Thursday, February 23, 2023

CPP/Southern Tagalog RC: Citizens of the world, bind, prevent and resist all forms of inter-imperialist war!

Propaganda statement posted to the Communist Party of the Philippines (CPP) Philippine Revolution Web Central (PRWC) Website (Feb 22, 2023): Mamamayan ng daigdig, magbigkis, pigilan at labanan ang lahat ng anyo ng inter-imperyalistang gera! (Citizens of the world, bind, prevent and resist all forms of inter-imperialist war!)



Public Information Office
CPP Southern Tagalog Regional Committee
Communist Party of the Philippines

February 22, 2023

Kaisa ng mamamayan ng daigdig, tinutuligsa ng Partido Komunista ng Pilipinas sa Timog Katagalugan ang nagpapatuloy na inter-imperyalistang gera sa Ukraine sa pangunguna ng US. Kasabay nito, mariin din naming tinutuligsa ang tuluy-tuloy na pang-uudyok ng US ng panibagong larangan ng gera sa Asia Pacific laban sa China.

Isang taon na ang nakalilipas mula nang pumutok ang gera sa Ukraine. Unti-unti nang nagiging matagalan ang proxy war na inilunsad ng US-NATO laban sa Russia laluna matapos tanggihan ng una ang lahat ng pagsisikap para sa negosasyong pangkapayapaan.

Noong Abril 2022, pumayag ang Russia na pumasok sa negosasyon sa inisyatiba ng Turkey pero tinanggihan ito ni Volodymyr Zelensky, presidente ng Ukraine sa sulsol ng noo’y Prime Minister ng UK na si Boris Johnson. Imbes na pahupain, lalong pinaigting ng US-NATO ang gera sa pamamagitan ng pagbuhos ng bilyun-bilyong halaga ng armas sa tuta nitong gubyerno at armadong hukbo sa Ukraine. At noong Oktubre ng parehong taon, tahasang ibinasura ni Biden ang panawagan ng 66 bansa sa United Nations General Assembly na muling buksan ang negosasyong pangkapayapaan at ipatupad ang tigil-putukan para tapusin ang gera sa Ukraine.

Pinakanagdusa sa gerang ito ang sibilyang mamamayan ng Ukraine at mga karatig na bayan. Hanggang nitong Pebrero 12, naitala ng UN Office of the High Commissioner for Human Rights ang 18,955 kaswalti sa mga sibilyan kung saan 7,199 ang napatay at 11,756 ang nasugatan. Liban dito, aabot na sa 7.9 milyong Ukrainian na ang lumikas dahil sa gera. Ayon naman kay Ukraine Prime Minister Denys Shmyhal, mahigit na sa $700 bilyon ang pinsala sa pambansang ekonomya ng Ukraine hanggang Disyembre 2022. Dahil malayo pa sa paghinto ang gera at sa gitna ng inilulunsad na opensiba ng Russia, lalupang titindi ang sitwasyon sa Ukraine at dadami ang pinsalang direktang tatama sa mga sibilyan roon.

Sadyang walang pakialam ang sindikatong US-NATO sa kahihinatnan ng Ukraine at mamamayan nito. Sa kaibuturan, nais nitong sairin ang kakayahang militar ng Russia at ihiwalay ito sa China, ang kasunod na target nitong gerahin sa pangarap na kamtin muli ang solong pandaigdigang paghahari. Katunayan, todo-buhos ito ng suportang militar sa Ukraine. Hanggang Disyembre 2022, aabot na sa $100 bilyon ang pondong inilaan ng US para sa gera sa Ukraine, napakalayo sa taunang pondong militar ng Russia na £65 bilyon. Kabilang rin sa mga ganansyang nakamit ng US ang pagkawasak ng lahat ng natitira pang pagkakaisa sa pagitan ng Europe at Russia para lalong gawing asa ang Europe sa US, kapwa sa militar at ekonomya. Itinutulak rin ng US ang Europe na makipagsabwatan sa kanya para ihiwalay ang China at Russia.

