Monday, April 24, 2023

CPP/NDF-KASAMA: Wakasan ang kahirapan, isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon, patatagin ang nagkakaisang prente! Mabuhay ang ika-50 anibersaryo ng NDFP!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Apr 23, 2023): Wakasan ang kahirapan, isulong ang pambansa demokratikong rebolusyon, patatagin ang nagkakaisang prente! Mabuhay ang ika-50 anibersaryo ng NDFP!  (End poverty, advance the national democratic revolution, strengthen the united front! Long live the 50th anniversary of the NDFP!)
 


Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (Kasama)
National Democratic Front of the Philippines

April 23, 2023

Ipinagdiriwang at pinagbubunyi ng Katipunan ng mga Samahang Manggagawa (KASAMÀ) ang ika-50 anibersaryo ng National Democratic Front of the Philippines. Ipinaaabot din namin ang aming pinakamataas na pagpupugay sa lahat ng rebolusyonaryong organisasyong masang kasapi ng NDFP na patuloy nagtataguyod ng pambansa-demokratikong rebolusyon at nagsusulong ng armadong pakikibaka.

Sa loob ng limang dekada, patuloy na umuukit sa kasaysakan ang NDFP bilang malapad na alyansa at nagkakaisang prente ng sambayanang Pilipino laban sa imperyalistang US na naghahari kasabwat ng mga lokal na burgesya komprador at panginoong maylupa. Nananatiling matatag ang NDFP sa kabila ng mga naging matinding panunupil ng rehimeng US-Duterte at patuloy na nagsisilbing bag-as ng pakikibaka ng masa sa pagharap ng sambayanan sa tumitinding krisis at kahirapan sa kasalukuyang rehimeng US-Marcos Jr.

Sa loob lamang ng halos isang taon sa panunungkulan, walang pasubaling ipinamamalas ni Marcos Jr ang pagpapakatuta nito sa imperyalistang US na naghahari sa ekonomiya ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga neoliberal na pamamalakad. Ramdam sa kumakalam na sikmura ng mga maralitang manggagawa at mala-manggagawa ang kawalan ng sapat na sahod at kita sa harap ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng mga bilihin habang patuloy pinagkakaitan ng ayuda at katiyakan sa paninirahan. Dagdag pahirap ang iba’t ibang porma ng pagpapalayas at demolisyon. Winawasak ang mga komunidad sa kaliwa’t kanang mga sunog, mga proyektong imprastraktura, pagkamkam ng lupang kinatitirikan, at reklamasyon na magtataboy sa mga komunidad sa tabing dagat.

Lalong higit na nagpapalala sa kalagayan ng maralitang Pilipino ang hayagang pagmamanikluhod ng rehimeng Marcos Jr sa US sa pagbubukas pa lalo nito ng mga karagdagang lokasyon sa bansa ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Sa ilalim nito, libreng magagamit ng mga tropang Kano ang teritoryo ng Pilipinas para gawing “playing field” ng pagsasanay sa digmaan, pagiimbak ng mga armas pandigma, at upang makipagtapatan sa dominasyon ng karibal nitong imperyalistang Tsina sa rehiyon.

Mula nang magtuloy muli ang Balikatan exercises ng US military at AFP sa bansa, ilang mga komunidad na ng mangingisda ang tahasang inagawan ng kabuhayan dahil sa mga navy drills ng tropang Kano at AFP sa mga palaisdaan. Nakaranas din ng matinding pagkagambala ang ilang mga komunidad malapit sa mga EDCA sites dahil sa alingawngaw ng mga pagpapasabog ng bomba ng mga militar.

Kahit sa labas ng mga EDCA sites, wala pa ring patawad ang mga pasistang militar sa paghahasik ng lagim sa mga maralitang komunidad sa mga lungsod at bayan. Sa maraming komunidad sa Metro Manila at mga karatig na probinsya na kumakaharap sa iba’t ibang porma ng demolisyon at panggigipit ng estado, mapailang beses na pinakatan ng mga pulis, militar, at NTF-ELCAC ang mga naturang komunidad upang maniktik, linlangin, i-redtag, at sindakin ang mga maralitang nagkakaisa at kumikilos para sa kanilang kagalingan.

Sa ganitong mga sitwasyon, lalo lamang nilalantad ng reaksyonaryong gobyerno ang sarili nito bilang anti-mamamayan at anti-mahirap. At lalo lang din nitong binibigyan ng dahilan ang mga maralitang manggagawa at mala-manggagawa sa buong bansa na kumilos, tumahak ng rebolusyonaryong paglaban, at umambag sa armadong pakikibaka.

Sa pagdiriwang natin ng ika-50 anibersaryo ng NDFP, humugot tayo ng lakas mula sa ala-ala ng mga bayani at martir ng rebolusyonaryong kilusan ng mala-manggagawa tulad ni Ka Marco, isang lider-rebolusyonaryong maralita na isa sa mga naging haligi ng kilusang mala-manggagawa sa kalunsuran ngunit tahasang pinaratangang terorista ng estado at walang habas na pinaslang ng mga berdugong AFP noong 2020.

Gayundin, labis na ikinagagalit ng KASAMÀ ang ginawang brutal na pagpatay ng mga puwersa ng estado kanila Ka Benito Tiamzon (Ka Laan), tagapangulo ng Komiteng Tagapagpaganap ng Partido Komunista ng Pilipinas, at Ka Wilma Austria-Tiamzon (Ka Bagong-tao), pangkalahatang kalihim ng Partido. Gayumpaman, pinagpupugayan namin ang kanilang kabayanihan, hindi matatawarang mga naging ambag sa rebolusyon, at sa pagsusulong ng usaping pangkapayapaan sa kabila ng paulit-ulit na panunupil ng estado hanggang sa pagaalay ng buhay para rito.

Sa pag-alala natin ng mga buhay at naging ambag ng mga bayani at martir ng rebolusyong Pilipino, lalo pa nating pagtibayin ang determinasyong isulong ang demokratikong rebolusyong bayan, buong-lakas na magmulat, mag-organisa, at magpakilos, buong tapang na magpunyagi para sa pagsulong at higit pang pagtatagumpay ng pambansa-demokratikong rebolusyon, umambag sa armadong pakikibaka, at sama-samang itayo ang isang lipunang malaya!

MABUHAY ANG IKA-50 ANIBERSARYO NG NATIONAL DEMOCRATIC FRONT OF THE PHILIPPINES!
MABUHAY ANG IMORTAL NA ALA-ALA NILA KA MARCO, KA LAAN, KA BAGONG-TAO, KA JOMA, AT LAH

https://philippinerevolution.nu/statements/wakasan-ang-kahirapan-isulong-ang-pambansa-demokratikong-rebolusyon-patatagin-ang-nagkakaisang-prente-mabuhay-ang-ika-50-anibersaryo-ng-ndfp/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.