Monday, July 31, 2023

CPP/NPA-Sorsogon: Taas kamaong pagpupugay sa iyo Ka Karen!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Jul 29, 2023): Taas kamaong pagpupugay sa iyo Ka Karen! (Raise your fist to salute you Ka Karen!)
 


Samuel Guerrero
Spokesperson
NPA-Sorsogon (Celso Minguez Command)
Bicol Regional Operational Command (Romulo Jallores Command)
New People's Army

July 29, 2023

Download the video here.

Pinakamataas na pagpupugay ang iginagawad ng Celso Minguez Command-NPA Sorsogon at ng buong rebolusyonaryong kilusan kay Fernado “Ka Karen” Dialogo na pinaslang ng mga armadong ahente ng AFP noong Hulyo 15, 2023 sa Brgy. Boton, Casiguran, Sorsogon sa edad na 47.

Nagmula si Kasamang Karen sa pamilya ng maralitang magsasaka sa Brgy. Lapinig, Gubat, kung saan pagkokopra ang pangunahing porma ng hanapbuhay. Nang muling mag-organisa ang mga kasama sa kanyang baryo noong 1983 ay naging bahagi siya ng grupong ng mga kabataan. Naging madali para sa kanya na maunawaan ang mithiin ng kilusan at ang kahalagahan ng rebolusyon, kung kaya’t kahit sa murang edad na 10 ay tumutulong na siya sa mga kasama bilang courier o tagahatid ng mga mensahe at gamot sa mga pasyente.

Taong 1985 ay nagdesisyon siyang magtrabaho sa Maynila bilang panadero sa bakery at ilang taon ding nawalan ng ugnay sa mga kasama. Pag-uwi niya sa Gubat noong 2006 ay muli niyang nakahalubilo ang mga kasama at inaya siya na sumampa sa hukbo. Mula noon ay naging tuloy-tuloy ang kanyang pagsisilbi sa sambayanan.

Dahil sa husay niya sa gawaing militar at sa pamumuno ng tropa, mula sa pagiging iskwad lider ay naging commanding officer siya ng platoon. Nag-organisa siya sa mga bayan ng Prieto Diaz, Bacon, Gubat, Casiguran, Barcelona, Bulusan, Sta. Magdalena at Irosin.

Masayahin, palabiro, mahusay na lider, maalaga sa tropa, masipag, matapang, magaling na propagandista at puno ng dedikasyon sa kanyang gawain – ito ang mga katangian ni Ka Karen na tumatak sa puso at diwa ng lahat ng mga kasama at masa na kanyang nakadaupang-palad.

Madaling nakakahalubilo ni Ka Karen ang masa. Idinadaan niya lamang sa simpleng biruan habang nagsisigarilyo o nagmama-mama hanggang sa kalaunan ay naipapasok niya sa mga usapan ang mga pagpapaliwanag kung bakit mayaman ang Pilipinas ngunit naghihirap ang sambayanan at ang kawastuhan ng pagrerebolusyon.

Bilang kadre, hindi naiiba ang pagtrato niya sa mga kasama, palagi siyang nakikipagbiruan at nagkukwento ng mga karanasan niya bilang kasama at sibilyan. Lagi rin niyang tinitiyak na nasa mahusay na kalagayan ang kanyang tropa, kahit sa gitna ng labanan o gipit na sitwasyon.

Mapagmahal din siyang asawa at ama sa kanyang limang anak. Bagamat laging malayo sa kanyang pamilya, sinisikap niyang gabayan ang kanyang mga anak kahit sa simpleng paraan ng pagtawag at pagkamusta.

Hindi matatawaran ang dedikasyon, sakripisyo, lakas, talino at buhay na inalay ni Ka Karen para sa bayan at sambayanan. Ilang beses man siyang tinamaan ng bala sa iba’t ibang labanan ay patuloy pa rin siyang nagrerebolusyon para sa kinabukasan ng susunod na salinlahi hanggang sa huling sandali.

Maraming salamat Kasamang Karen! Ipagpapatuloy namin at ng mga susunod na henerasyon ang pakikibaka para sa tunay na malaya at masaganang bukas. Taas-kamaong pagpupugay sa iyo at sa lahat ng mga bayani ng rebolusyon!

https://philippinerevolution.nu/statements/taas-kamaong-pagpupugay-sa-iyo-ka-karen/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.