Saturday, March 11, 2023

CPP/NDF-Laguna: Kababaihan at mamamayan, isulong ang digmang bayan!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Mar 11, 2023): Kababaihan at mamamayan, isulong ang digmang bayan! (Women and citizens, advance the people's war!)
 


Malaya Asedillo
Spokesperson
NDF-Laguna
NDF-Southern Tagalog
National Democratic Front of the Philippines

March 11, 2023

Nagbibigay pugay ang National Democratic Front — Laguna sa lahat ng kababaihang anakpawis at rebolusyonaryo na tinatahak ang landas ng panlipunang pagbabago tungo sa isang lipunang pantay at mapagpalaya.

Sa nagdaang Pandaigdigang Araw ng Kababaihang Anakpawis, pinakita ng mga militante at progresibong kababaihan ang kanilang tapang at paninindigan para ipaglaban ang kanilang mga demokratikong karapatan. Gayundin, patuloy na pinapakita ng mga rebolusyonaryong kababaihan ang kanilang kakayahang mamuno sa pambansa-demokratikong rebolusyon at sa matagalang digmang bayan.

Tunay nga na pasan ng kababaihan ang kalahati ng kalangitan. Doble ang pagsasamantala na nararansan ng kababaihan — pangunahin dahil sa kanilang uri, pangalawa dahil sa kanilang kasarian. Sa lipunang Pilipino, kung saan nananatili ang labi ng pyudal na kultura at naghahalo sa burges at dekadenteng kaisipan, nawawalan ng disenteng lugar ang kababaihan. Tinuturing sila bilang mas mababa o mas mahina sa kalalakihan; mahinhin, dapat protektahan, o kaya nama’y nabubuhay lamang para pagsilbihan ang kalalakihan.

Biktima rin ang kababaihan ng lumalalang pandaigdigang krisis. Kababaihang manggagawa ang karaniwang unang tinatanggal ng mga kapitalista sa pagawaan, habang patuloy na tinatanggalan ng lupa ang kababaihang magsasaka. Walang sapat na serbisyong panlipunan ang maraming kababaihang maralita kung kaya’t napipilitan sila lumahok sa antisosyal na gawain tulad ng krimen o prostitusyon.

Bagama’t may pagkilala ang reaksyunaryong estado sa paglitis sa krimen laban sa kababaihan at bata, hindi ito nabibigyan ng tunay na hustisya. Nananatili ang kultura ng impunidad laban sa kaso ng panggagahasa, abuso, at iba pang pandarahas sa kababaihan — na karaniwa’y ginagawa ng mga nasa poder tulad ng pulis, sundalo, atbp.

Ang demokratikong rebolusyong bayan ay isang rebolusyon para sa pagpapalaya ng kababaihan; ang sosyalistang perspektiba ay perspektiba ng pagpapalaya sa kasarian. Layunin nito basagin ang mismong ugat ng patriyarka: ang pyudalismo sa kanayunan at ang imperyalismong nagpapanatili ng ganitong kaayusan. Makakamit lamang ng kababaihan ang ganap na paglaya kung lalahok sila sa rebolusyon.

Makikita ang militanteng kababaihan sa gulugod at sa unahan ng bawat pakikibaka. Sila ay mga lider-komunidad, lider-masa, at tagapagtaguyod ng demokratikong karapatan ng mamamayan. Sila ay may istorikong papel sa pagsulong ng demokratikong rebolusyong bayan at pagsulong ng armadong pakikibaka. Hanggang ngayon, makikita ang rebolusyonaryong kababaihan bilang mga Pulang kumander ng hukbo at mga susing kadre na nagbubuo ng Pulang kapangyarihan sa kanayunan.

Magiging tunay na pangmasang pagsisikap lamang ang rebolusyonaryong pakikibaka kung lalahukan ito ng lahat ng mamamayan. Susing papel ng kababaihan at ng buong sambayanang Pilipino ngayon na isulong ang digmang bayan sa lahat ng antas. Hinog ang kundisyon hindi lamang para sa pagpapalaya ng kababaihan kundi sa pagpapalaya ng masang anakpawis laban sa lahat ng pwersa ng reaksyon.

Ngayong buwan ng kababaihang anakpawis, hamon sa lahat ng kababaihan na pangunahan ang pakikibaka para sa pambansang demokrasya. Tumungo sa kanayunan at lumubog sa masa, at isulong ang digmang bayan hanggang sa tagumpay!

Kababaihan, ang lugar mo ay sa rebolusyon! Sumapi sa Bagong Hukbong Bayan!

https://philippinerevolution.nu/statements/kababaihan-at-mamamayan-isulong-ang-digmang-bayan/

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.