Habang kinamumuhian ng mamamayang Ukrainian, sinasambang tila bayani ng US congress si Zelenzky, na walang ibang maipagmamalaki kundi ang pagiging bulag na ahente’t tagasunod ng US-NATO. Labis ang pangangayupapa ni Zelensky sa amo nito kapalit ang kapangyarihan at “karangalan” sa kapinsalaan ng kanyang mga kababayan. Sa kabilang banda, bagabag ng matinding krisis ang US kaya obligado siyang ipagpatuloy ang reseta nitong gera sa bumubulusok na ekonomya gamit ang Ukraine bilang piyon laban sa Russia. Dahil sa gera sa Ukraine, naglakihan ang kita ng pangunahing mga kumpanya sa depensa sa US kung saan ang gubyerno nito ang pangunahing tagabili ng mga produktong nililikha nito. Nananatiling nangunguna sa paglaki ng kita sa pagtatapos ng taong 2022 ang limang kumpanya sa depensa ng US na Lockheed Martin, Raytheon Technologies, Boeing, Northrop Grumman at General Dynamics. Ang taun-taong $700 bilyong inilalaan ng gubyerno ng US sa depensa ay pangunahing napupunta sa kita at tubo ng mga kumpanyang ito.

Lalong tumitindi ang pangangailangan ng US sa kasalukuyan sa gitna ng nagpapatuloy na implasyong nagpapahirap sa sariling mamamayan. Kalaghatian ng 2022 nagsimula ang resesyon sa ekonomya ng US matapos maitala ang negatibong paglago ng gross domestic product nito sa 2 makasunod na kwarto ng taon. Pinangangambahan pang magsisimulang muli ang resesyon nito sa ekonomya sa ikalawang hati ng taong 2023.

Samantala, ang gerang proxy na tulad sa Ukraine ay malapit nang magkaanyo sa Asia Pacific laban sa China. Mismong sa bibig ng isang opisyal militar ng US na si Lt. Gen. James Bierman, kumander ng Third Marine Expeditionary Force ng US Armed Forces at Marine Forces Japan, kung paanong malaon nang pinagplanuhan ng US ang pagkakasa ng gera laban sa China tulad ng ginawa nila sa Ukraine. Kasunod na tinukoy ni Bierman na bahagi nito ang paghahanda nila ng teatro ng gera sa Japan at Pilipinas. Kinumpirma rin ito ng isang internal na kautusan ng Pentagon sa pamamagitan ni Gen. Mike Minihan, hepe ng Air Mobility Command na nagsasaad na pangunahing layunin nila ang pigilan ang China, at kung kinakailangan ay talunin ito.

Dito nakatudla ang papatinding presensya ng US sa Indo Pacific—Taiwan, Pilipinas, Japan, Singapore at South Korea, ang itinuturing na first island chain nito para palibutan ang China. Paparami at papadalas ang mga aktibidad at pagsasanay-militar ng US at nabanggit na mga papet na bansa.

Pinalaki ng US ang presensya ng mga pwersang nabal nito sa kanluran at silangang karagatan ng Pilipinas, sa silangang baybayin ng Japan at sa Taiwan Strait. Patuloy na hinahamon ng US ang One China Policy (soberanya ng China sa Taiwan) at inuudyukan itong unang sumalakay tulad ng nagawa nito sa Russia at bigyang-katwiran ang isang lahatang-panig na gera laban sa China.

