirap at pasistang presidente.

Dapat na ibayong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan sa Palawan at sa buong bansa. Tinatawagang sumampa sa Bagong Hukbong Bayan ang lahat ng mamamayang Palaweñong binigo ng nagpalit-palitang rehimen at hanggang ngayo’y nakararanas ng matinding kahirapan at kagutuman. Sa pamumuno ng Partido Komunista ng Pilipinas, ipagwawagi ang digmang bayan at hahawanin ang landas sa pagtatayo ng demokratikong gubyernong bayan na tunay na maglilingkod sa mamamayan. At sa araw ng tagumpay, maibabandila sa buong mundo ang pagdating ng tunay na isang bagong Pilipinas—ang tunay na malaya, demokratiko, maunlad at masaganang Pilipinas! ###

https://philippinerevolution.nu/statements/sona-2023-hungkag-walang-tunay-na-kaunlarang-nakamit-ang-mga-palaweno-sa-unang-taon-ng-ilehitimong-rehimeng-us-marcos-ii/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.