Sa Pilipinas, tinutuntungan ng pinalaking presensyang militar ang mga tagibang na kasunduan sa pagitan ng US at reaksyunaryong GRP. Kabilang dito ang Mutual Defense Treaty, Visiting Forces Agreement at ang pinakahuli, ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA). Sa kabila nang pagpapatalsik ng mamamayang Pilipino sa base militar, nagagawang ikutan ng US ang lahat ng limitasyon sa pagpapanumbalik nito sa bansa sa pamamagitan ng EDCA. Mula nang ipatupad ito, tuluy-tuloy nang ginagamit ng US ang Basa Air Base sa Pampanga; Antonio Bautista Air Base sa Puerto Princesa City, Palawan; Benito Ebuen Air Base sa Mactan Island, Cebu; Lumbia Airfield sa Cagayan de Oro City; jungle base sa Fort Laur sa Nueva Ecija at ilan pang “sikretong base” nito tulad ng Naval Station Carlito Cunanan sa Ulugan Bay, Palawan. Nitong buwan lamang, inianunsyo ni Marcos Jr. na madadagdagan pa ng lima ang istasyon ng EDCA sa bansa matapos ang pagbisita ni US Defense Secretary Lloyd Austin.

Bago pa ito ang pagbisita ni US Vice President Kamala Harris sa bansa na dala ang kasunduan hinggil sa pagtatayo ng missile systems sa bansa. Ang planong missile launching systems at iba pang pasilidad militar ng US na itinatayo at itatayo pa sa Pilipinas ay magsisilbing magnet sa mga atakeng Chinese laban Pilipinas. Garapalang nilalabag ng US ang soberanya ng Pilipinas sa paggamit sa bansa bilang base para sa paglulunsad ng mga dayuhang gera nito.

Sa gitna ng lahat ng ito, ang mamamayan ng buong daigdig ang nagdurusa sa pagpapasasa ng mga imperyalistang bansa sa pangunguna ng US. Ang ipinataw na mga sangsyon sa Russia ay ibayong gumatong sa pandaigdigang krisis dahil sa sinira nito ang suplay sa buong daigdig laluna sa larangan ng produksyon ng langis, trigo, abono, rare earth metals para sa produksyon ng microchips at artificial intelligence na kailangan sa industriyang militar at iba pang hilaw na materyales na pangunahing nagmumula sa Russia. Lumikha ito ng artipisyal na kawalan at/o kakulangan ng suplay ng langis, pagkain at iba pang hilaw na materyales sa buong mundo.

Sinasamantala ito ng monopolyong burgesya at mga lokal na naghaharing uri sa mga bansang mahihirap upang itodo ang pagkamal ng super tubo sa kapinsalaan ng sangkatauhan. Ibayong pinaypayan nito ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing kalakal at bilihin laluna ng langis, pagkain at iba pang hilaw na materyales kung saan naitala ang makasaysayang rekord ng sobrang pagtaas ng global inflation na umaabot sa 8.5%-9.5%. Grabeng kahirapan ang idinudulot nito sa sangkatauhan laluna sa masang anakpawis.

Samantala, ang mamamayan ng mga bansang imbwelto at lunsaran ng gera tulad ng Russia at Ukraine ang nakararanas ng pinakamatitinding karahasan at kahirapan. Habang lalong pinipiga ng imperyalismo ang lakas-paggawa at kakayahang lumikha ng lipunan, ipinambabala nito sa magastos na gera ang mamamayan laluna ang uring anakpawis.

Dapat magbigkis at magkaisa ang sambayanan para labanan ang lahat ng anyo ng inter-imperyalistang gerang labis na naglulugmok sa sangkatauhan sa ibayong karalitaan. Para gawin ito, dapat ipanawagan sa buong daigdig na pigilan ang inter-imperyalistang gyera at kung hindi kakayaning pigilan ay samantalahin ang inter-imperyalistang gyera upang ipanalo ang rebolusyonaryong pakikibaka sa kani-kanilang bayan para sa pambansang kalayaan, demokrasya at sosyalismo. Nararapat iambag ng sambayanang Pilipino ang buong makakaya upang pagkaisahin ang sangkatauhan sa muling pagdaluyong ng pandaigdigang sosyalistang rebolusyon upang ibagsak ang imperyalismo – ang huli at naghihingalong yugto ng pandaigdigang kapitalismo na siyang ugat ng pandaigdigang karahasan, pagsasamantala, pang-aapi at kahirapan ng sangkatauhan.###

No comments:

Post a Comment

Note: Only a member of this blog may post a comment.